The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(A)
32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,
2 lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:
3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,
4 na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”
5 At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?
7 At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
8 Ganyan(B) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.
9 Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
10 Ang(C) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;
12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’
13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.
14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.
15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”
16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.
17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.
18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,
19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”
20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,
21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;
22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.
23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.
24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”
25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.
26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.
27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”
28 Sa(D) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.
30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”
31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.
32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”
33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.
34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,
35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,
36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.
37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,
38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.
39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.
40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.
41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.
42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.
Ang Talaan ng Paglalakbay ng Israel
33 Ito ang mga paglalakbay[a] ng mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng pamumuno nina Moises at Aaron.
2 Isinulat ni Moises kung saan sila nagsimula, yugtu-yugto, alinsunod sa utos ng Panginoon, at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga lugar na pinagsimulan.
3 Sila'y naglakbay mula sa Rameses nang ikalabinlimang araw ng unang buwan. Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa ay buong tapang na umalis ang mga anak ni Israel sa paningin ng lahat ng mga Ehipcio,
4 samantalang inililibing ng mga Ehipcio ang lahat ng kanilang panganay na nilipol ng Panginoon sa gitna nila, pati ang kanilang mga diyos ay hinatulan ng Panginoon.
5 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at nagkampo sa Sucot.
6 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at nagkampo sa Etam na nasa gilid ng ilang.
7 Sila'y naglakbay mula sa Etam, at lumiko sa Pihahirot, na nasa silangan ng Baal-zefon at nagkampo sa tapat ng Migdol.
8 Sila'y naglakbay mula sa Pihahirot, at nagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang; sila'y naglakbay ng tatlong araw sa ilang ng Etam at nagkampo sa Mara.
9 Sila'y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim at sa Elim ay may labindalawang bukal ng tubig at pitumpung puno ng palma; at sila'y nagkampo roon.
10 Sila'y naglakbay mula sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat na Pula.[b]
11 Sila'y naglakbay mula sa Dagat na Pula at nagkampo sa ilang ng Zin.
12 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Zin at nagkampo sa Dofca.
13 Sila'y naglakbay mula sa Dofca at nagkampo sa Alus.
14 Sila'y naglakbay mula sa Alus at nagkampo sa Refidim na doon ay walang tubig na mainom ang mga taong-bayan.
15 Sila'y naglakbay mula sa Refidim at nagkampo sa ilang ng Sinai.
16 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Sinai at nagkampo sa Kibrot-hataava.
17 Sila'y naglakbay mula sa Kibrot-hataava at nagkampo sa Haserot.
18 Sila'y naglakbay mula sa Haserot at nagkampo sa Ritma.
19 Sila'y naglakbay mula sa Ritma at nagkampo sa Rimon-peres.
20 Sila'y naglakbay mula sa Rimon-peres at nagkampo sa Libna.
21 Sila'y naglakbay mula sa Libna at nagkampo sa Risa.
22 Sila'y naglakbay mula sa Risa at nagkampo sa Ceelata.
23 Sila'y naglakbay mula sa Ceelata at nagkampo sa bundok ng Sefer.
24 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Sefer at nagkampo sa Harada.
25 Sila'y naglakbay mula sa Harada at nagkampo sa Macelot.
26 Sila'y naglakbay mula sa Macelot at nagkampo sa Tahat.
27 Sila'y naglakbay mula sa Tahat at nagkampo sa Terah.
28 Sila'y naglakbay mula sa Terah at nagkampo sa Mitca.
29 Sila'y naglakbay mula sa Mitca at nagkampo sa Hasmona.
30 Sila'y naglakbay mula sa Hasmona at nagkampo sa Moserot.
31 Sila'y naglakbay mula sa Moserot at nagkampo sa Ben-yaakan.
32 Sila'y naglakbay mula sa Ben-yaakan at nagkampo sa Horhagidgad.
33 Sila'y naglakbay mula sa Horhagidgad at nagkampo sa Jotbata.
34 Sila'y naglakbay mula sa Jotbata at nagkampo sa Abrona.
35 Sila'y naglakbay mula sa Abrona at nagkampo sa Ezion-geber.
36 Sila'y naglakbay mula sa Ezion-geber at nagkampo sa ilang ng Zin (na siya ring Kadesh).
37 At sila'y naglakbay mula sa Kadesh at nagkampo sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom.
Ang Pagkamatay ni Aaron
38 Ang(E) paring si Aaron ay umakyat sa bundok ng Hor sa utos ng Panginoon, at namatay roon nang unang araw ng ikalimang buwan, sa ikaapatnapung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.
39 Si Aaron ay isandaan at dalawampu't tatlong taon nang siya'y mamatay sa bundok ng Hor.
Isang Taong may Masamang Espiritu(A)
31 Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath.
32 Sila'y(B) namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.[a]
33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig,
34 “Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan.
36 Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila.”
37 Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon.
Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(C)
38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[b] para sa kanya.
39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.
40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.
41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(D)
42 Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila.
43 Subalit sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito.”
44 Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea.[c]
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(E)
5 Samantalang(F) sinisiksik si Jesus[d] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.
3 Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.
4 Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”
5 Sumagot(G) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Nang(H) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,
7 kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”
9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,
10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”
11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
22 Tulad ng singsing na ginto sa nguso ng baboy,
gayon ang isang magandang babae na walang dunong.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001