Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 42:1-44:23

Humiling ang Bayan kay Jeremias na Idalangin Sila

42 At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit,

at nagsabi kay Jeremias na propeta, “Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata.

Ipakita nawa sa amin ng Panginoon mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin.”

Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, “Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa Panginoon ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng Panginoon sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo.”

Sinabi naman nila kay Jeremias, “Ang Panginoon nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa amin.

Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng Panginoon nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng Panginoon nating Diyos.”

Ang Sagot ng Panginoon sa Dalangin ni Jeremias

Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.

Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila,

at sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya:

10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo.

11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng Panginoon, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay.

12 Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain.

13 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito,’ at susuwayin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos,

14 na inyong sinasabi, ‘Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,’

15 ay inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip[a] na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon,

16 kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon.

17 Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.

18 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito.

19 Sinabi na sa inyo ng Panginoon, O nalabi ng Juda, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto.’ Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito.

20 Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa Panginoon ninyong Diyos, na inyong sinasabi, ‘Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng Panginoon nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.’

21 At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo.

22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan.”

Dinala si Jeremias sa Ehipto

43 Nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salitang ito ng Panginoon nilang Diyos, na ipinahatid sa kanya ng Panginoon nilang Diyos sa kanila,

ay sinabi kay Jeremias nina Azarias na anak ni Hoshaias, Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga walang-galang na lalaki, “Nagsisinungaling ka. Hindi ka sinugo ng Panginoon nating Diyos upang sabihing, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto upang manirahan doon;’

kundi inilagay ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang mapatay nila kami o dalhin kaming bihag sa Babilonia.”

Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, at ang buong bayan ay hindi sumunod sa tinig ng Panginoon na manatili sa lupain ng Juda.

Kundi(A) kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal ang lahat ng nalabi ng Juda na bumalik upang manirahan sa lupain ng Juda mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa kanila—

ang mga lalaki, mga babae, mga bata, ang mga prinsesa, at bawat taong iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan; pati si Jeremias na propeta, at si Baruc na anak ni Nerias.

At sila'y dumating sa lupain ng Ehipto sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon. At sila'y dumating sa Tafnes.

Pagkatapos ay dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Tafnes, na sinasabi,

“Maglagay ka ng malalaking bato sa iyong kamay, at ikubli mo ang mga iyon sa argamasa sa daanang papasok sa palasyo ni Faraon sa Tafnes, sa paningin ng mga taga-Juda;

10 at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking isusugo at kukunin si Nebukadnezar na hari ng Babilonia na aking lingkod, at aking ilalagay ang kanyang trono sa mga batong ito na aking ikinubli; at kanyang ilaladlad ang kanyang talukbong sa ibabaw nito.

11 Siya'y darating at kanyang sasaktan ang lupain ng Ehipto na ibibigay sa kamatayan ang mga itinakda sa kamatayan, sa pagkabihag ang mga itinakda sa pagkabihag, at sa tabak ang mga itinakda sa tabak.

12 Ako'y magpapaningas ng apoy sa templo ng mga diyos ng Ehipto at kanyang susunugin ang mga iyon at dadalhing bihag. Kanyang babalutin ang lupain ng Ehipto na gaya ng pastol na binabalot ang sarili ng kanyang balabal, at siya'y payapang aalis mula roon.

13 Kanyang babaliin ang matatayog na haligi ng Bet-shemes[b] na nasa lupain ng Ehipto, at ang mga templo ng mga diyos ng Ehipto ay kanyang susunugin ng apoy.’”

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Judio

44 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga Judio na nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Inyong nakita ang lahat ng kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda. Tingnan ninyo, sa araw na ito ay giba sila at walang naninirahan doon,

dahil sa kasamaan na kanilang ginawa, na ibinunsod ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang pagsusunog ng insenso, at paglilingkod sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala, maging nila, ninyo o ng inyong mga ninuno man.

Gayunma'y masugid kong sinugo sa inyo ang lahat kong mga lingkod na propeta, na nagsasabi, ‘O huwag ninyong gawin ang karumaldumal na bagay na ito na aking kinasusuklaman!’

Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man nila ang kanilang pandinig upang humiwalay sa kanilang kasamaan at huwag nang magsunog ng insenso sa ibang mga diyos.

Kaya't ang aking poot at galit ay ibinuhos at nagningas sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at sila'y nasira at nagiba gaya sa araw na ito.

Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Bakit ninyo ginagawa ang ganitong malaking kasamaan laban sa inyong mga sarili, na ihiwalay sa inyo ang mga lalaki at babae, mga sanggol at bata, mula sa kalagitnaan ng Juda, na walang iniiwang nalabi sa inyo?

Bakit ninyo ako ibinubunsod sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nagsusunog kayo ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Ehipto na inyong pinuntahan upang tirahan, upang kayo'y mahiwalay at maging isang sumpa at tampulan ng pagkutya sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa?

Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaan ng inyong mga ninuno, ang kasamaan ng mga hari ng Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawang babae, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawang babae, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?

