The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Mga Kapanglawan ng Jerusalem
1 Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
ay naging alipin!
2 Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
sila'y naging mga kaaway niya.
3 Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
sa gitna ng pagkabalisa.
4 Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
ang mga pari niya'y dumaraing;
ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
at siya'y mapait na nagdurusa.
5 Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
bilang bihag sa harapan ng kaaway.
6 Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.
7 Naaalala ng Jerusalem
sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
ay walang sumaklolo sa kanya,
tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
na tinutuya ang kanyang pagbagsak.
8 Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
at tumatalikod.
9 Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”
10 Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
sa iyong kapulungan.
11 Ang buong bayan niya ay dumaraing
habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
sapagkat ako'y naging hamak.”
12 “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
sa araw ng kanyang mabangis na galit.
13 “Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy;
sa aking mga buto ay pinababa niya ito;
nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa,
pinabalik niya ako;
iniwan niya akong natitigilan
at nanghihina sa buong araw.
14 “Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway,
binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay;
ang mga ito ay inilagay sa leeg ko,
pinapanghina niya ang lakas ko;
ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay
ng mga taong hindi ko matagalan.
15 “Tinawanan ng Panginoon
ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko;
siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin
upang durugin ang aking mga binata;
niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas
ang anak na dalaga ng Juda.
16 “Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
sapagkat nagwagi ang kaaway.”
17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.
18 “Ang Panginoon ay matuwid;
sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
ay nasa pagkabihag.
19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
upang ang lakas nila'y panumbalikin.
20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.
21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
at sila'y magiging gaya ko.
22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
at nanghihina ang puso ko.”
Ang Pagpaparusa ng Panginoon sa Jerusalem
2 Tingnan mo kung paanong sa kanyang galit
ay tinakpan ng Panginoon ng ulap ang anak na babae ng Zion!
Kanyang inihagis sa lupa mula sa langit
ang karilagan ng Israel,
hindi niya inalala ang kanyang tuntungan ng paa
sa araw ng galit niya.
2 Nilamon ng Panginoon, hindi siya nagpatawad
sa lahat ng tahanan ng Jacob.
Sa kanyang poot ay ibinagsak niya
ang mga muog ng anak na babae ng Juda;
kanyang inilugmok sa lupa na walang karangalan
ang kanyang kaharian at ang mga prinsipe nito.
3 Kanyang pinutol sa matinding galit
ang lahat ng kapangyarihan ng Israel;
iniurong niya sa kanila ang kanyang kanang kamay
sa harapan ng kaaway;
siya'y nag-alab na gaya ng nag-aalab na apoy sa Jacob,
na tumutupok sa buong paligid.
4 Iniakma niya ang kanyang pana na parang kaaway,
na ang kanyang kanang kamay ay nakaakma na parang kalaban,
at pinatay ang lahat ng kaaya-aya sa mata;
sa tolda ng anak na babae ng Zion;
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy.
5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway,
kanyang nilamon ang Israel;
nilamon niya ang lahat nitong mga palasyo,
kanyang giniba ang mga muog nito.
At kanyang pinarami sa anak na babae ng Juda
ang panangis at panaghoy.
6 Ginawan niya ng karahasan ang kanyang tabernakulo na gaya ng isang halamanan;
kanyang sinira ang kanyang takdang pulungang lugar;
ipinalimot ng Panginoon sa Zion
ang takdang kapistahan at Sabbath,
at sa kanyang matinding galit ay itinakuwil
ang hari at ang pari.
7 Itinakuwil ng Panginoon ang kanyang dambana,
kanyang iniwan ang kanyang santuwaryo.
Kanyang ibinigay sa kamay ng kaaway
ang mga pader ng kanyang mga palasyo;
isang sigawan ang naganap sa bahay ng Panginoon,
na gaya nang sa araw ng takdang kapistahan.
8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain
ang pader ng anak na babae ng Zion;
tinandaan niya ito ng guhit,
hindi niya iniurong ang kanyang kamay sa paggiba:
kanyang pinapanaghoy ang muog at ang kuta;
sila'y sama-samang manghihina.
9 Ang kanyang mga pintuan ay bumaon sa lupa;
kanyang giniba at sinira ang kanyang mga halang;
ang kanyang hari at mga prinsipe ay kasama ng mga bansa;
wala nang kautusan,
at ang kanyang mga propeta ay hindi na tumatanggap
ng pangitain mula sa Panginoon.
10 Ang matatanda ng anak na babae ng Zion
ay tahimik na nakaupo sa lupa.
Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo;
at nagsuot ng damit-sako;
itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem
ang kanilang mga ulo sa lupa.
11 Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak;
ang aking kaluluwa ay naguguluhan;
ang aking puso ay ibinuhos sa lupa
dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod.
12 Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina,
“Nasaan ang tinapay at alak?”
habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan
sa mga lansangan ng bayan,
habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos
sa kandungan ng kanilang mga ina.
13 Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing,
O anak na babae ng Jerusalem?
Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw?
O anak na dalaga ng Zion?
Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba;
sinong makapagpapagaling sa iyo?
14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo
ng mga huwad at mapandayang pangitain;
hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan
upang ibalik ka mula sa pagkabihag,
kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang
huwad at nakaliligaw.
15 Lahat ng nagdaraan
ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo;
sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo
sa anak na babae ng Jerusalem;
“Ito ba ang lunsod na tinatawag
na kasakdalan ng kagandahan,
ang kagalakan ng buong lupa?”
16 Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig:
sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin;
kanilang sinasabi, “Nilamon na namin siya!
Tunay na ito ang araw na aming hinihintay;
ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin.”
17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang ipinasiya;
na isinagawa ang kanyang banta
na kanyang iniutos nang una;
kanyang ibinagsak, at hindi naawa:
hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway,
at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban.
18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.
19 Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi,
sa pasimula ng mga pagbabantay!
Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig
sa harapan ng mukha ng Panginoon!
Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya
dahil sa buhay ng iyong mga anak
na nanghihina sa gutom
sa dulo ng bawat lansangan.
20 Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo!
Kanino mo ginawa ang ganito!
Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak,
ang mga batang ipinanganak na malusog?
Papatayin ba ang pari at propeta
sa santuwaryo ng Panginoon?
21 Ang bata at ang matanda ay nakahiga
sa alabok ng mga lansangan.
Ang aking mga dalaga at mga binata
ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
pinatay mo sila sa araw ng iyong galit;
pinatay mo nang walang awa.
22 Nag-anyaya ka
na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan,
ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig;
at sa araw ng galit ng Panginoon
ay walang nakatakas o nakaligtas;
yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.
Pagbati
1 Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
2 at(A) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
5 sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
6 Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
7 Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo
8 Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
9 gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
10 Ako'y(B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Pangwakas na Pagbati
23 Binabati(C) ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
24 gayundin(D) nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.[a]
Awit ni David.
101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
2 Aking susundin ang daang matuwid.
O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
na may tapat na puso.
3 Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
hindi ako makakaalam ng masamang bagay.
5 Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
ay hindi ko titiisin.
6 Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
ay maglilingkod sa akin.
7 Walang taong gumagawa ng pandaraya
ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
ang mananatili sa aking harapan.
8 Tuwing umaga ay aking lilipulin
ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
sa lunsod ng Panginoon.
20 Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay,
at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001