Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 13-15

13 “Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan,

at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ na hindi mo kilala, ‘at ating paglingkuran sila,’

huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa.

Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya.

At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng Panginoon mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno;

sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;

ay huwag kang padadala sa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya;

kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan.

10 Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa Panginoon mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.

11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo.

12 “Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang manirahan ka roon,

13 na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi ninyo nakilala;

14 ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay;

15 ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak.

16 At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa Panginoon mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo.

17 Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang,

18 kapag pinakinggan mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.

Mga Bawal na Kaugalian sa Pagluluksa

14 “Kayo'y(A) mga anak ng Panginoon ninyong Diyos; huwag ninyong susugatan ang inyong sarili, ni kakalbuhin ang inyong noo dahil sa patay.

Sapagkat(B) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan na kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.

Malilinis at Maruruming mga Hayop(C)

“Huwag kang kakain ng anumang bagay na marurumi.

Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: ang baka, ang tupa, at ang kambing,

ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mailap na kambing, at ang kambing sa bundok, at ang kambing sa kapatagan, at ang tupang bundok.

At bawat hayop na may hati ang paa, biyak at ngumunguya, sa mga hayop, ay maaari ninyong kainin.

Gayunman, ang mga ito ay hindi dapat kakainin sa mga ngumunguya, o sa biyak ang paa: ang kamelyo, ang liebre, at ang kuneho, sapagkat sila'y ngumunguya, ngunit walang hati ang paa; ang mga ito ay marumi sa inyo.

At ang baboy, sapagkat may hati ang paa, ngunit hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo; ang laman nila'y huwag ninyong kakainin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.

“Lahat ng mga ito na nasa tubig ay maaari ninyong kainin: anumang may mga kaliskis at mga palikpik, ay maaari ninyong kainin.

10 Anumang walang kaliskis at palikpik ay huwag ninyong kakainin; marumi ito para sa inyo.

11 “Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.

12 Ngunit ang mga ito'y hindi ninyo dapat kainin: ang agila, ang buwitre, at ang buwitreng itim,

13 at ang malaking lawin, at ang falkon, ayon sa kanilang uri;

14 at lahat ng uwak ayon sa kanilang uri;

15 ang avestruz, panggabing lawin, ang lawing dagat, at ang lawin, ayon sa kanilang uri;

16 ang munting kuwago, ang malaking kuwago, ang puting kuwago;

17 ang pelikano, ang buwitre, at ang somormuho;

18 ang puting tagak, ang tagak na kulay-ube, ayon sa kanilang uri; ang paniki, at ang kabág.

19 Lahat ng may pakpak na gumagapang ay marumi sa inyo; huwag ninyong kakainin ang mga ito.

20 Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.

21 “Huwag(D) kayong kakain ng anumang bagay na kusang namatay; maaari mong ibigay sa dayuhang nasa loob ng iyong mga bayan, upang kanyang kainin; o maaari mong ipagbili sa dayuhan; sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos.

“Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kanyang ina.”

Ang Kautusan tungkol sa Ikapu

22 “Kukunan(E) mo ng ikasampung bahagi ang lahat ng bunga ng iyong binhi na nanggagaling sa iyong bukid taun-taon.

23 Iyong kakainin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, sa dakong kanyang pipiliin na patatahanan sa kanyang pangalan, ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan upang lagi kang matutong matakot sa Panginoon mong Diyos.

24 At kung ang daan ay napakahaba para sa iyo, na anupa't hindi mo madala ang ikapu kapag pinagpala ka ng Diyos, sapagkat napakalayo sa iyo ang dakong pinili ng Panginoon mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan,

25 ay iyo ngang tutumbasan ng salapi at itatali mo ang salapi sa iyong kamay at pupunta ka sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Diyos;

26 at iyong gugulin ang salapi sa anumang nais mo: baka, tupa, alak, matapang na inumin, o sa anumang iyong nasain. Ikaw ay kakain doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at ikaw at ang iyong sambahayan ay magalak.

27 Ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan ay huwag mong pababayaan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo.

28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga ng taong iyon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga bayan.

29 At ang Levita, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo, at ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na nasa loob ng iyong mga bayan ay pupunta roon at kakain at mabubusog, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawain na iyong ginagawa.

Ang Ikapitong Taon(F)

15 “Sa katapusan ng bawat pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang.

