Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 19-20

Ang Paglilinis sa Pamamagitan ng Abo ng Babaing Baka

19 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi:

“Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang dumalagang baka, na walang kapintasan, walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.

Ibibigay ninyo ito sa paring si Eleazar, at kanyang ilalabas sa kampo at papatayin sa kanyang harapan.

Ang paring si Eleazar ay kukuha ng dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri, at pitong ulit na magwiwisik ng dugo sa dakong harap ng toldang tipanan.

At susunugin sa paningin niya ang dumalagang baka; ang balat nito at ang laman, ang dugo, at ang dumi nito ay susunugin.

Ang pari ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng pulang tela, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa dumalagang baka.

Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang mga damit at kanyang paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo at ang pari ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang sumunog sa baka ay maglalaba ng kanyang damit sa tubig at kanyang huhugasan ang kanyang katawan sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

At(A) titipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilalagay sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iingatan para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang tubig para sa karumihan para sa pag-aalis ng kasalanan.

10 Ang pumulot ng mga abo ng dumalagang baka ay maglalaba ng kanyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa gabi; at sa mga anak ni Israel at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila ay magiging isang tuntunin magpakailanman.

11 Ang humawak sa bangkay ng sinumang tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

12 Siya ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na iyon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis, ngunit kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.

13 Sinumang humipo ng patay, na bangkay ng namatay at hindi maglilinis, ay dinudungisan ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong iyon ay ititiwalag sa Israel, sapagkat ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya; siya'y magiging marumi; ang kanyang karumihan ay nasa kanya pa.

14 Ito ang batas kapag ang isang tao ay namatay sa isang tolda. Lahat ng pumapasok sa tolda at lahat ng nasa tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

15 Bawat sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon ay marumi sa loob.

16 Sinumang nasa parang na humawak sa pinatay ng tabak, o sa bangkay, o sa buto ng tao, o sa libingan, ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

17 Para sa taong marumi ay kukuha sila ng mga abo sa sinunog na handog pangkasalanan at kukuha ng tubig na umaagos at ilalagay sa isang sisidlan.

18 Pagkatapos, ang malinis na tao ay kukuha ng isopo at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda, sa lahat ng kasangkapan, sa mga taong naroon, sa humawak ng buto o ng bangkay ng patay, o ng libingan.

19 Wiwisikan ng taong malinis ang taong marumi sa ikatlo at ikapitong araw; kaya't kanyang lilinisin siya sa ikapitong araw. Siya'y maglalaba ng kanyang mga kasuotan, maliligo sa tubig at magiging malinis sa paglubog ng araw.

20 “Ngunit ang taong marumi at hindi maglilinis ay ititiwalag mula sa gitna ng kapulungan, sapagkat kanyang dinungisan ang santuwaryo ng Panginoon, yamang ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya, siya'y marumi.

21 Ito'y magiging isang tuntunin magpakailanman sa kanila at ang nagwiwisik ng tubig para sa karumihan ay maglalaba ng kanyang mga suot; at yaong humawak ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

22 Anumang hawakan ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humawak niyon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang Pagkamatay ni Miriam(B)

20 Ang mga anak ni Israel, ang buong kapulungan, ay dumating sa ilang ng Zin nang unang buwan; at ang bayan ay nanatili sa Kadesh. Si Miriam ay namatay, at inilibing doon.

Ang Tubig ng Meriba

At(C) walang tubig na mainom ang kapulungan at sila'y nagpulong laban kina Moises at Aaron.

Nakipag-away ang bayan kay Moises at nagsabi, “Sana ay namatay na kami nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!

Bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop ay mamatay dito?

At bakit ninyo kami pinaahon mula sa Ehipto upang dalhin kami sa masamang lugar na ito? Hindi ito lugar na bukirin, o ng igos, o ng ubasan, o ng mga granada; at dito'y walang tubig na mainom.”

Sina Moises at Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at nagtungo sa pintuan ng toldang tipanan at nagpatirapa. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa kanila.

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang kapulungan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig. Sa gayon ka maglalabas ng tubig para sa kanila mula sa bato; gayon ka magbibigay ng inumin para sa kapulungan at sa kanilang mga hayop.”

At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kanya.

10 Tinipon nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng malaking bato, at kanyang sinabi sa kanila, “Makinig kayo ngayon, mga mapaghimagsik! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?”

