The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Si Jeremias at ang mga Recabita
35 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon sa mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, na sinasabi,
2 “Pumaroon ka sa bahay ng mga Recabita. Magsalita ka sa kanila at dalhin mo sila sa isa sa mga silid ng bahay ng Panginoon, at bigyan mo sila ng alak na maiinom.”
3 Kaya't kinuha ko si Jaazanias na anak ni Jeremias, na anak ni Habasinias, ang kanyang mga kapatid na lalaki, ang lahat niyang mga anak na lalaki, at ang buong sambahayan ng mga Recabita.
4 Dinala ko sila sa bahay ng Panginoon, sa silid ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, na tao ng Diyos, malapit sa silid ng mga pinuno sa itaas ng silid ni Maasias na anak ni Shallum, na tanod ng pintuan.
5 Aking inilagay sa harapan ng mga anak ng sambahayan ng mga Recabita ang mga mangkok na punô ng alak at ang mga saro, at sinabi ko sa kanila, “Uminom kayo ng alak.”
6 Ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami iinom ng alak, sapagkat si Jonadab na anak ni Recab, na aming ama ay nag-utos sa amin, ‘Huwag kayong iinom ng alak, maging kayo o ang inyong mga anak man, magpakailanman.
7 Huwag din kayong magtatayo ng bahay, ni maghahasik ng binhi, magtatanim o magkakaroon ng ubasan, kundi kayo'y titira sa mga tolda sa lahat ng mga araw ninyo, upang kayo ay mabuhay ng maraming araw sa lupain na inyong tinitirhan.’
8 Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab na aming ama sa lahat ng kanyang iniutos sa amin, na huwag uminom ng alak sa lahat ng aming mga araw, kami at ang aming mga asawa, ang aming mga anak na lalaki o babae man;
9 at huwag kaming magtayo ng mga bahay na aming matitirahan. Wala kaming ubasan, o bukid, o binhi;
10 kundi kami ay nanirahan sa mga tolda, sinunod at ginawa namin ang lahat ng iniutos sa amin ni Jonadab na aming ama.
11 Ngunit nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating sa lupain, ay aming sinabi, ‘Tayo na, at tayo'y pumunta sa Jerusalem sapagkat nakakatakot ang mga hukbo ng mga Caldeo at mga taga-Siria!’ Kaya't kami ay naninirahan sa Jerusalem.”
12 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
13 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at sabihin mo sa mga tao ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, Hindi ba kayo tatanggap ng turo at makikinig sa aking mga salita? sabi ng Panginoon.
14 Ang utos na ibinigay ni Jonadab na anak ni Recab sa kanyang mga anak na huwag iinom ng alak ay nasunod; at hindi sila uminom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat kanilang sinunod ang utos ng kanilang ama. Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan.
15 Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, ‘Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyos upang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.’ Ngunit hindi kayo nakinig o sumunod man sa akin.
16 Tinupad ng mga anak ni Jonadab na anak ni Recab ang utos na ibinigay ng kanilang magulang sa kanila, ngunit hindi ako sinunod ng bayang ito.
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking dadalhin sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila; sapagkat ako'y nagsalita sa kanila ngunit hindi sila nakinig; ako'y tumawag sa kanila, ngunit hindi sila sumagot.”
18 Ngunit sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat inyong sinunod ang utos ni Jonadab na inyong ama, at inyong iningatan ang lahat niyang alituntunin, at inyong ginawa ang lahat ng kanyang iniutos sa inyo;
19 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Si Jonadab na anak ni Recab ay hindi kukulangin ng anak na tatayo sa harapan ko magpakailanman.”
Binasa ni Baruc ang Balumbon sa Loob ng Templo
36 Nang(B) ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, ang salitang ito ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Kumuha ka ng isang balumbon, at isulat mo doon ang lahat ng salita na aking sinabi sa iyo laban sa Israel, laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito.
3 Marahil ay maririnig ng sambahayan ni Juda ang lahat ng kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan.”
4 Pagkatapos ay tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias, at sinulat ni Baruc sa isang balumbon mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng salita ng Panginoon na sinabi niya sa kanya.
5 At inutusan ni Jeremias si Baruc, na sinasabi, “Ako'y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng Panginoon;
6 kaya't pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng Panginoon mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga ito sa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan.
7 Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng Panginoon, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng Panginoon laban sa sambayanang ito.”
8 Ginawa nga ni Baruc na anak ni Nerias ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ni Jeremias na propeta tungkol sa pagbasa mula sa balumbon ng mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.
9 Nang ikalimang taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, nang ikasiyam na buwan, lahat ng tao sa Jerusalem, at ang lahat ng taong dumating sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Juda ay nagpahayag ng pag-aayuno sa harapan ng Panginoon.
