Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 26:52-28:15

52 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

53 “Sa mga ito hahatiin ang lupain bilang mana ayon sa bilang ng mga pangalan.

54 Sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana. Ang bawat isa ayon sa mga bilang sa kanya ay bibigyan ng kanyang mana.

55 Gayunman ay hahatiin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan: ang kanilang mamanahin ay ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng kanilang mga ninuno.

56 Ayon sa palabunutan hahatiin ang kanilang mana, alinsunod sa dami o sa kaunti.

57 Ito ang mga nabilang sa mga Levita ayon sa kanilang mga angkan: kay Gershon, ang angkan ng mga Gershonita; kay Kohat, ang angkan ng mga Kohatita; kay Merari, ang angkan ng mga Merarita.

58 Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahlita, ang angkan ng mga Musita, ang angkan ng mga Korahita. At naging anak ni Kohat si Amram.

59 Ang pangalan ng asawa ni Amram ay Jokebed, na anak na babae ni Levi, na ipinanganak kay Levi sa Ehipto. Ipinanganak niya kay Amram sina Aaron at Moises, at si Miriam na kanilang kapatid na babae.

60 At(B) naging anak ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.

61 Sina(C) Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon.

62 Ang nabilang sa kanila ay dalawampu't tatlong libo, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas: dahil hindi sila binilang kasama ng mga anak ni Israel, sapagkat sila'y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

63 Ito ang mga nabilang ni Moises at ng paring si Eleazar, na bumilang ng mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.

64 Ngunit sa mga ito ay wala isa mang lalaki na ibinilang ni Moises at ng paring si Aaron, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai.

65 Sapagkat(D) sinabi ng Panginoon tungkol sa kanila, “Sila'y tiyak na mamamatay sa ilang.” At walang natira kahit isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jefone, at kay Josue na anak ni Nun.

Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad

27 Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak na babae ni Zelofehad, na anak ni Hefer, na anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose. Ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.

At sila'y tumayo sa harap ni Moises, at ng paring si Eleazar, at sa harap ng mga pinuno at ng buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan na sinasabi,

“Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng pangkat ng mga nagtipun-tipon laban sa Panginoon sa pangkat ni Kora, kundi siya'y namatay sa kanyang sariling kasalanan; at siya'y walang anak na lalaki.

Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, dahil ba sa siya'y walang anak na lalaki? Bigyan ninyo kami ng ari-arian kasama ng mga kapatid ng aming ama.”

Dinala ni Moises ang kanilang usapin sa harap ng Panginoon.

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Tama(E) ang sinasabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Bigyan mo sila ng ari-arian na pinakamana mula sa mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.

At iyong sasabihin sa mga anak ni Israel, “Kung ang isang lalaki ay mamatay at walang anak na lalaki, inyong isasalin ang kanyang mana sa kanyang anak na babae.

Kung siya'y walang anak na babae, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang mga kapatid.

10 Kung siya'y walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa mga kapatid ng kanyang ama.

11 Kung ang kanyang ama ay walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang kamag-anak na pinakamalapit sa kanyang angkan, at kanyang aariin. At ito ay magiging isang tuntunin at batas sa mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Sinabi ang tungkol sa Kamatayan ni Moises

12 Sinabi(F) ng Panginoon kay Moises, “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.

13 Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid.

14 Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.)

Si Josue ang Kapalit ni Moises(G)

15 At nagsalita si Moises sa Panginoon, na sinasabi,

16 “Hayaan mong pumili ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan,

17 na(H) lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol.”

18 Kaya't(I) sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya.

19 Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya.

20 Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel.

21 At(J) siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan.

22 Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan.

23 Kanyang(K) ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Araw-araw na Handog na Sinusunog(L)

28 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Ang aking alay, ang aking pagkain na handog sa akin na pinaraan sa apoy bilang mabangong samyo sa akin ay pagsikapan mong ihandog sa akin sa takdang panahon.

Iyong sasabihin sa kanila, “Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa Panginoon; mga korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, dalawa araw-araw, bilang palagiang handog na sinusunog.

Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw,

at ang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling butil bilang handog na butil na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo.

Iyon ay isang palagiang handog na sinusunog, na iniutos sa bundok ng Sinai na mabangong samyo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

Ang handog na inumin ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin para sa isang kordero. Sa dakong banal ka magbubuhos ng handog na inumin na matapang na inumin para sa Panginoon.

Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw gaya ng handog na butil sa umaga. Gaya ng handog na inumin ay iyong ihahandog iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy, bilang mabangong samyo sa Panginoon.

Ang Handog sa Araw ng Sabbath

“Sa araw ng Sabbath ay dalawang korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, at dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyon.

10 Ito ang handog na sinusunog sa bawat Sabbath, bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at ang inuming handog niyon.

Ang Buwanang Handog

11 Sa simula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon; dalawang batang toro at isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan;

12 at tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat toro; at dalawang ikasampung bahagi ng piling harina bilang handog na butil, na hinaluan ng langis para sa isang lalaking tupa;

13 at isang ikasampung bahagi ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil para sa bawat kordero; handog na sinusunog na mabangong samyo, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

14 Ang kanilang magiging handog na inumin ay kalahati ng isang hin ng alak para sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay para sa lalaking tupa, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay para sa kordero. Ito ang handog na sinusunog sa bawat buwan sa lahat ng buwan ng taon.

15 Isang kambing na lalaki na handog sa Panginoon dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog niyon.

Lucas 3:1-22

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka[a] sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia,

Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang.

Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

Gaya(B) ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias,

“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
Bawat libis ay matatambakan,
    at bawat bundok at burol ay papatagin,
at ang liko ay tutuwirin,
    at ang mga baku-bakong daan ay papantayin.
At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’”

Kaya't(C) sinabi ni Juan[b] sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating?

Kaya't(D) mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.

Ngayon(E) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.”

10 Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”

11 Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.”

12 Dumating(F) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”

13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.”

14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.”

15 Samantalang ang mga tao'y naghihintay, nagtatanong ang lahat sa kanilang mga puso tungkol kay Juan, kung siya ang Cristo.

16 Sumagot si Juan at sinabi sa kanilang lahat, “Binabautismuhan ko kayo ng tubig. Subalit dumarating ang higit na makapangyarihan kaysa akin. Ako'y hindi karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang mga sandalyas. Kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy.

17 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig, subalit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.”

18 Kaya't sa iba pang maraming pangaral ay ipinahayag niya sa mga tao ang magandang balita.

19 Subalit(G) si Herodes na tetrarka, na sinumbatan niya dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,

20 ay nagdagdag pa sa lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulong kay Juan sa bilangguan.

Binautismuhan si Jesus(H)

21 Nang mabautismuhan ang buong bayan, at nang mabautismuhan din si Jesus at siya'y nananalangin, ang langit ay nabuksan.

22 At(I) bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”

Mga Awit 61

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

Mga Kawikaan 11:16-17

16 Ang mapagbiyayang babae ay nagkakamit ng karangalan,
at ang marahas na lalaki ay nagkakaroon ng kayamanan.
17 Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kanyang sarili,
ngunit ang taong malupit ay nananakit sa kanyang sarili.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001