11 Itinaas ni Moises ang kanyang kamay at dalawang ulit na hinampas ng kanyang tungkod ang malaking bato at ang tubig ay lumabas na sagana, at uminom ang kapulungan at ang kanilang mga hayop.

12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sapagkat hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapulungang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.”

13 Ito ang tubig ng Meriba[a] na kung saan nakipag-away ang mga anak ni Israel sa Panginoon at ipinakita niya sa kanila na siya ay banal.

Ayaw Paraanin ng Edom ang Israel

14 Si Moises ay nagsugo sa mga hari sa Edom mula sa Kadesh, “Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israel, ‘Alam mo ang lahat ng kahirapan na dumating sa amin.

15 Kung paanong ang aming mga ninuno ay pumunta sa Ehipto, at kami ay nanirahan sa Ehipto ng matagal na panahon at pinahirapan kami at ang aming mga ninuno ng mga Ehipcio.

16 Nang kami ay dumaing sa Panginoon ay pinakinggan niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Ehipto. At ngayon, kami ay nasa Kadesh, na isang bayan na nasa dulo ng iyong nasasakupan.

17 Ipinapakiusap ko sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa kabukiran o sa ubasan, ni hindi kami iinom ng tubig sa mga balon. Kami ay daraan sa Daan ng Hari. Hindi kami liliko sa dakong kanan o sa kaliwa man hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.’”

18 Sinabi ni Edom sa kanya, “Huwag kang daraan sa aking lupain, baka salubungin kita ng tabak.”

19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kanya, “Kami ay aahon sa lansangan at kung kami at ang aming mga hayop ay iinom ng iyong tubig, ito ay babayaran ko. Pahintulutan mo lamang ako na makaraan. Wala ng iba pa.”

20 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi ka makakaraan.” Ang Edom ay lumabas laban sa kanya na may dalang maraming tao, at may malakas na hukbo.

21 Ganito tumanggi ang Edom na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan kaya't ang Israel ay lumayo sa kanya.

Ang Kamatayan ni Aaron

22 Sila at ang buong kapulungan ng mga Israelita ay naglakbay mula sa Kadesh at nakarating sa bundok ng Hor.

23 At sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron sa bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom,

24 “Si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan. Siya'y hindi papasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagkat kayo'y naghimagsik laban sa aking utos sa tubig ng Meriba.

25 Dalhin mo sina Aaron at Eleazar na kanyang anak sa bundok ng Hor.

26 Hubaran mo si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isuot mo kay Eleazar na kanyang anak at si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan, at doon siya mamamatay.”

27 Ginawa ni Moises ang iniutos ng Panginoon at sila'y umahon sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapulungan.

28 Hinubaran(D) ni Moises si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isinuot kay Eleazar na kanyang anak. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok at sina Moises at Eleazar ay bumaba sa bundok.

29 Nang makita ng buong kapulungan na si Aaron ay patay na, ang buong sambahayan ni Israel ay tumangis para kay Aaron sa loob ng tatlumpung araw.

Lucas 1:1-25

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin,

ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral[a] ng salita,

ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo,

upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

Nang(A) panahon ni Haring Herodes ng Judea,[b] may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth.

Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon.

Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na.

Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan,

ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso.

10 At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas.

11 Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso.

12 Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias.

13 Subalit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan.

14 Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang.

15 Sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina.

16 Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos.

17 Siya'y(C) lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang[c] sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.”

19 At(D) sinagot siya ng anghel, “Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita.

20 Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.”

21 Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias at nagtaka sila sa kanyang pagtatagal sa loob ng templo.

22 Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Inakala nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Siya'y nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, at siya'y nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang mga araw ng kanyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kanyang bahay.

24 Pagkalipas ng mga araw na ito ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Siya ay nagtago nang limang buwan, na nagsasabi,

25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang bigyang-pansin upang alisin ang aking kahihiyan sa gitna ng mga tao.”

Mga Awit 56

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
    buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
    sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
Kapag natatakot ako,
    aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
    sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
    ang laman sa akin ay ano ang magagawa?

Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
    lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
    binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
    Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
    sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!

Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
    ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
    Wala ba sila sa aklat mo?
Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
    sa araw na ako'y tumawag.
    Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
    sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
    Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
    ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
    at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
    sa liwanag ng buhay.

Mga Kawikaan 11:8

Ang matuwid ay naliligtas sa gulo,
    at ang masama naman ay nasasangkot dito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001