The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
39 Nang ikasiyam na taon ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikasampung buwan, dumating si Nebukadnezar, hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo laban sa Jerusalem at kinubkob ito;
2 nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, nagkaroon ng butas sa lunsod.
3 At ang lahat ng mga pinuno ng hari ng Babilonia ay dumating at umupo sa gitnang pintuan: sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsechim ang Rabsaris, Nergal-sarezer ang Rab-mag, at ang iba pa sa mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Zedekias na hari ng Juda at ng lahat ng mga kawal, sila ay tumakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa may halamanan ng hari papalabas sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, at siya'y lumabas patungo sa Araba.
5 Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico. Nang kanilang mahuli siya, siya'y kanilang dinala kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at kanyang hinatulan siya.
6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa Ribla sa kanyang harapan. Pinatay rin ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga taong maharlika ng Juda.
7 Dinukot niya ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala upang dalhin sa Babilonia.
8 Sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga taong-bayan, at ibinagsak ang mga pader ng Jerusalem.
9 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay patungong Babilonia ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod, yaong mga pumanig sa kanya at ang mga taong naiwan.
10 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga dukha sa lunsod na walang ari-arian, at binigyan sila ng mga ubasan at mga bukid sa panahon ding iyon.
Ang Paglaya ni Jeremias
11 Si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nag-utos kay Nebuzaradan, na kapitan ng bantay tungkol kay Jeremias, na sinasabi,
12 “Kunin mo siya, ingatan mong mabuti at huwag siyang saktan, kundi gawin mo sa kanya ang kanyang sasabihin sa iyo.”
13 Sa gayo'y si Nebuzaradan na kapitan ng bantay, si Nabusazban ang Rabsaris, si Nergal-sarezer ang Rab-mag, at lahat ng mga pangunahing pinuno ng hari ng Babilonia
14 ay nagsugo at kinuha si Jeremias sa himpilan ng bantay. Kanilang ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang kanyang iuwi siya. Sa gayo'y nanirahan siyang kasama ng taong-bayan.
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias samantalang siya'y nakakulong sa himpilan ng bantay, na sinasabi,
16 “Humayo ka at sabihin mo kay Ebed-melec na taga-Etiopia, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Tutuparin ko ang aking mga salita laban sa lunsod na ito sa ikasasama at hindi sa ikabubuti, at ang mga iyon ay matutupad sa harapan mo sa araw na iyon.
17 Ngunit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan, sabi ng Panginoon.
18 Sapagkat tiyak na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi tataglayin mo ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan, sapagkat nagtiwala ka sa akin, sabi ng Panginoon.’”
Namalagi si Jeremias kay Gedalias
40 Ang salita ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon pagkatapos na siya'y palayain mula sa Rama ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay, nang siya'y dalhing may tanikala kasama ng lahat ng bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na dinalang-bihag sa Babilonia.
2 Kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon mong Diyos ang nagpahayag ng kasamaang ito laban sa lugar na ito;
3 pinapangyari ng Panginoon at ginawa ang ayon sa kanyang sinabi sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sinunod ang kanyang tinig. Kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.
4 At ngayon, narito, pinalalaya kita ngayon sa mga tanikalang nasa iyong mga kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at kakalingain kita. Ngunit kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia ay huwag kang sumama. Ang buong lupain ay nasa harapan mo. Pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuti at marapat sa iyo na puntahan.
5 Kung ikaw ay mananatili, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa mga bayan ng Juda, at manirahang kasama niya, kasama ng taong-bayan, o pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuting puntahan.” At binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob at hinayaan siyang umalis.
6 Pagkatapos ay pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa, at nanirahang kasama niya kasama ng mga taong-bayang naiwan sa lupain.
7 Nang(A) mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga kawal at ng kanilang mga tauhan na nasa mga parang na ginawang tagapamahala ng lupain ng hari ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam, at ipinamahala sa kanya ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain na hindi nadalang-bihag sa Babilonia,
8 sila at ang kanilang mga tauhan ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na mga anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Ephi na Netofatita, at si Jezanias na anak ng Maacatita.
9 Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga tauhan, na sinasabi, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito'y sa ikabubuti ninyo.
10 Tungkol sa akin, ako'y maninirahan sa Mizpa, upang tumayo para sa inyo sa harapan ng mga Caldeo na darating sa atin. Ngunit tungkol sa inyo, magtipon kayo ng alak at ng mga bunga sa tag-init at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y manirahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.”
11 Gayundin, nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nasa Moab at kasama ng mga anak ni Ammon at sa Edom at ng nasa ibang mga lupain, na ang hari ng Babilonia ay nag-iwan ng nalabi sa Juda, at hinirang si Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang mamahala sa kanila,
12 ay bumalik ang lahat ng mga Judio mula sa lahat ng dakong pinagtabuyan sa kanila, at dumating sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa, at sila'y nagtipon ng napakaraming alak at mga bunga sa tag-araw.
13 Samantala, si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na nasa mga parang ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa,
14 at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Netanias upang kunin ang iyong buhay?” Ngunit si Gedalias na anak ni Ahikam ay ayaw maniwala sa kanila.
