Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 16:16-18:23

16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.

17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.

18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”

19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
    at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
    mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
    mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
    Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”

21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”

Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda

17 “Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;

habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,

sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.

Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”

Iba't Ibang Kasabihan

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
    at ginagawang kalakasan ang laman,
    at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
    at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
    sa lupang maalat at hindi tinatahanan.

“Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
    at ang pag-asa ay ang Panginoon.
Sapagkat(A) siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
    at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
    sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
    sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”

Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
    at lubhang napakasama;
    sinong makakaunawa nito?
10 “Akong(B) Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
    at sumusubok ng puso,[a]
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
    ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”

11 Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
    gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
    at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.

12 Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
    ang lugar ng aming santuwaryo.
13 O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
    ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
    sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.

Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias

14 Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
    iligtas mo ako, at maliligtas ako;
    sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15 Sinasabi nila sa akin,
    “Nasaan ang salita ng Panginoon?
    Hayaan itong dumating ngayon!”
16 Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
    ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
    iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
    ay nasa iyong harapan.
17 Huwag kang maging kilabot sa akin,
    ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18 Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
    ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
    ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
    at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!

Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath

19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;

20 at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.

21 Ganito(C) ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.

22 Huwag(D) din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.

23 Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.

24 “‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,

25 kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.

26 At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.

27 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”

Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok

18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

“Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”

Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.

At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.

Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,

“O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.

Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,

at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.

At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,

10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.

11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’

12 “Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’

13 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
    sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
    ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14 Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
    ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
    ang umaagos na malamig na tubig?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
    sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
    sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
    hindi sa lansangang-bayan,
16 na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
    isang bagay na hahamakin magpakailanman.
    Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
    at iniiling ang kanyang ulo.
17 Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
    sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
    sa araw ng kanilang kapahamakan.”

18 Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”

Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway

19 Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
    at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20 Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
    Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
    upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
    upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
    ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
    Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
    at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
    kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
    at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23 Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
    sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
    ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
    Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.

1 Tesalonica 4:1-5:3

Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos

Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.

Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.

Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;

na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,

hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;

na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.

Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.

Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.

Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.

10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.

11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;

12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.

Ang Pagdating ng Panginoon

13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa.

14 Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.

15 Sapagkat(A) ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.

16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.

17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.

18 Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.

Maghanda para sa Pagdating ng Panginoon

Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo.

Sapagkat(B) kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.

Kapag sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan,” kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas!

Mga Awit 81

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Mga Kawikaan 25:6-8

Sa(A) harapan ng hari ay huwag kang mangunguna,
    at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila,
sapagkat mas mabuting sabihan ka, “Umakyat ka rito,”
    kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo.
Ang nakita ng iyong mga mata,
huwag mo kaagad dalhin sa hukuman;
sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon,
    kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001