Ito ang paraan ng pagpapatawad: bawat nagpapautang ay magpapatawad ng kanyang ipinautang sa kanyang kapwa; huwag niyang sisingilin iyon sa kanyang kapwa at sa kanyang kapatid, sapagkat ang pagpapatawad ng Panginoon ay ipinahayag.

Sa isang dayuhan ay maaari kang maningil; ngunit anumang pag-aari mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad mo.

Ngunit hindi magkakaroon ng dukha sa inyo sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang iyong angkinin,

kung masikap mong papakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at gagawin ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

Sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos, na gaya ng ipinangako niya sa iyo. Ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, ngunit hindi ka mangungutang; at ikaw ay maghahari sa maraming bansa, ngunit hindi ka nila paghaharian.

“Kung(G) mayroon sa inyong isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni maging maramot sa iyong dukhang kapatid;

kundi iyo ngang bubuksan ang iyong kamay sa kanya, at papautangin mo siya ng sapat para sa kanyang pangangailangan maging anuman iyon.

Pag-ingatan mong huwag mag-isip ng masama, na iyong iisipin, ‘Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad ay malapit na;’ at tiningnan mo ng masama ang iyong dukhang kapatid at wala kang ibinigay sa kanya. Siya ay maaaring dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at ito'y magiging kasalanan mo.

10 Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam kapag binibigyan mo siya; sapagkat dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.

11 Yamang(H) hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman, kaya't aking iniutos sa iyo, ‘Buksan mo ang iyong kamay sa iyong kapatid na nangangailangan, at sa dukha na nasa iyong lupain.’

Ang Pakikitungo sa mga Alipin(I)

12 “Kung(J) ang iyong kapatid na Hebreong lalaki o babae ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyo ng anim na taon, sa ikapitong taon ay palalayain mo siya.

13 At kapag pinalaya mo siya, ay huwag mo siyang paalisin na walang dala;

14 bibigyan mo siya nang sagana mula sa bunga ng iyong kawan, sa iyong giikan at mula sa iyong pisaan ng alak. Kung paanong pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos, ay gayon mo siya bibigyan.

15 At aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos, kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.

16 Kung sabihin niya sa iyo, ‘Hindi ako aalis sa iyo;’ sapagkat mahal ka niya at ang iyong sambahayan, sapagkat kinalulugdan mo siya,

17 ay kukuha ka ng isang pambutas at butasan mo ang kanyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailanman. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong aliping babae.

18 Hindi dapat maging mabigat sa iyo kapag pinalaya mo na siya mula sa iyo, sapagkat sa kalahati ng halaga ng isang upahang alipin ay naglingkod siya sa iyo ng anim na taon, at pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.

19 “Lahat(K) ng panganay na lalaki na ipinanganak sa iyong bakahan at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa Panginoon mong Diyos. Huwag mong pagtatrabahuhin ang panganay ng iyong baka, ni gugupitan ang panganay ng iyong kawan.

20 Kakainin mo ito, ikaw at ng iyong sambahayan sa harapan ng Panginoon mong Diyos taun-taon sa lugar na pipiliin ng Panginoon.

21 At kung ito ay may anumang kapintasan, pilay o bulag, anumang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahandog sa Panginoon mong Diyos.

22 Kakainin mo ito sa loob ng iyong mga bayan; ang marumi at ang malinis ay kapwa kakain nito, na para itong maliit na usa o malaking usa.

23 Huwag(L) mo lamang kakainin ang dugo niyon; ibubuhos mo iyon sa lupa na parang tubig.

Lucas 8:40-9:6

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus(A)

40 At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.

41 At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,

42 sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.

43 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,[a] at di mapagaling ng sinuman,

44 na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.

45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,[b] “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”

46 Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”

47 At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus[c] at kung paanong siya ay kaagad gumaling.

48 At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”

49 Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”

50 Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.

52 Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,[d] “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”

53 At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.

54 Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”

55 Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus[e] na bigyan ng makakain ang bata.

56 At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus[f] sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(B)

Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[g] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.

Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.

At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.

Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.

Saanman(C) (D) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”

At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.

Mga Awit 71

71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.

Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.

Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”

12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.

17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.

Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.

22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.

Mga Kawikaan 12:5-7

Ang mga iniisip ng matuwid ay makatarungan,
    ang mga payo ng masama ay kataksilan.
Ang mga salita ng masama ay nag-aabang ng dugo,
    ngunit ang bibig ng matuwid ang nagliligtas sa tao.
Ang masasama ay ibinabagsak at pinapawi,
    ngunit ang sambahayan ng matuwid ay mananatili.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001