The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nagreklamo ang Kapulungan kina Moises at Aaron
41 Subalit kinabukasan ay nagreklamo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel kina Moises at Aaron, na sinasabi, “Pinatay ninyo ang bayan ng Panginoon.”
42 At nang magtipon ang kapulungan laban kina Moises at Aaron, sila'y tumingin sa dako ng toldang tipanan; at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.
43 At sina Moises at Aaron ay pumunta sa harapan ng toldang tipanan.
44 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito, upang aking lipulin sila sa isang iglap.” At sila'y nagpatirapa.
46 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng insenso, at dalhin mo agad sa kapulungan, at tubusin mo sila sapagkat ang poot ay lumabas mula sa Panginoon, ang salot ay nagpapasimula na.
47 Kinuha iyon ni Aaron gaya ng sinabi ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan na doon ang salot ay nagpasimula na sa gitna ng bayan at siya'y naglagay ng insenso at itinubos para sa bayan.
48 Siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buháy at ang salot ay tumigil.
49 Ang namatay sa salot ay labing-apat na libo at pitong daan, bukod pa sa mga namatay dahil sa nangyari kay Kora.
50 Nang ang salot ay tumigil, si Aaron ay bumalik kay Moises sa pintuan ng toldang tipanan.
Ang Tungkod ni Aaron ay Namulaklak
17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sambahayan ng mga ninuno; sa lahat nilang mga pinuno ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kanyang tungkod.
3 Isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi, sapagkat magkakaroon ng isa lamang tungkod para sa bawat pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
4 Ilagay mo ang mga ito sa toldang tipanan sa harap ng patotoo, kung saan ako nakikipagtagpo sa inyo.
5 Mamumulaklak ang tungkod ng lalaking aking pipiliin, at patitigilin ko ang mga pagrereklamo ng mga anak ni Israel, na kanilang inerereklamo laban sa inyo.
6 Si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat ng kanilang mga pinuno ay nagbigay sa kanya ng tungkod, isa sa bawat pinuno ayon sa mga sambayanan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod, at ang tungkod ni Aaron ay nasa kalagitnaan ng kanilang mga tungkod.
7 Inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tolda ng patotoo.
8 Kinabukasan,(A) nang si Moises ay pumasok sa tolda ng patotoo; ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.
9 Mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa harap ng lahat ng mga anak ni Israel at kanilang pinagmasdan. Kinuha ng bawat lalaki ang kanyang tungkod.
10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatan bilang tanda laban sa mga mapaghimagsik; at nang iyong wakasan ang kanilang mga pagrereklamo laban sa akin, upang hindi sila mamatay.”
11 Gayon ang ginawa ni Moises; kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanya ay gayon niya ginawa.
12 Sinabi ng mga anak ni Israel kay Moises, “Narito, kami ay patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.”
13 Lahat ng lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon ay mamamatay. Kami bang lahat ay malilipol?”
Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Bagay na Banal
18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.
2 Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.
3 Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man.
4 Sila'y makikisama sa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo.
5 Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel.
6 Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan.
7 At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.”
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman.
9 Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak.
10 Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo.
11 Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
12 Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa Panginoon ay ibibigay ko sa iyo.
13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
14 Lahat(B) ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo.
15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.
16 At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera[a]).
17 Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa Panginoon.
18 Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.
19 Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo.”
20 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
Ang Ikasampung Bahagi ay Ipinamana sa mga Levita
21 Sa(C) mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan.
22 Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.
23 Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.
24 Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa Panginoon ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, ‘Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.’”
25 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, ‘Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa Panginoon, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi.
27 Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.
28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa Panginoon sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa Panginoon.
29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa Panginoon, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon.
30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, “Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.
31 Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan.
32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.’”
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran.
2 Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan.
3 Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?”
4 Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki.
5 At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka.
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya!
7 Subalit(B) humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”
8 At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
[At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.]
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya.
10 Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis.
11 Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buháy at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid.
13 At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapag-kainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At(F) sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo[a] sa lahat ng nilikha.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika;
18 sila'y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y gagaling.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Kaya't(H) ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na siya'y magsalita sa kanila ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos.
20 At humayo sila at nangaral sa lahat ng dako, habang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
mula sa pakikibaka laban sa akin,
sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.
20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
makilos kailanman ang matuwid.
23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.
7 Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak,
at ang inaasam ng masama ay napaparam.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001