The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Karagdagang Hatol sa Babilonia
51 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia,
at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai;[a]
2 Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan,
at kanilang tatahipan siya,
at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain,
kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig
sa araw ng kaguluhan.
3 Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana,
at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti.
Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki;
lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo.
4 Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo,
at sinugatan sa kanyang mga lansangan.
5 Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan
ng kanilang Diyos, ng Panginoon ng mga hukbo,
bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay punô ng pagkakasala
laban sa Banal ng Israel.
6 “Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia,
at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay!
Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya
sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng Panginoon;
siya'y kanyang pagbabayarin.
7 Ang(A) Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng Panginoon
na lumasing sa buong daigdig;
ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak,
kaya't ang mga bansa ay nauulol.
8 Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog;
tangisan ninyo siya!
Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit,
baka sakaling siya'y gumaling.
9 Ibig(B) sana nating gumaling ang Babilonia,
ngunit siya'y hindi napagaling.
Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo
sa kanya-kanyang sariling lupain;
sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit,
at naitaas hanggang sa himpapawid.
10 Inilabas ng Panginoon ang pagpapawalang-sala sa atin;
halikayo, at ating ipahayag sa Zion
ang gawa ng Panginoon nating Diyos.
11 “Patalasin ninyo ang mga palaso!
Kunin ninyo ang mga kalasag!
Pinukaw ng Panginoon ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng Panginoon, ang paghihiganti para sa kanyang templo.
12 Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia,
patibayin ninyo ang bantayan,
maglagay kayo ng mga bantay,
kayo'y maghanda ng mga panambang;
sapagkat binalak at ginawa ng Panginoon
ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia.
13 O(C) ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig,
sagana sa mga kayamanan,
dumating na ang iyong wakas,
at ang sukat ng iyong kasakiman.
14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili:
Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang,
at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo.
Awit ng Pagpupuri sa Diyos
15 “Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit.
16 Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan,
at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan,
at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan.
17 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan,
sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan,
at walang hininga sa mga iyon.
18 Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya;
sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila.
19 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay,
at ang lipi ng kanyang pamana;
ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
Ang Sandata ng Panginoon
20 “Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa,
at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon.
22 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga.
23 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang;
at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno.
24 “Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng Panginoon.
25 “Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon, O mapangwasak na bundok,
na sumisira ng buong lupa;
at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo,
at pagugulungin kita mula sa batuhan,
at gagawin kitang sunog na bundok.
26 Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok,
o ng isang bato bilang pundasyon,
kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman,
sabi ng Panginoon.
27 “Magtaas kayo ng watawat sa lupa,
inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa,
ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian
ng Ararat, Minni, at Askenaz;
pumili kayo ng pinuno laban sa kanya;
magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang.
28 Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan,
at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan.
29 At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit,
sapagkat ang mga layunin ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananatili,
upang wasakin ang lupain ng Babilonia,
na walang naninirahan.
30 Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban,
sila'y nanatili sa kanilang mga muog;
ang kanilang lakas ay naubos,
sila'y naging parang mga babae,
ang kanyang mga tirahan ay nasusunog,
ang kanyang mga halang ay nabali.
31 Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa,
at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo,
upang ibalita sa hari ng Babilonia
na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo;
32 ang mga tawiran ay naagaw,
ang mga tambo ay nasunog ng apoy,
at ang mga mandirigma ay natatakot.
33 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan
sa panahon na iyon ay niyayapakan;
gayunma'y sandali na lamang
at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating.”
34 “Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia,
dinurog niya ako,
ginawa niya akong sisidlang walang laman,
nilulon niya akong gaya ng halimaw;
pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain;
ako'y kanyang iniluwa.
35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia,”
sasabihin ng taga-Zion.
“Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea,”
sasabihin ng Jerusalem.
Sasaklolohan ng Panginoon ang Israel
36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan.
Tutuyuin ko ang kanyang dagat
at tutuyuin ko ang kanyang bukal.
37 Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho,
tahanan ng mga asong mailap,
isang katatakutan at tampulan ng pagkutya,
walang maninirahan.
38 “Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon;
sila'y uungal na parang mga batang leon.
39 Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo,
at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan
at matulog nang walang hanggang pagtulog,
at hindi na magising, sabi ng Panginoon.
40 Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero,
gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki.
Ang Sinapit ng Babilonia
41 “Ano't nasakop ang Sheshach,[b]
at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw!
Ano't ang Babilonia ay naging
katatakutan sa gitna ng mga bansa!
42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia;
siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon.
43 Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan,
isang tuyong lupain at ilang,
isang lupain na walang taong naninirahan,
o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao.
44 At aking parurusahan si Bel sa Babilonia,
at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon.
Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya,
ang pader ng Babilonia ay bumagsak!
45 “Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko!
Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay
mula sa mabangis na galit ng Panginoon!
46 Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo
sa balitang naririnig sa lupain,
kapag may ulat na dumating sa isang taon,
at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon,
at ang karahasan ay nasa lupain,
at ang pinuno ay laban sa pinuno.
47 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating
na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia;
ang kanyang buong lupain ay mapapahiya,
at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya.
48 Kung(D) magkagayo'y ang langit at ang lupa,
at lahat ng naroroon
ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia;
sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng Panginoon.
49 Ang(E) Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel,
kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia.
Ang Mensahe ng Diyos sa mga Israelita sa Babilonia
50 “Kayong nakatakas sa tabak,
humayo kayo, huwag kayong magsitigil!
Alalahanin ninyo ang Panginoon mula sa malayo,
at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip:
51 ‘Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya;
ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha,
sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok
sa mga banal na dako ng bahay ng Panginoon.’
52 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon,
na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan;
at sa buong lupain niya
ay daraing ang malubhang nasugatan.
53 Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit,
at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan,
gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin,
sabi ng Panginoon.
Ang Mahusay na Aral
2 Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.
2 Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.
3 Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,
4 upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,
5 maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.
6 Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.
7 Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,
8 wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.
9 Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,
10 ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao,
12 na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon,
13 habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
14 Siya(A) ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa.
15 Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman.
99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
Siya'y banal!
4 Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
5 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
magsisamba kayo sa kanyang paanan!
Siya'y banal.
6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
7 Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.
8 O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
9 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!
17 Ang nakikialam sa hindi naman niya away,
ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001