10 Ngunit sila'y hindi nagpakumbaba hanggang sa araw na ito, ni natakot man, ni lumakad man sa aking kautusan at sa aking mga alituntunin, na aking inilagay sa harapan ninyo at ng inyong mga ninuno.

11 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, itututok ko ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, upang ihiwalay ang buong Juda.

12 At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagpasiyang pumasok sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon, at silang lahat ay malilipol. Sa lupain ng Ehipto ay mabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak at ng taggutom. Sila'y mamamatay, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom. Sila'y magiging tampulan ng paghamak, kakilabutan, pagkutya at pag-alipusta.

13 Aking parurusahan ang mga naninirahan sa lupain ng Ehipto, gaya ng parusang ginawa ko sa Jerusalem, sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at salot,

14 anupa't walang sinuman sa nalabi ng Juda na pumasok upang manirahan sa lupain ng Ehipto ay makakatakas o makakaligtas o makakabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang balikan upang tahanan. Sila'y hindi babalik, maliban sa ilang mga takas.”

15 At lahat ng mga lalaki na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at ang lahat ng babae na nakatayo na isang malaking kapulungan, ang buong bayan na nanirahan sa Patros sa lupain ng Ehipto, ay sumagot kay Jeremias:

16 “Tungkol sa salitang iyong sinabi sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin papakinggan.

17 Kundi gagawin namin ang lahat ng bagay na aming ipinangako, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit at magbukas para sa kanya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga pinuno sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagkat noon ay mayroon kaming saganang pagkain at guminhawa kami, at hindi nakakita ng kasamaan.

18 Ngunit mula nang aming iwan ang pagsusunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay kinapos sa lahat ng bagay at nalipol ng tabak at ng taggutom.”

19 “At nang kami ay nagsunog ng insenso sa reyna ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, wala bang pagsang-ayon ang aming mga asawa na kami ay gumawa ng munting tinapay para sa kanya na may larawan niya at ipinagbuhos namin siya ng mga inuming handog?”

Inulit ni Jeremias ang Kanyang Babala

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at mga babae at sa lahat ng taong nagbigay sa kanya ng naturang sagot, na sinasabi,

21 “Tungkol sa mga insenso na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari, at inyong mga pinuno, at ng mga tao ng lupain, hindi ba sila'y inalaala ng Panginoon? Hindi ba ito'y pumasok sa kanyang isipan?

22 Kaya't hindi na matagalan ng Panginoon ang inyong masasamang gawa at ang mga karumaldumal na inyong ginawa. Kaya't ang inyong lupain ay naging sira, giba at isang sumpa, na walang naninirahan, gaya sa araw na ito.

23 Ito'y sapagkat kayo'y nagsunog ng insenso, at sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sumunod sa tinig ng Panginoon o nagsilakad man sa kanyang kautusan at sa kanyang alituntunin, at sa kanyang mga patotoo, kaya't ang kasamaang ito ay sumapit sa inyo, gaya sa araw na ito.”

2 Timoteo 2:1-21

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya't ikaw, anak ko, maging malakas ka sa biyayang na kay Cristo Jesus,

at ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba.

Makipagtiis ka ng mga kahirapan, gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus.

Walang kawal na naglilingkod ang nakikisangkot sa mga bagay ng buhay na ito, yamang ang kanyang mithiin ay bigyang-kasiyahan ang nagtala sa kanya.

Sinumang manlalaro ay hindi pinuputungan malibang nakipagpaligsahan siya ayon sa mga alituntunin.

Ang magsasaka na nagpapakapagod ay siyang unang dapat na magkaroon ng bahagi sa mga bunga.

Isipin mo ang sinasabi ko, sapagkat bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.

Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay mula sa mga patay, mula sa binhi ni David, ayon sa aking ebanghelyo,

na dahil sa kanya ay nagtitiis ako ng kahirapan, maging hanggang sa pagkakaroon ng tanikala na tulad sa isang masamang tao. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nagagapos.

10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan din nila ang kaligtasan kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.

11 Tapat ang salita:

Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung(A) tayo'y magtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
kung ating ikakaila siya, ay ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo'y hindi tapat, siya'y nananatiling tapat;
sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili.

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos[a] na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig.

Ang Manggagawa ng Diyos

15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan.

16 Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan,

17 at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito si Himeneo at si Fileto,

18 na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba.

19 Ngunit(B) ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: “Kilala ng Panginoon ang mga kanya,” at, “Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan.

21 Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa.

Mga Awit 92-93

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
    Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
    hindi ito mauunawaan ng hangal:
bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
    at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
    ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
    sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
    lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.

10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
    ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
    narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Mga Kawikaan 26:3-5

Ang hagupit ay sa kabayo, ang bokado ay sa asno,
    at sa likod ng mga hangal ay ang pamalo.
Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya,
    baka ikaw sa kanya ay mapagaya.
Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya,
    baka siya'y maging pantas sa kanyang sariling mga mata.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001