Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 51:54-52:34

54 “Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia!
    Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo!
55 Sapagkat gigibain ng Panginoon ang Babilonia
    at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig.
Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig,
    ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas;
56 sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya,
    laban sa Babilonia,
ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli,
    ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng paghihiganti,
    siya'y tiyak na maniningil.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas,
    ang kanyang mga tagapamahala, mga punong-kawal, at ang kanyang mga mandirigma;
sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising,
    sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Ang malawak na pader ng Babilonia
    ay lubos na magigiba,
at ang kanyang matataas na pintuan
    ay matutupok ng apoy.
Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias ay Ipinadala sa Babilonia

59 Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraya ay tagapamahala.

60 Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia.

61 Sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito,

62 at iyong sabihin, ‘O Panginoon, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.’

63 Pagkatapos(A) mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates,

64 at sabihin mo, ‘Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.’” Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(B)

52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna.

Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.

Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang Panginoon kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.

At(C) nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon.

Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, tumindi ang taggutom sa lunsod, kaya't walang makain ang taong-bayan ng lupain.

Nang(D) magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba.

Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nagkawatak-watak.

Kanilang hinuli ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at siya'y hinatulan ng hari.

10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan, kasama ang lahat ng pinuno ng Juda sa Ribla.

11 Pagkatapos(E) ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Ang Pagkawasak ng Templo(F)

12 Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia.

13 Kanyang(G) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at lahat ng bahay sa Jerusalem. Bawat malaking bahay ay sinunog niya.

14 At pinabagsak ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng bantay ang lahat ng pader sa palibot ng Jerusalem.

15 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa.

16 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga pinakadukha sa lupain upang maging tagapag-alaga ng ubasan at mga magbubukid.

17 At(H) ang mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia.

18 Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo;

19 gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay.

20 Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang.

21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob.

22 Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.

23 Mayroong siyamnapu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isandaan na yaring nilambat sa palibot.

Ang mga Mamamayan ng Juda ay Dinala sa Babilonia(I)

24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na pangalawang pari, at ang tatlong tanod sa pinto.

25 Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod.

26 At dinala sila ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay sa hari ng Babilonia sa Ribla.

27 Pagkatapos ay sinaktan sila ng hari ng Babilonia at sila'y pinatay sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa gayon, nadalang-bihag ang Juda mula sa lupain nito.

28 Ito ang bilang ng mga taong dinalang-bihag ni Nebukadnezar nang ikapitong taon: tatlong libo at dalawampu't tatlong Judio;

29 nang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar ay nagdala siya ng bihag mula sa Jerusalem ng walong daan at tatlumpu't dalawang katao.

30 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao.

31 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan.

32 Siya'y nagsalitang may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng trono na higit na mataas kaysa trono ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

33 At kanyang pinalitan ang kanyang mga damit-bilanggo. At araw-araw sa buong buhay niya ay kumain siya sa hapag ng hari.

34 At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Tito 3

Ang Mabuting Pamumuhay

Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,

huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.

Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.

Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,

iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;

upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.

Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.

Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.

10 Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;

11 yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.

Mga Tagubilin at Basbas

12 Kapag(A) isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.

13 Pagsikapan(B) mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.

14 At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.

Biyaya nawa ang sumainyong lahat.[a]

Mga Awit 100

Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.

100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
    Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
    magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.

Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
    Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
    tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
    at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
    Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!

Sapagkat(A) ang Panginoon ay mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
    at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.

Mga Kawikaan 26:18-19

18 Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan;
19 gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa,
    at nagsasabi, “Ako'y nagbibiro lamang!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001