The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Israel ay Pinaalalahanang Maging Masunurin
4 “At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoong Diyos ng inyong mga ninuno.
2 Huwag(A) ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo.
3 Nakita(B) ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng Panginoon mong Diyos sa gitna mo.
4 Ngunit kayong humawak ng matatag sa Panginoon ninyong Diyos ay buháy na lahat sa araw na ito.’
5 Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin.
6 Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’
7 Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya?
8 At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?
9 “Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.
10 Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’
11 Kayo'y(C) lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman.
12 Ang Panginoon ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang.
13 At(D) kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.
14 Iniutos(E) sa akin ng Panginoon nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
15 “Kaya't ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili. Yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy,
16 baka(F) kayo'y magpakasama, at kayo'y gumawa para sa inyong sarili ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alinmang larawan, na katulad ng lalaki o babae,
17 na(G) kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, at anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,
18 na kahawig ng anumang bagay na gumagapang sa lupa, at anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa.
19 Baka itingin mo ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw, buwan, bituin, at lahat ng hukbo ng sangkalangitan ay matukso ka at iyong sambahin at paglingkuran sila na inilagay ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng mga bayan na nasa ilalim ng buong langit.
20 Ngunit(H) kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na kanyang pag-aari, isang pamana, gaya sa araw na ito.
21 At(I) nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng Panginoon mong Diyos sa iyo bilang pamana.
22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito.
23 Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
24 Sapagkat(J) ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin.
25 “Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Diyos, upang siya ay galitin;
26 aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa.
27 Ikakalat(K) kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng Panginoon.
28 Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy.
29 Ngunit(L) kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.
30 Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa Panginoon mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
31 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila.
32 “Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito?
33 Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa?
34 O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin?
35 Ipinakita(M) sa iyo ito, upang makilala mo na ang Panginoon ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya.
36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy.
37 At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan,
38 na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang lalong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito.
39 Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang Panginoon ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.
40 Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng Panginoon mong Diyos.”
Mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan
41 Nang(N) magkagayo'y ibinukod ni Moises ang tatlong lunsod sa silangan sa kabila ng Jordan,
42 upang ang nakamatay ng tao ay makatakas patungo doon, na nakamatay sa kanyang kapwa na hindi sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang nakaraan; na sa pagtakas sa isa sa mga lunsod na ito ay maaari niyang iligtas ang kanyang buhay:
43 Ang Bezer sa ilang, sa kapatagang lupa na para sa mga Rubenita; at sa Ramot sa Gilead na para sa mga Gadita; at ang Golan sa Basan na para sa mga anak ni Manases.
Paunang-salita sa Pagbibigay ng Kautusan ng Diyos
44 Ito ang kautusang inilagay ni Moises sa harapan ng mga anak ni Israel.
45 Ito ang mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila'y lumabas sa Ehipto,
46 sa kabila ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Bet-peor, sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo na tumira sa Hesbon, na nilupig ni Moises at ng mga anak ni Israel nang sila'y umalis sa Ehipto.
47 Kanilang inangkin ang kanyang lupain at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa dakong silangan sa kabila ng Jordan;
48 mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sirion[a] (na siya ring Hermon),
49 at ang buong Araba sa kabila ng Jordan sa dakong silangan hanggang sa Dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.
39 Sinabi(A) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
40 Ang(B) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(C)
43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.
44 Sapagkat(D) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.
45 Ang(E) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(F)
46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?
47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[a]
49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(G)
7 Nang matapos na ni Jesus[b] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[c] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
28 Siyang nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan ay mabubuwal,[a]
ngunit ang matuwid ay mamumukadkad na parang dahong luntian.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001