Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Panaghoy 4-5

Ang Parusa sa Zion

Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto!
Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan.

Ang mahahalagang anak ng Zion,
    na kasimbigat ng dalisay na ginto,
ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa,
    na gawa ng mga kamay ng magpapalayok!

Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib
    at nagpapasuso sa kanilang mga anak,
ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit,
    parang mga avestruz sa ilang.

Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit
    sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw.
Ang mga bata ay humihingi ng tinapay,
    ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila.

Silang nagpapakasawa sa pagkain
    ay namamatay sa mga lansangan.
Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.

Sapagkat(A) ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat
    kaysa parusa sa Sodoma,
na nagapi sa isang sandali,
    at walang mga kamay na humawak sa kanya.
Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe,
    higit na maputi kaysa gatas;
ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral,
    ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro.

Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling;
    sila'y hindi makilala sa mga lansangan.
Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto;
    ito'y naging gaya ng tuyong kahoy.

Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak
    kaysa sa mga pinatay sa gutom,
sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit
    dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain.

10 Niluto(B) ng mga kamay ng mga mahabaging babae
    ang kanilang sariling mga anak;
sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

11 Nilubos ng Panginoon ang kanyang poot,
    ibinuhos niya ang kanyang matinding galit.
At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion,
    na tumupok sa mga pundasyon nito.

12 Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala,
    o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan,
na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok
    sa mga pintuan ng Jerusalem.

13 Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta,
    at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari,
na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid.

14 Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan,
    na lubhang nadungisan ng dugo
kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan.

15 “Lumayo kayo, Marurumi!” ang sigaw ng mga tao sa kanila;
    “Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!”
Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala;
    sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa,
    “Hindi na sila mamamalaging kasama natin.”

16 Pinangalat sila ng Panginoon, sila ay hindi na niya pahahalagahan
Hindi nila iginalang ang mga pari
    hindi nila nilingap ang matatanda.

17 Nanlabo na ang aming mga mata
    sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating,
sa aming pagbabantay ay naghihintay kami
    sa isang bansang hindi makapagliligtas.

18 Inaabangan nila ang aming mga hakbang,
    upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan,
malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw;
    sapagkat dumating na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis
    kaysa mga buwitre sa himpapawid:
hinabol nila kami sa mga bundok,
    inabangan nila kami sa ilang.

20 Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng Panginoon
    ay kinuha sa kanilang mga hukay;
na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, “Sa kanyang mga lilim
    ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa.”

21 Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom,
    na naninirahan sa lupain ng Uz.
Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo;
    ikaw ay malalasing at maghuhubad.

22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion,
    hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag.
Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan,
    ilalantad niya ang iyong mga kasalanan.

Paghingi ng Awa

Alalahanin mo, O Panginoon, kung ano ang nangyari sa amin.
    Iyong masdan, at tingnan ang aming kahihiyan!
Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
    ang aming mga bahay ay sa mga taga-ibang bayan.
Kami ay naging mga ulila at walang ama;
    gaya ng mga balo ang aming mga ina.
Dapat kaming magbayad sa tubig na aming iniinom,
    dapat naming bilhin ang kinukuha naming kahoy.
Ang mga humahabol sa amin ay nasa aming leeg;
    kami ay pagod na, wala kaming kapahingahan.
Sa mga taga-Ehipto, kami ay nakipagkamay,
    at sa mga taga-Asiria upang makakuha ng sapat na tinapay.
Ang aming mga ninuno ay nagkasala at wala na;
    at kami ay nagpapasan ng mga kasamaan nila.
Mga alipin ang namumuno sa amin,
    walang magliligtas sa amin sa kanilang kamay.
Nalalagay sa panganib ang aming buhay
    upang makakuha ng tinapay, dahil sa tabak sa ilang.
10 Ang aming balat ay kasing-init ng pugon,
    dahil sa nagniningas na init ng taggutom.
11 Ang mga babae sa Zion ay ginahasa nila,
    ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.
12 Ang mga pinuno ay ibinitin sa kamay nila,
    hindi iginagalang ang matatanda.
13 Ang mga binata ay pinagtrabaho sa gilingan,
    at sa bigat ng kahoy ang mga bata ay nagpasuray-suray.
14 Iniwan na ng matatanda ang pintuang-bayan,
    at ng mga binata ang kanilang mga tugtugan.
15 Ang kagalakan ng aming puso ay huminto na,
    ang aming pagsasayaw ay napalitan ng pagluluksa.
16 Nahulog mula sa aming ulo ang korona;
    kahabag-habag kami, sapagkat kami'y nagkasala!
17 Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso,
    dahil sa mga bagay na ito ang mga mata nami'y lumabo;
18 dahil sa bundok ng Zion na nawasak,
    ang mga asong-gubat ay pagala-gala roon.

19 Ikaw, O Panginoon, magpakailanman ay naghahari,
    ang iyong trono ay nananatili sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit mo kami nililimot magpakailanman,
    bakit mo kami pinababayaan nang kaytagal?
21 Ibalik mo kami sa iyo, O Panginoon, upang kami ay makapanumbalik!
    Ibalik mo ang aming mga araw na gaya nang una.
22 Talaga bang kami'y iyo nang itinakuwil?
    Ikaw ba ay lubhang galit na galit sa amin?

Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.

Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,

paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,

na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[d] na tawagin silang mga kapatid,

12 na(B) sinasabi,

“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
    sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”

13 At(C) muli,

“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”

At muli,

“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,

15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.

16 Sapagkat(D) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.

17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.

18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Mga Kawikaan 26:23

23 Ang mapupusok na labi at masamang puso
    ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001