Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 15:17-16:40

17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupaing aking pagdadalhan sa inyo,

19 ay maghahandog kayo ng isang alay sa Panginoon tuwing kakain kayo ng tinapay ng lupain.

20 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay bilang isang handog. Kung paano ninyo ginagawa ang handog na mula sa giikan, ay gayon ninyo ihahandog ito.

21 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

22 “‘Ngunit kapag kayo'y nagkamali at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinabi ng Panginoon kay Moises,

23 samakatuwid ay lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na binigyan kayo ng Panginoon ng utos at mula noon, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi;

24 ay mangyayari na kung iyon ay ginawa nang hindi sinasadya, at hindi nalalaman ng kapulungan, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro na handog na sinusunog, na mabangong samyo sa Panginoon, kasama ng handog na butil niyon at handog na inumin niyon, ayon sa batas at isang lalaking kambing na handog pangkasalanan.

25 Tutubusin ng pari ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin. Iyon ay hindi sinasadya at sila'y nagdala ng kanilang alay na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog pangkasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang pagkakamali.

26 Ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang dayuhan na nakikipamayan sa kanila, sapagkat ang buong bayan ay kasama sa pagkakamali.

Handog sa Pagkakasalang Hindi Sinasadya

27 “‘Kung(A) ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae na isang taong gulang na handog pangkasalanan.

28 At tutubusin ng pari ang taong nagkamali sa harap ng Panginoon, kung tunay na siya'y nagkasala nang hindi sinasadya upang tubusin siya at siya'y patatawarin.

29 Kayo'y magkakaroon ng isang batas sa kanya na nagkasala nang hindi sinasadya, sa kanya na katutubo sa bayan ng Israel, at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila.

30 Ngunit ang tao na makagawa ng anuman nang buong kapusukan, maging katutubo sa lupain o dayuhan ay lumalapastangan sa Panginoon at ang taong iyon ay ititiwalag sa gitna ng kanyang bayan.

31 Sapagkat kanyang hinamak ang salita ng Panginoon, at sinira ang kanyang utos; ang taong iyon ay lubos na ititiwalag. Ang kanyang kasamaan ay tataglayin niya.’”

Ang Parusa sa Pagsuway sa Batas ng Sabbath

32 Samantalang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang, nakakita sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Sabbath.

33 Ang mga nakakita sa taong namumulot ng kahoy, ay dinala siya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan.

34 Kanilang inilagay siya sa kulungan, sapagkat hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kanya.

35 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang lalaki ay tiyak na papatayin; babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.”

36 Inilabas siya ng buong kapulungan sa kampo at siya'y kanilang pinagbabato hanggang sa mamatay, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ipinag-utos ang Paglalagay ng Tirintas

37 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 “Sabihin(B) mo sa mga anak ni Israel na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling asul.

39 At sa inyo'y magiging isang tirintas upang inyong pagmasdan, at inyong maaalala ang lahat ng mga utos ng Panginoon at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na sanhi ng inyong pakikiapid.

40 Sa gayon, inyong maaalala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Diyos.

41 Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Ang Paghihimagsik nina Kora, Datan at Abiram

16 Si Kora na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, kasama sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet, na mga anak ni Ruben,

ay kumuha ng mga tao. Sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel. Sila'y dalawandaan at limampung pinuno na mga lalaking kilala at pinili mula sa kapulungan.

Sila'y nagtipon laban kina Moises at Aaron at sinabi nila sa kanila, “Sumusobra na kayo! Ang buong kapulungan ay banal, bawat isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila; bakit nga ninyo itinataas ang inyong sarili sa kapulungan ng Panginoon?”

Nang marinig ito ni Moises, siya ay nagpatirapa;

at sinabi niya kay Kora at sa kanyang buong pangkat, “Sa kinaumagahan ay ipapakita ng Panginoon kung sino ang kanya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kanya. Samakatuwid, ang piliin niya ay siyang kanyang palalapitin sa kanya.

Gawin ninyo ito: Kumuha kayo ng mga suuban, si Kora at ang kanyang buong pangkat.

Lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng insenso bukas sa harap ng Panginoon at ang taong piliin ng Panginoon ay siyang banal. Lumalabis na kayo, kayong mga anak ni Levi!”

At sinabi ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi!

Minamaliit pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Diyos ng Israel sa sambayanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kanya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapulungan na mangasiwa sa kanila?

10 At inilapit ka niya at ang lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi, at inyong hinahangad pa ang pagkapari?

11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pangkat ay nagtitipon laban sa Panginoon; sino si Aaron, na nagrereklamo kayo laban sa kanya?

12 At ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab; ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami pupunta!”

13 Maliit na bagay pa ba na kami ay iyong pinaalis sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang at gawin mo pa ang iyong sarili na aming pinuno?

14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan. Dudukitin mo ba pati ang mga mata ng mga taong ito? Hindi kami pupunta!”

