The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Pakiusap ni Zedekias kay Jeremias
37 Si(A) Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim.
2 Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias.
3 Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, “Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos.”
4 Si Jeremias noon ay naglalabas-pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan.
5 Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem.
6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na sinasabi,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain.
8 At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin,” sapagkat hindi sila lalayo.
10 Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.’”
Ibinilanggo si Jeremias
11 Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon,
12 si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan.
13 Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, “Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo.”
14 At sinabi ni Jeremias, “Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno.
15 Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan.
16 Nang si Jeremias ay makapasok sa piitang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw,
17 ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, “Mayroon bang anumang salita mula sa Panginoon?” Sinabi ni Jeremias, “Mayroon.” At sinabi niya, “Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia.”
18 Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?
19 Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?’
20 Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.”
21 Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Si Jeremias sa Isang Tuyong Balon
38 At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, “Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan.”
5 At sinabi ni Haring Zedekias, “Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo.”
6 Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak.
Iniahon si Jeremias sa Balon
7 Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin.
8 Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi,
9 “Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.”
10 Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, “Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay.”
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias.
12 Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, “Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid.” Gayon nga ang ginawa ni Jeremias.
13 Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay.
Hiningi ni Zedekias ang Payo ni Jeremias
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias na propeta at tinanggap siya sa ikatlong pasukan ng bahay ng Panginoon. Sinabi ng hari kay Jeremias, “Magtatanong ako sa iyo at huwag kang maglihim ng anuman sa akin.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Kung sasabihin ko sa iyo, hindi ba tiyak na ipapapatay mo ako? At kung bigyan kita ng payo, hindi ka naman makikinig sa akin.”
16 Si Zedekias ay lihim na sumumpa kay Jeremias, “Habang buháy ang Panginoon na nagbigay sa atin ng buhay, hindi kita ipapapatay o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagtatangka sa iyong buhay.”
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Kung ikaw ay susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang iyong buhay at ang lunsod na ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw at ang iyong sambahayan ay mabubuhay.
18 Ngunit kung hindi ka susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo, ito'y kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makakatakas sa kanilang kamay.”
19 Sinabi ni Haring Zedekias kay Jeremias, “Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay at kanila akong pagmalupitan.”
20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi ka ibibigay sa kanila. Sundin mo ngayon ang tinig ng Panginoon tungkol sa aking sinasabi sa iyo. Ikaw ay mapapabuti at ang iyong buhay ay maliligtas.
21 Ngunit kung ayaw mong sumuko, ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoon:
22 Narito, lahat ng babaing naiwan sa bahay ng hari ng Juda ay inilalabas patungo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, at sila ay nagsasabi,
‘Dinaya ka ng iyong malalapit na kaibigan,
at nagtagumpay laban sa iyo;
ngayong ang iyong mga paa ay nakalubog sa burak,
sila'y lumayo sa iyo.’
23 Lahat ng mga asawa mo at ang iyong mga anak ay dadalhin din sa mga Caldeo, at hindi ka makakatakas sa kanilang kamay, kundi ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia; at ang lunsod na ito ay susunugin ng apoy.”
24 Nang magkagayo'y sinabi ni Zedekias kay Jeremias, “Huwag mong ipaalam kaninuman ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay.
25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na ako'y nakipag-usap sa iyo at sila'y pumarito at sabihin sa iyo, ‘Sabihin mo sa amin kung ano ang sinabi mo sa hari at kung anong sinabi ng hari sa iyo, huwag kang maglilihim ng anuman sa amin at hindi ka namin ipapapatay,’
26 iyong sasabihin sa kanila, ‘Ako'y mapagpakumbabang nakiusap sa hari na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, upang mamatay doon.’”
27 Dumating ang lahat ng pinuno kay Jeremias at tinanong siya. Kanyang sinagot sila ayon sa itinuro sa kanya ng hari. Kaya't huminto na sila sa pakikipag-usap sa kanya; sapagkat ang pag-uusap ay hindi narinig.
28 At(B) nanatili si Jeremias sa himpilan ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem.
6 Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.
2 Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.
Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,
4 siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,
5 pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6 Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.
7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;
8 ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.
9 Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.
10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.
Ang Mabuting Pakikipaglaban
11 Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.
12 Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13 Sa(A) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,
14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;
15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18 Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,
19 sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.
Iba pang Tagubilin at Pagbasbas
20 O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;
21 na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.[a]
38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)
46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.
28 Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili,
ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001