Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 6:16-8:7

16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tumayo kayo sa mga daan at tumingin,
    at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas,
kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon,
    at kayo'y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami lalakad doon.’
17 Ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na sinasabi,
    ‘Inyong pakinggan ang tunog ng trumpeta!’
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami makikinig.’
18 Kaya't inyong pakinggan, mga bansa,
    at inyong alamin, O kapulungan, kung ano ang mangyayari sa kanila.
19 Pakinggan mo, O lupa: ako'y nagdadala ng kasamaan sa bayang ito,
    na bunga ng kanilang mga pakana,
sapagkat sila'y hindi nakinig sa aking mga salita;
    at tungkol sa aking kautusan, ito'y kanilang itinakuwil.
20 Sa anong layunin nagdadala kayo sa akin ng insenso mula sa Sheba,
    o ng matamis na tubó mula sa malayong lupain?
Ang inyong mga handog na sinusunog ay hindi maaaring tanggapin,
    ni ang inyo mang mga handog ay nakakalugod sa akin.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Tingnan mo, ako'y maglalagay ng mga batong katitisuran
    sa harap ng bayang ito na kanilang katitisuran;
ang mga magulang at kasama ang mga anak,
    ang kapitbahay at ang kanyang kaibigan ay mapapahamak.’”

22 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tingnan mo, isang bayan ay dumarating mula sa lupain sa hilaga,
    ang isang malaking bansa ay gigisingin mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa.
23 Sila'y nagsisihawak ng pana at ng sibat;
    sila'y malupit at walang habag;
    ang kanilang tunog ay gaya ng nagngangalit na dagat;
sa mga kabayo sila'y nakasakay,
    nakahanay na gaya ng isang lalaki para sa digmaan,
    laban sa iyo, O anak na babae ng Zion!”

24 Narinig namin ang balita tungkol doon,
    ang aming mga kamay ay walang magawa;
napigilan kaming lahat ng kahapisan,
    ng sakit na gaya ng sa isang babae sa panganganak.
25 Huwag kang lumabas sa parang,
    o lumakad man sa daan;
sapagkat may tabak ang kaaway,
    ang kilabot ay nasa bawat dako.

26 O anak na babae ng bayan ko, magbihis ka ng damit-sako,
    at gumulong ka sa abo,
tumangis ka na gaya ng sa bugtong na anak,
    ng pinakamapait na pag-iyak;
sapagkat biglang darating sa atin ang mangwawasak.

27 “Ginawa kitang isang tagasubok at tagapagdalisay sa gitna ng aking bayan:
    upang iyong malaman at masubok ang kanilang mga daan.
28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik,
    gumagala na may paninirang-puri;
sila'y tanso at bakal,
    silang lahat ay kumikilos na may kabulukan.
29 Ang panghihip ay humihihip nang malakas;
    ang tingga ay natutunaw sa apoy;
sa walang kabuluhan na nagpapatuloy ang pagdalisay,
    sapagkat ang masasama ay hindi natatanggal.
30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil,
    sapagkat itinakuwil sila ng Panginoon.”

Nangaral si Jeremias sa Templo

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na sinasabi,

“Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng Panginoon, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito.

Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’

“Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa,

kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili,

kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman.

“Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan.

Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,

10 at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Kami ay ligtas!’ upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito?

11 Ang(A) bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng Panginoon.

12 Magsiparoon(B) kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.

13 At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot,

14 kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo.

15 Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim.

Ang Pagsuway ng Bayan

16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.

17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18 Ang(C) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.

19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?

20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”

21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.

22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.

23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’

24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.

25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.

26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.

27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.

28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.

29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
    tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
    ang salinlahi ng kanyang poot.'

30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.

31 At(D) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.

32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.

33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.

34 At(E) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.

“Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;

at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.

Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Kasalanan at ang Parusa

“Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
    Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
    sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
    ayaw nilang bumalik.
Aking pinakinggan at aking narinig,
    ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
    na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
    gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
Maging ang tagak sa himpapawid
    ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
    ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
    ang alituntunin ng Panginoon.

Colosas 2:8-23

Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.

Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,

10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.

11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;

12 nang(A) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.

13 At(B) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,

14 na(C) pinawi ang sulat-kamay[a] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.

15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.

16 Kaya't(D) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,

17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.

18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,

19 at(E) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.

Babala Laban sa Maling Turo

20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,

21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?

22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.

23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.

Mga Awit 78:1-31

Maskil ni Asaf.

78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
    ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
    ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
mga bagay na aming narinig at nalaman,
    na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
    kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
    at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.

Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
    at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
    upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
    ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
    upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
    kundi ingatan ang kanyang mga utos;
upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
    isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
    at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.

Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
    ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
    kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
    at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
    sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
    at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
    at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
    at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
    at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.

17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
    na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
    sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
    “Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
    at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
    o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”

21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
    isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
    ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
    at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
    at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
    at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
    kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
    at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
    ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
    sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
    sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
    samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
    at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
    at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.

Mga Kawikaan 24:26

26 Ang nagbibigay ng tamang sagot
    ay humahalik sa mga labi.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001