10 At sa pandinig ng buong bayan ay binasa ni Baruc mula sa balumbon ang mga salita ni Jeremias, sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim, na nasa mas mataas na bulwagan sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.
Ang Balumbon ay Binasa sa mga Pinuno
11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng Panginoon mula sa balumbon,
12 siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno.
13 Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan.
14 At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, “Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka.” Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila.
15 Sinabi nila sa kanya, “Umupo ka at basahin mo iyan.” Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila.
16 Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, “Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari.”
17 At kanilang tinanong si Baruc na sinasabi, “Sabihin mo sa amin, paano mo isinulat ang lahat ng salitang ito. Mula ba sa kanyang bibig?”
18 Sumagot si Baruc sa kanila, “Binigkas niya ang lahat ng salitang ito sa akin mula sa kanyang bibig, at isinulat ko naman iyon ng tinta sa balumbon.”
19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Umalis ka at magtago, ikaw at si Jeremias, at huwag mong ipaalam kahit kanino ang inyong kinaroroonan.”
Sinunog ng Hari ang Balumbon
20 Kaya't sila'y pumasok sa bulwagan ng hari, pagkatapos nilang mailagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang iniulat ang lahat ng mga salita sa hari.
21 Pagkatapos ay sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon, at ito'y kanyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. Ito'y binasa ni Jehudi sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi ng hari.
22 Noon ay ikasiyam na buwan at taglamig at ang hari ay nakaupo sa loob ng bahay at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.
23 Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, ang mga iyon ay pinuputol ng hari sa pamamagitan ng patalim at inihahagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay natupok sa apoy na nasa apuyan.
24 Gayunman, maging ang hari o alinman sa kanyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng mga salitang ito ay hindi natakot o pinunit man ang kanilang mga suot.
25 Kahit nakiusap sina Elnatan, Delaias, at Gemarias sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ay ayaw niyang makinig sa kanila.
26 At iniutos ng hari kina Jerameel na anak ng hari, kay Seraya na anak ni Azriel, at kay Shelemias na anak ni Abdeel na hulihin si Baruc na kalihim at si Jeremias na propeta. Ngunit ikinubli sila ng Panginoon.
Ang Balumbon ay muling Isinulat ni Jeremias
27 Pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon na sinulatan ni Baruc ng mga salitang mula sa bibig ni Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
28 “Kumuha kang muli ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda.
29 At tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda ay iyong sasabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Sinunog mo ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, “Bakit mo isinulat doon na ang hari ng Babilonia ay tiyak na darating at wawasakin ang lupaing ito, at pupuksain doon ang tao at ang hayop?”
30 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa trono ni David, at ang kanyang bangkay ay itatapon sa labas sa kainitan ng araw at sa hamog ng gabi.
31 Parurusahan ko siya, ang kanyang binhi, at ang kanyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan. At aking dadalhin sa kanila, sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila, ngunit ayaw nilang makinig.’”
32 Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon.
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2 sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3 Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4 Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5 Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6 subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8 Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
9 Isama sa talaan ang babaing balo kung siya ay animnapung taong gulang pataas, at naging asawa ng iisang lalaki;
10 na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; na siya'y nagpalaki ng mga anak, na siya'y nagpatuloy ng mga panauhin sa kanyang tahanan, naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng paraan.
11 Ngunit huwag mong itala ang mga nakababatang babaing balo; sapagkat nang magkaroon sila ng masamang nasa na naghihiwalay sa kanila kay Cristo, ay nais nilang mag-asawa;
12 kaya't sila'y nagkakaroon ng kahatulan, sapagkat itinakuwil nila ang kanilang unang panata.
13 Bukod dito, natututo silang maging mga tamad, nagpapalipat-lipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa at mga pakialamera, na nagsasalita ng mga bagay na hindi nararapat.
14 Kaya nga, ibig kong magsipag-asawa ang mga batang babaing balo, manganak, mamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak,
15 sapagkat ang mga iba'y bumaling at sumunod na kay Satanas.
16 Kung ang sinumang babaing nananampalataya ay may mga kamag-anak sa mga babaing balo, kanyang tulungan sila upang huwag nang mabigatan ang iglesya, at upang matulungan ng iglesya[a] ang mga tunay na balo.
17 Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo.
18 Sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik,” at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.”
19 Huwag(B) kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
21 Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi.
22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili.
23 Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit.
24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon.
25 Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
“Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(A) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(B) ko siyang panganay,
ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)
25 Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula.
26 Tulad ng malabong balon at maruming bukal,
ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay-daan.
27 Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti,
at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001