The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
27 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.
28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng Panginoon.
29 Sa(A) mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin:
‘Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas,
at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.’
30 Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin.
31 Narito,(B) (C) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,
32 hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa[a] sa kanila, sabi ng Panginoon.
33 Ngunit(D) ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.
34 At(E) hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.
35 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon,
at ng mga takdang kaayusan ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi,
na nagpapakilos sa dagat upang umugong ng mga alon niyon—
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan:
36 “Kung ang takdang kaayusan na ito ay humiwalay
sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
ang binhi ng Israel ay hihinto
sa pagiging isang bansa sa harapan ko magpakailanman.”
37 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ang mga langit sa itaas ay masusukat,
at ang mga saligan ng lupa sa ilalim ay magalugad,
akin ngang itatakuwil ang buong lahi ng Israel
dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.”
38 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lunsod ay maitatayo para sa Panginoon mula sa tore ng Hananel hanggang sa Pintuang-bayan sa Panulukan.
39 At ang panukat na pisi ay lalabas papalayo, tuluy-tuloy sa burol ng Gareb, at pipihit sa Goa.
40 At ang buong libis ng mga bangkay at mga abo, at ang lahat ng parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa panulukan ng Pintuang-bayan ng Kabayo patungong silangan ay magiging banal sa Panginoon. Hindi na ito mabubunot o magigiba kailanman.”
Si Jeremias ay Ibinilanggo
32 Ang(F) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar.
2 Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda,
3 sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, “Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito.
4 Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata.
5 At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?’”
6 Sinabi ni Jeremias, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
7 Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.’
8 Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, ‘Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!’ Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng Panginoon.
9 “At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi—labimpitong siklong pilak.
10 Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan.
11 Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi.
12 Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay.
13 Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi,
14 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon.
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!’
Ang Panalangin ni Jeremias
16 “Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:
17 ‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,
18 na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;
19 dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.
20 Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.
21 Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;
22 at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.
23 Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.
24 Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.
25 Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”
26 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
27 “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?
28 Kaya't(G) ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.
29 Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.
30 Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.
31 Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,
32 dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
33 Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.
34 Kundi(H) inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.
35 At(I) kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.
Isang Pangako ng Pag-asa
36 “At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.’
37 Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay.
38 At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos.
39 Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila.
40 Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin.
41 Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa.
42 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila.
43 At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo.
44 Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng Panginoon.”
Mga Katangian ng Magiging Obispo
3 Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[a] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.
2 Kailangan(A) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,
3 hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.
4 Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.
5 Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?
6 Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.
7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.
Mga Katangian sa Pagiging Diakono
8 Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,
9 na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.
10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.
11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.
12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.
13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,
15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.
16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.
88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
2 Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!
3 Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
4 Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
5 gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
6 Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
sa madidilim na dako at kalaliman.
7 Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
9 dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)
11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?
13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.
20 Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat,
ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat.
21 Kung(A) ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain;
at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin;
22 sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy,
at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001