The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Pagtubos sa mga Alipin
47 “Kung ang dayuhan o ang nakikipanirahang kasama mo ay yumaman, at ang iyong kamag-anak ay naghirap, at ipinagbili ang sarili sa dayuhan o sa nakikipanirahan sa iyo o sa sinumang kasambahay na dayuhan;
48 pagkatapos na siya'y maipagbili ay maaari siyang tubusin. Isa sa kanyang mga kapatid ang makakatubos sa kanya,
49 o ang kanyang amain o ang anak ng kanyang amain ay makakatubos sa kanya; o sinumang malapit na kamag-anak sa kanyang sambahayan ay makakatubos sa kanya. Kung magkaroon siyang kakayahan ay matutubos niya ang kanyang sarili.
50 At kanyang bibilangang kasama ng bumili sa kanya ang mga taon, mula sa taóng bilhin siya hanggang sa taon ng pagdiriwang. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon, ayon sa panahon ng isang upahan ay gayon ang sa kanya.
51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli niya ang halaga ng pagkatubos sa kanya sa salaping sa kanya'y ibinili.
52 At kung kakaunti na lamang ang mga taong nalalabi hanggang sa taon ng pagdiriwang, bibilangin niya ang mga taong nalalabi at isasauli niya ang halaga ng kanyang pagkatubos.
53 Kung paano ang upahan sa taun-taon ay gayon siya maninirahan sa kanya; siya'y huwag maghahari sa kanya na may kabagsikan sa iyong paningin.
54 Kung hindi siya tubusin sa mga ganitong paraan, siya ay aalis sa taon ng pagdiriwang, siya at ang kanyang mga anak.
55 Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mga lingkod ko. Sila'y aking mga lingkod na inilabas ko sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
Pagpapala sa Pagsunod(A)
26 “Huwag(B) kayong gagawa para sa inyo ng mga diyus-diyosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haliging pinakaalaala, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran iyon, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.
2 Inyong iingatan ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon!
3 “Kung(C) susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga utos, at gagawin ang mga iyon,
4 ay bibigyan ko kayo ng ulan sa kanilang kapanahunan, at ang lupain ay magbibigay ng kanyang ani, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga.
5 Ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa panahon ng paghahasik; at kakainin ninyo ang inyong pagkain hanggang magkaroon kayo ng sapat at mabubuhay kayong tiwasay sa inyong lupain.
6 Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at wala kayong katatakutan. Aking aalisin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi daraanan ng tabak ang inyong lupain.
7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at sila'y mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.
8 At lima sa inyo'y hahabol sa isandaan, at isandaan sa inyo'y hahabol sa sampung libo; at ang inyong mga kaaway ay mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.
9 At lilingapin ko kayo, at gagawin ko kayong mabunga. Pararamihin ko kayo at papagtibayin ko ang aking tipan sa inyo.
10 Kakainin ninyo ang matagal nang inilaan, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago.
11 At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at ang aking sarili[a] ay hindi mapopoot sa inyo;
12 at(D) ako'y laging lalakad sa gitna ninyo. Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan.
13 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto upang hindi na kayo maging alipin nila; at aking sinira ang mga kahoy ng inyong pamatok at pinalakad ko kayo ng matuwid.
Parusa sa Pagsuway(E)
14 “Ngunit(F) kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi tutuparin ang lahat ng mga utos na ito,
15 at kung inyong tatanggihan ang aking mga batas, at kasusuklaman ang aking mga hatol, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan;
16 ay gagawin ko naman ito sa inyo: Ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, ang nag-aapoy na lagnat na sisira sa mga mata at unti-unting kikitil ng buhay. At maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagkat kakainin iyon ng inyong mga kaaway.
17 Itututok ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harapan ng inyong mga kaaway. Ang mga napopoot sa inyo ay maghahari sa inyo, at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo.
18 Kung pagkatapos ng mga bagay na ito ay hindi kayo makikinig sa akin, kayo ay parurusahan ko ng higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan;
19 at sisirain ko ang kahambugan ng inyong lakas; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa;
20 at gugugulin ninyo ang inyong lakas nang walang kabuluhan; sapagkat hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kanyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kanyang bunga.
21 “At kung kayo'y lalakad na salungat sa akin, at ayaw makinig sa akin, magdadala ako sa inyo nang higit pa sa pitong ulit na dami ng salot ayon sa inyong mga kasalanan.
22 Susuguin ko sa inyo ang maiilap na hayop sa parang, at aagawan kayo nito ng inyong mga anak. At papatayin ko ang inyong mga hayop, at gagawin kayong iilan, at ang inyong mga lansangan ay mawawalan ng mga tao.
23 “At kung kayo'y hindi ko maturuan sa pamamagitan ng mga bagay na ito, kundi lumakad nang laban sa akin,
24 ako ay lalakad din nang laban sa inyo, at sasaktan ko kayo nang higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.
25 Magdadala ako ng tabak sa inyo upang ipaghiganti ang tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga lunsod, at magpapadala ako ng salot sa gitna ninyo, at kayo'y babagsak sa kamay ng kaaway.
26 Kapag sinira ko ang tungkod ninyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at ipamamahagi sa inyo ang inyong tinapay sa pamamagitan ng timbangan. Kayo'y kakain ngunit hindi kayo mabubusog.
27 “Kung sa kabila nito ay hindi ninyo ako susundin, kundi kayo'y sasalungat sa akin;
28 ako man ay sasalungat sa inyo na may kabagsikan; at parurusahan ko rin kayo nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.
29 At kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae.
30 Sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga dambana. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga bangkay ng inyong mga diyus-diyosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa.
31 At gigibain ko ang inyong mga lunsod at ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko aamuyin ang inyong mababangong samyo.