15 Kaya't lihim na nakipag-usap si Johanan na anak ni Carea kay Gedalias sa Mizpa, “Hayaan mo akong umalis at patayin si Ismael na anak ni Netanias, at walang makakaalam nito. Bakit ka niya kailangang patayin, upang ang lahat ng mga Judio na nasa palibot mo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?”
16 Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Carea, “Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Ismael.”
Pinaslang si Gedalias
41 Nang(B) ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, mula sa angkan ng hari, at isa sa mga pangunahing pinuno ng hari, ay dumating kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa, kasama ang sampung lalaki. Habang magkakasama silang kumakain ng tinapay sa Mizpa,
2 si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung lalaki na kasama niya ay tumayo, tinaga ng tabak at pinatay si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
3 Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, at ang mga kawal na Caldeo na nagkataong naroroon.
4 Isang araw pagkaraan ng pagpatay kay Gedalias, bago ito nalaman ng sinuman,
5 walumpung mga lalaki ang dumating mula sa Shekem, mula sa Shilo, at mula Samaria, na ahit ang kanilang balbas at punit ang kanilang suot, sugatan ang katawan, na may dalang handog na butil at insenso upang ialay sa bahay ng Panginoon.
6 Si Ismael na anak ni Netanias ay lumabas mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak habang papalapit. Nang kanyang makaharap sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahikam.”
7 Nang sila'y dumating sa bayan, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya, at inihagis sila sa isang hukay.
8 Ngunit may sampung lalaki na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin sapagkat kami ay nakapag-imbak ng trigo, sebada, langis, at pulot na nakatago sa parang.” Kaya't napahinuhod siya at hindi niya pinatay sila at ang kanilang mga kasama.
9 Ang hukay na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kanyang pinatay ay ang malaking hukay na ginawa ni Haring Asa bilang sanggalang laban kay Baasa na hari ng Israel. Ito ay pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay.
10 At dinalang-bihag ni Ismael ang lahat ng nalabi sa taong-bayan na nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng taong naiwan sa Mizpa, na siyang ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam. Sila'y dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias, at naghandang tumawid patungo sa mga Ammonita.
11 Ngunit nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias,
12 ay isinama nila ang lahat nilang mga tauhan upang lumaban kay Ismael na anak ni Netanias. Kanilang inabutan siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gibeon.
13 At nang makita ng lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng pinuno ng mga kawal na kasama niya, sila'y natuwa.
14 Kaya't ang lahat ng mga taong dinalang-bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay pumihit at bumalik, at pumunta kay Johanan na anak ni Carea.
15 Ngunit si Ismael na anak ni Netanias ay tumakas mula kay Johanan na kasama ng walong lalaki, at pumunta sa mga Ammonita.
16 Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng nalabi sa bayan na dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa, pagkatapos niyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahikam—ang mga kawal, mga babae, mga bata, at ang mga eunuko na ibinalik ni Johanan mula sa Gibeon.
17 At sila'y umalis at huminto sa Geruth Chimham, na malapit sa Bethlehem, na nagbabalak pumunta sa Ehipto,
18 dahil sa mga Caldeo; sapagkat sila'y takot sa kanila, sapagkat pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
Pagbati
1 Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus,
2 Kay(A) Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos, na aking pinaglilingkuran na may malinis na budhi gaya ng aking mga ninuno, kapag lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin gabi't araw.
4 Kapag naaalala ko ang iyong mga pagluha, kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan.
5 Naaalala(B) ko ang iyong tapat na pananampalataya, isang pananampalataya na unang nabuhay kay Loida na iyong lola at kay Eunice na iyong ina at ngayon, ako'y nakakatiyak, ay namamalagi sa iyo.
6 Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay;
7 sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.
8 Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni sa akin na bilanggo niya, kundi makipagtiis ka alang-alang sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos,
9 na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon,
10 subalit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan tungo sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.
11 Dito(C) ay itinalaga ako na tagapangaral, apostol at guro.[a]
12 At dahil din dito, ako'y nagdurusa ng mga bagay na ito; gayunma'y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan, at ako'y lubos na naniniwalang maiingatan niya ang aking ipinagkatiwala sa kanya[b] hanggang sa araw na iyon.
13 Sundan mo ang huwaran ng mga wastong salita na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nabubuhay sa atin.
15 Ito'y nalalaman mo na humiwalay sa akin ang lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes.
16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinagiginhawa, at hindi niya ikinahiya ang aking tanikala;
17 kundi nang siya'y dumating sa Roma, hinanap niya ako nang buong sikap, at ako'y natagpuan niya.
18 Pagkalooban nawa ng Panginoon na matagpuan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na iyon; at alam na alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat
91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
2 sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
3 Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
at sa nakakamatay na salot.
4 Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
5 Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
6 ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
7 Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
sa iyong kanan ay sampung libo,
ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
8 Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
at iyong makikita ang parusa sa masama.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(B) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(C) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(D) tatapakan ang leon at ang ulupong,
tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.
14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.
26 Tulad ng yelo sa tag-init, o ng ulan sa anihan,
ang karangalan ay hindi nababagay sa hangal.
2 Tulad ng maya sa kanyang paggagala, tulad ng langay-langayan sa kanyang paglipad,
ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi lumalapag.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001