15 At si Moises ay galit na galit, at sinabi sa Panginoon, “Huwag mong igalang ang kanilang handog. Hindi ako kumuha ng isang asno sa kanila, ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.”

16 At sinabi ni Moises kay Kora, “Humarap ka bukas at ang iyong buong pangkat sa Panginoon, ikaw, sila, at si Aaron.

17 Kumuha ang bawat isa ng kanyang suuban, at lagyan ninyo ng insenso, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawat isa'y magdala ng kanyang suuban, na dalawandaan at limampung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawat isa sa inyo'y may kanyang suuban.”

18 Kaya't kinuha ng bawat isa ang kanyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng insenso at sila'y tumayo sa pintuan ng toldang tipanan na kasama nina Moises at Aaron.

19 At tinipon ni Kora ang buong kapulungan laban sa kanila sa pintuan ng toldang tipanan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa buong kapulungan.

Pinarusahan ang Naghimagsik

20 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 “Humiwalay kayo sa kapulungang ito, upang malipol ko sila sa isang iglap.”

22 Sila'y nagpatirapa, at nagsabi, “O Diyos, na Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapulungan?”

23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 “Sabihin mo sa kapulungan, ‘Lumayo kayo sa palibot ng tirahan nina Kora, Datan at Abiram.’”

25 At si Moises ay tumayo at pumaroon kina Datan at Abiram; at ang matatanda sa Israel ay sumunod sa kanya.

26 Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Lumayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag ninyong hawakan ang anumang bagay na kanila, baka kayo'y mamatay kasama ng lahat nilang kasalanan.”

27 Kaya't lumayo sila sa tolda nina Kora, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay lumabas at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawa, mga anak, at mga bata.

28 At sinabi ni Moises, “Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o dumating sa kanila ang likas na kapalaran ng lahat ng tao, hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Ngunit kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, at ibuka ng lupa ang kanyang bibig at sila'y lamunin, kasama ng lahat ng nauukol sa kanila, at sila'y buháy na ibaba sa Sheol, inyo ngang malalaman na hinamak ng mga taong ito ang Panginoon.”

31 Nangyari nga, pagkatapos na masabi niya ang lahat ng salitang ito, ang lupa na nasa ilalim nila ay nahati.

32 At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sambahayan, at ang lahat ng lalaki na kabilang kay Kora, at lahat ng kanilang ari-arian.

33 Anupa't sila at lahat ng kabilang sa kanila ay buháy na bumaba sa Sheol at sila'y pinagsarhan ng lupa, at sila'y nalipol mula sa sambayanan.

34 Ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa sigawan nila; sapagkat kanilang sinabi, “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa!”

35 May apoy na lumabas mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawandaan at limampung lalaki na naghandog ng insenso.

Pinitpit ang mga Suuban ng mga Naghimagsik

36 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na kanyang kunin ang mga suuban mula sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagkat mga banal iyon;

38 pati ang mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo ang mga ito na mga pinitpit na pantakip sa dambana, sapagkat kanilang inihandog sa harap ng Panginoon, kaya't banal ang mga ito. Sa gayon, magiging isang tanda ito sa mga anak ni Israel.”

39 Kaya't kinuha ng paring si Eleazar ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinitpit bilang pantakip sa dambana,

40 upang maging alaala sa mga anak ni Israel, upang sinumang ibang tao na hindi pari, na hindi mga anak ni Aaron ay huwag lumapit upang magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at nang huwag maging tulad ni Kora at ng kanyang mga kasama; gaya ng sinabi ng Panginoon kay Eleazar sa pamamagitan ni Moises.

Marcos 15

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”

Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.

Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”

Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.

Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.

Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.

Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

10 Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.

11 Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.

12 Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

14 Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

15 At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)

16 Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon.

17 Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya.

18 At pinasimulan nilang pagpugayan siya, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”

19 Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya.

20 Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(D)

21 Pinilit(E) nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.[a]

22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’

23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.

24 Siya'y(F) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.

25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.

28 [At(G) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]

29 Siya'y(H) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,

30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”

31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon.

34 (J) Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, “Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias.”

36 Tumakbo(K) ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, “Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba.”

37 Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga.

38 Ang(L) tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.

39 Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”[b]

40 At(M) mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome;

41 na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42 Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath,

43 si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

44 At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya.

45 Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.

46 At bumili si Jose[c] ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan.

47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Mga Awit 54

Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”

54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
    at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.

Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
    at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
    hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)

Ang Diyos ay aking katulong;
    ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
    tapusin mo sila sa katapatan mo.

Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
    ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
    at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.

Mga Kawikaan 11:5-6

Ang katuwiran ng walang sala ang nagtutuwid sa kanyang daan,
ngunit nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan.
Ang katuwiran ng matutuwid ang nagliligtas sa kanila,
    ngunit ang mga taksil ay nadadakip sa kanilang sariling pagnanasa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001