32 Gagawin kong ilang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na nakatira roon ay magtataka.
33 Kayo'y aking ikakalat sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo, at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga lunsod ay basurahan.
34 “Kaya't tatamasahin ng lupain ang kanyang mga Sabbath hangga't ito'y nananatiling wasak, habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Ang lupain ay magtatamasa ng kapahingahan at magagalak sa kanyang mga Sabbath.
35 Ito ay magpapahinga sa lahat ng mga araw ng pagkasira na hindi nito ipinagpahinga sa inyong mga Sabbath nang kayo'y naninirahan doon.
36 At tungkol sa mga malalabi sa inyo, dadalhan ko sila ng takot sa kanilang mga puso sa mga lupain ng kanilang mga kaaway. Hahabulin sila ng tunog ng isang dahong nalalaglag, at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak. Sila'y mabubuwal bagaman walang humahabol sa kanila.
37 Magkakatisuran sila sa isa't isa na parang nasa harapan ng tabak, kahit walang humahabol; at hindi kayo magkakaroon ng kapangyarihan sa harapan ng inyong mga kaaway.
38 At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.
39 Ang mga nalalabi sa inyo ay mabubulok sa lupain ng inyong mga kaaway dahil sa kanilang kasamaan; at dahil sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno ay mabubulok din sila.
Ang Habag ay Ipinangako sa Mapagtiis
40 “Subalit kung ipahahayag nila ang kanilang kasamaan at ang kasamaan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin, at sapagkat sila'y lumakad ng laban sa akin,
41 kaya't ako'y naging laban sa kanila, at sila'y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway; subalit kung magpapakumbaba ang kanilang mga pusong hindi tuli, at magbayad sa kanilang kasamaan;
42 ay(G) aalalahanin ko ang aking tipan kay Jacob, at akin ding aalalahanin ang aking tipan kay Isaac, at aalalahanin ko rin ang aking tipan kay Abraham, at aking aalalahanin ang lupain.
43 Ngunit ang lupain ay pababayaan nila, at tatamasahin ang kanyang mga Sabbath sa pagiging sira nang sila ay wala; samantalang sila'y magbabayad dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat itinakuwil nila ang aking mga tuntunin, at kinapootan nila ang aking mga batas.
44 Subalit sa kabila ng lahat ng iyon, kapag sila'y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila upang sila'y lipulin, upang sirain ang aking tipan sa kanila; sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos;
45 kundi aalalahanin ko alang-alang sa kanila ang tipan sa mga ninuno, na aking inilabas sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako'y maging kanilang Diyos: Ako ang Panginoon.”
46 Ito ang mga batas at ang mga hatol at ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa kanyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Mga Batas tungkol sa mga Handog sa Panginoon
27 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang maliwanag na panata sa Panginoon tungkol sa katumbas ng isang tao,
3 ang katumbas para sa isang lalaki ay: mula sa dalawampung taong gulang hanggang sa may animnapu ay limampung siklong[b] pilak, na ihahalaga ayon sa siklo ng santuwaryo.
4 Kapag babae, ang katumbas ay tatlumpung siklo.
5 Kung may gulang na mula sa limang taon hanggang sa may dalawampung taon, ang itutumbas mo ay dalawampung siklo ang sa lalaki at ang sa babae ay sampung siklo.
6 Kung may gulang na mula sa isang buwan hanggang sa limang taon, tutumbasan mo ng limang siklong pilak para sa lalaki at sa babae ay tatlong siklong pilak.
7 Kung may gulang na animnapung taon pataas ay labinlimang siklo ang iyong itutumbas para sa lalaki at sa babae ay sampung siklo.
8 Ngunit kung siya ay mas dukha kaysa inyong itinakdang katumbas, siya ay patatayuin sa harapan ng pari, at tutumbasan siya ng pari; siya ay tutumbasan ng pari ayon sa kakayahan niya na may panata.
9 “At kung tungkol sa hayop na ihahandog na alay sa Panginoon, lahat ng ibibigay sa Panginoon ay banal.
10 Huwag niyang babaguhin o papalitan ang mabuti ng masama o ang masama ng mabuti; at kung sa anumang paraan ay palitan ng iba ang isang hayop, kapwa magiging banal ang kapalit at ang pinalitan.
11 At kung iyon ay alinmang hayop na marumi na hindi maihahandog na alay sa Panginoon, dadalhin niya ang hayop sa harapan ng pari;
12 at ito ay hahalagahan ng pari kung ito ay mabuti o masama; ayon sa paghahalaga ng pari ay magiging gayon.
13 Ngunit kung tunay na kanyang tutubusin, magdaragdag siya ng ikalimang bahagi sa ibinigay mong halaga.
Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
32 Sila'y nasa daang paakyat sa Jerusalem at nauuna sa kanila si Jesus. Sila'y namangha at ang mga sumunod ay natakot. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa kanya
33 na sinasabi, “Tingnan ninyo, umaahon tayo patungo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga Hentil.
34 Siya'y kanilang tutuyain, at duduraan, siya'y hahampasin at papatayin. Pagkaraan ng tatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)
35 Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, “Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.”
36 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?”
37 Sinabi nila sa kanya, “Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”
38 Subalit(C) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?”
39 Sumagot sila, “Kaya namin.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.
40 Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito.”
41 Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan.
42 Kaya't(D) sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila.
43 Subalit(E) hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo;
44 at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.
45 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(F)
46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”
50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.
51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[a] ibig kong muling makakita.”
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.
Maskil para sa Maharlikang Kasalan
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.
45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.
2 Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
3 Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!
4 At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
5 Ang iyong mga palaso ay matalas
sa puso ng mga kaaway ng hari,
ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.
6 Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
7 iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
8 Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.
10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11 at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.
13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14 Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman,
at hindi niya ito dinaragdagan ng kapanglawan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001