The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon
21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.
22 Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya.
23 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan.
24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig.
25 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno.
26 Pagkatapos, ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa.
27 Nang makita ng asno ang anghel ng Panginoon, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno.
28 Ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.”
30 At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.”
Ang Sabi ng Anghel ng Panginoon
31 Nang magkagayo'y iminulat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa.
32 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko.
33 Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.”
34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako.”
35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo.” Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
Lumabas si Balak Upang Salubungin si Balaam
36 Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?”
38 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin.”
39 At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot.
40 Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya.
41 Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan.
Ang Unang Talinghaga ni Balaam
23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
2 Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa.
3 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang Panginoon upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim.
4 At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, “Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana.”
5 Nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
6 Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab.
7 At binigkas ni Balaam[a] ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak,
na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan.
Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob.
Pumarito ka, laitin mo ang Israel.
8 Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos?
At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
9 Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya,
at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw;
narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa,
at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa.
10 Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob,
o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?
Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid,
at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!”
11 At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”
12 Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”
Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam
13 Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”
14 Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.
15 Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”
16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
17 Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”
18 At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19 Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20 Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22 Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23 Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
‘Anong ginawa ng Diyos!’
24 Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
at makainom ng dugo ng napatay.”
25 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”
26 Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”
27 Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon.”
28 At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang.
29 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
30 At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.
58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.
59 Nang(A) ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,
60 ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”
61 At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”
62 Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a]
63 Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.
64 Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.
65 Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.
66 Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,
68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[b]
at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(B) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[c] sa atin,
79 upang(C) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.
58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
2 Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.
3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
4 Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
5 kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
ni ang tusong manggagayuma.
6 O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
7 Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
8 Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
9 Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.
10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”
12 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay kulang sa sariling bait,
ngunit ang taong may unawa ay tumatahimik.
13 Ang gumagalang tagapagdala ng tsismis, mga lihim ay inihahayag,
ngunit nakapagtatago ng bagay ang may espiritung tapat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001