The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Tinanong ni Jeremias ang Panginoon
12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
2 Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
at malayo sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
4 Hanggang kailan tatangis ang lupain,
at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
5 Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
6 Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
ay nagtaksil sa iyo;
sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway
7 “Pinabayaan ko ang aking bahay,
tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
sa kamay ng kanyang mga kaaway.
8 Ang aking mana para sa akin
ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
kaya't kinamumuhian ko siya.
9 Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”
14 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.
15 At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.
16 At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.
17 Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng Panginoon.”
Ang Pamigkis na Lino
13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong baywang at huwag mong ilubog sa tubig.”
2 Kaya't bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking baywang.
3 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na sinasabi,
4 “Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong baywang, at bumangon ka at pumunta sa Eufrates, at ikubli mo ito sa isang bitak ng malaking bato.”
5 Kaya't pumunta ako, at ikinubli ko iyon sa tabi ng Eufrates gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw sinabi ng Panginoon sa akin, “Bumangon ka, pumunta ka sa Eufrates at kunin mo roon ang pamigkis na iniutos kong itago mo roon.”
7 Pumunta nga ako sa Eufrates, at hinukay ko at kinuha ang pamigkis mula sa dakong pinagtaguan ko nito. At narito, bulok na ang pamigkis at hindi na mapapakinabangan.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon na sinasabi,
9 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa gayon ko rin bubulukin ang kapalaluan ng Juda at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig sa mga salita ko, na may katigasang sumusunod sa kanilang puso, at sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi na mapapakinabangan.
11 Sapagkat kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda, sabi ng Panginoon; upang sila para sa akin ay maging isang bayan, isang pangalan, isang kapurihan at kaluwalhatian, ngunit ayaw nilang makinig.
Ang Sisidlan ng Alak
12 “Kaya't sasabihin mo sa kanila ang salitang ito. ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, “Bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak:”’ At kanilang sasabihin sa iyo, ‘Hindi ba namin nalalaman na ang bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak?’
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Aking pupunuin ng kalasingan ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito: ang mga hari na nakaluklok sa trono ni David, ang mga pari, ang mga propeta, at ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem.
14 At pag-uumpugin ko sila, maging ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon. Hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag, upang sila'y hindi ko lipulin.’”
Nagbabala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan
15 Dinggin ninyo at bigyang-pansin, huwag kayong maging palalo,
sapagkat nagsalita ang Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos,
bago siya magpadilim,
bago matisod ang inyong mga paa
sa mga madilim na bundok,
at habang kayo'y naghahanap ng liwanag,
ay gagawin niya itong anino ng kamatayan
at gagawin niya itong pusikit na kadiliman.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
ang aking kaluluwa ay lihim na iiyak dahil sa inyong kapalaluan;
at ang mga mata ko ay iiyak nang mapait at dadaluyan ng mga luha,
sapagkat ang kawan ng Panginoon ay dinalang-bihag.
18 Sabihin mo sa hari at sa inang reyna,
“Kayo'y magpakumbaba, kayo'y umupo,
sapagkat ang inyong magandang korona
ay bumaba na mula sa inyong ulo.”
19 Ang mga bayan ng Negeb ay nasarhan,
at walang magbukas sa mga iyon,
ang buong Juda ay nadalang-bihag,
buong nadalang-bihag.
20 “Itanaw ninyo ang inyong mga mata,
at masdan ninyo ang mga nanggagaling sa hilaga.
Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo,
ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin kapag kanilang inilagay bilang iyong puno
yaong tinuruan mo upang makipagkaibigan sa iyo?
Hindi ka ba masasaktan
gaya ng isang babae na manganganak?
22 At kung iyong sasabihin sa iyong puso,
‘Bakit dumating sa akin ang mga bagay na ito?’
Dahil sa laki ng iyong kasamaan
ay itinaas ang iyong palda
at nagdaranas ka ng karahasan.
23 Mababago ba ng taga-Etiopia ang kanyang balat,
o ng leopardo ang kanyang mga batik?
Kung gayon ay makakagawa rin kayo ng mabuti,
kayong mga sanay gumawa ng masama.
24 Ikakalat ko kayo[a] na gaya ng ipa
na itinaboy ng hangin mula sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran,
ang bahaging itinakda ko sa iyo, sabi ng Panginoon;
sapagkat kinalimutan mo ako,
at nagtiwala ka sa kasinungalingan.
26 Ako mismo ang magtataas ng iyong palda sa ibabaw ng iyong mukha,
at ang iyong kahihiyan ay makikita.
27 Nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa,
ang iyong mga pangangalunya, at mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid,
sa mga burol sa parang.
Kahabag-habag ka, O Jerusalem!
Gaano pa katagal
bago ka maging malinis?”
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2 “Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3 Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4 Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5 Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6 Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7 “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9 Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
Pagbati at Pasasalamat
1 Si(A) Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin.
3 Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo;
4 yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo.
Ang Halimbawa ng mga Taga-Tesalonica
5 Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo.
6 At(B) kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo,
7 anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia.
8 Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman.
9 Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buháy at tunay na Diyos,
10 at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating.
Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica
2 Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2 Bagaman(C) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
3 Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,
4 kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.
5 Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;
6 ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.
7 Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.
8 Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.
11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.
30 Sa bukid ng tamad ako'y napadaan,
at sa ubasan ng taong salat sa katinuan;
31 at, narito, tinubuang lahat ng mga tinik,
ang ibabaw niyon ay natatakpan ng mga dawag,
at ang batong bakod nito ay bumagsak.
32 Pagkatapos ay nakita ko at aking pinag-isipan,
ako'y tumingin at tumanggap ng pangaral.
33 Kaunting(A) tulog, kaunti pang pag-idlip,
kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang magpahinga,
34 at darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw;
at ang kahirapan na parang taong may sandata.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001