Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 2:31-4:18

31 At ikaw, O salinlahi, dinggin ninyo ang salita ng Panginoon.
Ako ba'y naging lupang ilang sa Israel,
    o isang lupain ng makapal na kadiliman?
Bakit sinasabi ng aking bayan, ‘Kami ay malaya,
    hindi na kami lalapit pa sa iyo’?
32 Malilimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga hiyas,
    o ng isang ikakasal na babae ang kanyang kasuotan?
Gayunma'y kinalimutan ako ng aking bayan
    sa di mabilang na mga araw.

33 “Kay galing mong pinamahalaan ang iyong lakad
    upang humanap ng mga mangingibig!
Anupa't maging sa masasamang babae
    ay itinuro mo ang iyong mga lakad.
34 Sa iyong mga palda ay natagpuan din
    ang dugong ikinabubuhay ng mga dukhang walang sala;
hindi mo sila natagpuan na sapilitang pumapasok.
    Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga ito
35 ay sinasabi mo, ‘Ako'y walang sala;
    tunay na ang kanyang galit sa akin ay lumayo na.’
Narito, sa kahatulan ay dadalhin kita,
    sapagkat iyong sinabi, ‘Hindi ako nagkasala.’
36 Kay dali mong magpagala-gala
    na binabago mo ang iyong lakad!
Ilalagay ka sa kahihiyan ng Ehipto
    na gaya ng panghihiya sa iyo ng Asiria.
37 Mula doon ay lalabas ka rin
    na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo,
sapagkat itinakuwil ng Panginoon ang iyong mga pinagkakatiwalaan,
    at sa pamamagitan nila'y hindi ka magtatagumpay.

Ang Taksil na Israel

Sinasabi nila, “Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa,
    at siya'y humiwalay sa kanya,
at maging asawa ng ibang lalaki,
    babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya?
Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon?
Ikaw ay naging upahang babae[a] sa maraming mangingibig;
    at babalik ka sa akin?
    sabi ng Panginoon.
Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan!
    Saan ka hindi nasipingan?
Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay
    na gaya ng taga-Arabia sa ilang.
Dinumihan mo ang lupain
    ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan.
Kaya't pinigil ang mga ambon,
    at hindi dumating ang ulan sa tagsibol;
gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae,
    ikaw ay tumatangging mapahiya.
Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang,
    ‘Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan—
siya ba ay magagalit magpakailanman,
    siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?’
Narito, ikaw ay nagsalita,
    at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan.”

Ayaw Magsisi ng Israel at ng Juda

Sinabi(A) sa akin ng Panginoon sa mga araw ng haring si Josias, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae?

At aking sinabi, ‘Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;’ ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.

Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae.

Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy.

10 Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.”

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda.

12 Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo,

‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng Panginoon.
Hindi ako titingin na may galit sa inyo,
    sapagkat ako'y maawain, sabi ng Panginoon;
hindi ako magagalit magpakailanman.
13 Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala,
    na ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon mong Diyos,
at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy,
    at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14 Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng Panginoon,
    sapagkat ako ay panginoon sa inyo,
at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan,
    at dadalhin ko kayo sa Zion.

15 “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.

16 At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.

17 Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.

18 Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.

Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan

19 “‘Aking inisip,
    nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
    isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
    at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
    gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”

21 Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
    ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
    kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
    pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”

“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
    sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23 Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
    ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
    ang kaligtasan ng Israel.

24 “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.

25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”

Panawagan upang Magsisi

“Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng Panginoon,
    sa akin ka dapat manumbalik.
Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan,
    at hindi ka mag-uurong-sulong,
at kung ikaw ay susumpa, ‘Habang buháy ang Panginoon,’
    sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran;
ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya,
    at sa kanya luluwalhati sila.”

Ang Juda ay Binalaang Sasalakayin

Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoon sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem,

“Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang,
    at huwag kayong maghasik sa mga tinikan.
Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa Panginoon,
    at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso,
    O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem;
baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy,
    at magliyab na walang makakapatay nito,
    dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.”

Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin,

“Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain;
    sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin,
‘Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok
    sa mga lunsod na may kuta!’
Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion;
    kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil;
sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga,
    at ng malaking pagkawasak.
Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya,
    at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda;
    siya'y lumabas mula sa kanyang lugar,
upang wasakin ang iyong lupain,
    ang iyong mga lunsod ay magiging guho
    na walang maninirahan.
Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako,
    managhoy kayo at tumangis;
sapagkat ang mabangis na galit ng Panginoon
    ay hindi pa humihiwalay sa atin.”

“Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”

10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”

11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, “Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man;

12 isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila.”

13 Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap,
    at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo;
mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo—
    kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo!
14 O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan,
    upang ikaw ay maligtas naman.
Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban
    ang iyong pag-iisip na kasamaan?
15 Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan,
    at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan.
16 Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating;
    ibalita ninyo sa Jerusalem,
“Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain,
    sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda.
17 Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya
    sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa
    ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo.
Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait!
    Ito'y tumatagos sa iyong puso.”

Colosas 1:1-17

Pagbati

Si Pablo, na apostol ni Cristo-Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid,

Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.

Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa aming pananalangin para sa inyo,

sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal,

dahil sa pag-asa na nakalaan para sa inyo sa langit, na inyong narinig noong una sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo,

na dumating sa inyo. Gayundin naman kung paanong ito ay namumunga at lumalago sa buong sanlibutan, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maunawaan ang biyaya ng Diyos sa katotohanan.

Ito(A) ay inyong natutunan kay Epafras na aming minamahal na kapwa alipin. Siya ay isang tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[a]

at siya rin namang sa amin ay nagpahayag ng inyong pag-ibig sa Espiritu.

Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal,

10 upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos.

11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;

12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.

13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,

14 na(B) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[b]

Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay

15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;

16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.

17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[c]

Mga Awit 76

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Mga Kawikaan 24:21-22

21 Anak ko, sa Panginoon at sa hari ay matakot ka,
    sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama.
22 Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan,
    at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001