Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 11:24-13:33

24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.

25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.

Si Eldad at si Medad

26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.

27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”

28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”

29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”

30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.

Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot

31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[a] ang kapal sa ibabaw ng lupa.

32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[b] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.

33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.

34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.

35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.

Si Miriam ay Nagkaketong

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).

At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.

Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.

At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.

Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.

At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.

Ang(A) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.

Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[c] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”

Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.

10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.

11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[d] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.

12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”

13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”

14 Sinabi(B) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”

15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.

16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.

Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(C)

13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”

Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.

At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;

mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;

mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;

mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;

mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;

mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;

10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;

11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;

12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;

13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;

14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;

15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.

16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.

17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.

18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;

19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,

20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.

21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.

22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).

23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.

24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.

Ang Masamang Balita ng mga Espiya

25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.

26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.

27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.

28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.

29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”

30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”

31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.

32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.

33 At(D) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”

Marcos 14:22-52

Ang Banal na Hapunan(A)

22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”

23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.

24 At(B) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[a] na nabubuhos para sa marami.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.

26 At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ang Unang Pagbanggit ni Jesus sa Pagtatatwa ni Pedro(C)

27 Sinabi(D) sa kanila ni Jesus, “Kayong lahat ay tatalikod sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at kakalat ang mga tupa.’

28 Ngunit(E) matapos akong maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29 Subalit sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit tumalikod man ang lahat, ako'y hindi.”

30 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”

31 Ngunit sinabi niya nang may diin, “Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(F)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin.”

33 Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag.

34 Sinabi niya sa kanila, “Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.”

35 Paglakad niya sa malayu-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras.

36 At kanyang sinabi, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.”

37 Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras?

38 Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.”

39 Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita.

40 At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya.

41 Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

42 Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(G)

43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.

44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”

45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.

46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.

47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.

48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?

49 Araw-araw(H) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”

50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.

51 Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban.

52 Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad.

Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Mga Kawikaan 11:1-3

11 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang madayang timbangan,
    ngunit ang tamang timbangan ay kanyang kasiyahan.
Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan;
    ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan.
Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila,
    ngunit ang kalikuan ng mga taksil ang sa kanila'y sumisira.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001