The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Pagkawasak ng Moab
48 Tungkol(A) sa Moab.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
2 Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
hahabulin ka ng tabak.
3 “Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
4 Ang Moab ay wasak;
ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
5 Sapagkat sa gulod ng Luhith
ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.
7 Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
8 Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
at ang kapatagan ay masisira,
gaya ng sinabi ng Panginoon.
9 “Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
na walang maninirahan sa mga iyon.
10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.
11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.
12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.
13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.
14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
ang maluwalhating tungkod!’
18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
at umupo ka sa tigang na lupa,
O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
na ang Moab ay winasak na.
21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,
22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,
23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;
24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.
25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.
26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.
27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?
28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
ngunit iyon ay walang kabuluhan,
ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
ako'y sisigaw para sa buong Moab,
nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.
34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.
35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.
36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.
37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.
38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.
39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”
40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.
45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.
Ang Hatol ng Panginoon sa Ammon
49 Tungkol(B) sa mga anak ni Ammon.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Wala bang mga anak na lalaki ang Israel?
Wala ba siyang tagapagmana?
Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad,
at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon?
2 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating,
sabi ng Panginoon,
na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan
laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon.
Ito'y magiging isang bunton ng guho,
at ang kanyang kabayanan[b] ay susunugin ng apoy.
Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya,
sabi ng Panginoon.
3 “Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai!
Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba!
Kayo'y magbigkis ng damit-sako,
kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan!
Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
4 Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod,
ikaw na taksil na anak na babae
na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi,
‘Sinong darating laban sa akin?’
5 Narito, dadalhan kita ng takot,
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo,
mula sa lahat ng nasa palibot mo;
at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya,
at walang magtitipon sa mga takas.
6 Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng Panginoon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Edom
7 Tungkol(C) sa Edom.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Wala na bang karunungan sa Teman?
Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
Naparam na ba ang kanilang karunungan?
8 Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
sa panahon na parurusahan ko siya.
9 Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
10 Ngunit aking hinubaran ang Esau,
aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.
13 Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”
14 Ako'y nakarinig ng balita mula sa Panginoon,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
at bumangon upang lumaban!”
15 Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
at hamak sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong kakilabutan,
dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,[c]
na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
ibababa kita mula roon, sabi ng Panginoon.
17 “Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.
18 Gaya(D) ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng Panginoon, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.
19 Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?
20 Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng Panginoon laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.
21 Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.
22 Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”
4 Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita:
2 ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
3 Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa,
4 at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip.
5 Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo.
6 Tungkol sa akin, ako'y ibinuhos na tulad sa inuming handog, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.
7 Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.
8 Kaya't mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kanyang pagpapakita.
Mga Personal na Tagubilin
9 Magsikap kang pumarito agad sa akin,
10 sapagkat(A) iniwan ako ni Demas, na umibig sa sanlibutang ito, at nagtungo sa Tesalonica; si Crescente ay nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia.
11 Si(B) Lucas lamang ang kasama ko. Sunduin mo si Marcos at isama mo, sapagkat siya'y kapaki-pakinabang sa akin sa ministeryo.
12 Samantala,(C) si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso.
13 Ang(D) balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparito mo, at ang mga aklat, lalung-lalo na ang mga pergamino.
14 Maraming(E) ginawang kasamaan sa akin si Alejandro na panday ng tanso. Gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kanyang mga gawa.
15 Mag-ingat ka rin sa kanya, sapagkat tunay na kanyang sinalungat ang aming ipinangangaral.
16 Sa aking unang pagsasanggalang ay walang sinumang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawang singilin sa kanila ito.
17 Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako'y pinalakas niya upang sa pamamagitan ko ay ganap na maipahayag ang mensahe upang mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. Kaya't ako'y iniligtas sa bibig ng leon.
18 Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawat masamang gawa at ako'y kanyang iingatan para sa kanyang kaharian sa langit. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Huling Pagbati at Basbas
19 Batiin(F) mo sina Priscila at Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo.
20 Si(G) Erasto ay nanatili sa Corinto, ngunit si Trofimo ay iniwan kong maysakit sa Mileto.
21 Magsikap kang pumarito bago dumating ang taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid.
22 Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Sumainyo nawa ang biyaya.[a]
95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
2 Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
3 Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
4 Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
5 Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.
6 O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
7 Sapagkat(A)(B) siya'y ating Diyos,
at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
at mga tupa ng kanyang kamay.
Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
8 huwag(C) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
gaya ng araw sa ilang sa Massah,
9 nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(D) sa aking galit ako ay sumumpa,
na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(E) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
9 Tulad ng tinik na tumutusok sa kamay ng lasing,
gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
10 Tulad ng mamamanang sumusugat sa lahat,
gayon ang umuupa sa nagdaraang hangal o lasing.
11 Tulad(A) ng aso na sa kanyang suka ay bumabalik,
gayon ang hangal na sa kanyang kahangalan ay umuulit.
12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa ganang sarili niya?
May higit na pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001