Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 21:1-22:20

Ang Ahas na Tanso

21 Nang(A) mabalitaan ng Cananeo, na hari ng Arad, na naninirahan sa Negeb, na ang Israel ay daraan sa Atarim, nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.

Ang Israel ay gumawa ng sumpa sa Panginoon at nagsabi, “Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, aking lubos na gigibain ang kanilang mga bayan.”

Pinakinggan ng Panginoon ang tinig ng Israel at ibinigay sa kanila ang Cananeo. Kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan. Kaya't ang ipinangalan sa dakong iyon ay Horma.[a]

Sila'y(B) naglakbay mula sa bundok ng Hor patungo sa Dagat na Pula upang umikot sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng mga tao ay nainip sa daan.

Ang(C) bayan ay nagsalita laban sa Diyos at laban kay Moises, “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang pagkain at walang tubig at ang kaluluwa namin ay nasusuya na sa walang kuwentang pagkaing ito.”

Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsugo ng mga makamandag[b] na ahas sa mga taong-bayan, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya't marami sa Israel ang namatay.

Ang bayan ay pumunta kay Moises at nagsabi, “Kami ay nagkasala, sapagkat kami ay nagsalita laban sa Panginoon at laban sa iyo. Idalangin mo sa Panginoon, na kanyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.

At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng isang makamandag[c] na ahas at ipatong mo sa isang tikin, at bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon.”

Kaya't(D) si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin, at kapag may nakagat ng ahas, at tumingin ang taong iyon sa ahas na tanso ay nabubuhay.

Naglakbay mula sa Obot at Nagkampo sa Bundok ng Pisga

10 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at nagkampo sa Obot.

11 Sila'y naglakbay mula sa Obot, at nagkampo sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, patungo sa dakong sinisikatan ng araw.

12 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa libis ng Zared.

13 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na humahantong sa hangganan ng mga Amoreo; sapagkat ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amoreo.

14 Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipaglaban ng Panginoon,

Ang Waheb sa Sufa,
at ang mga libis ng Arnon,
15     at ang tagiliran ng mga libis
na hanggang sa dakong tahanan ng Ar,
at humihilig sa hangganan ng Moab.

16 At mula roon ay nagpatuloy sila patungo sa Beer, na siyang balon kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang bayan at bibigyan ko sila ng tubig.”

17 Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito:

“Bumukal ka, O balon; awitan ninyo siya!
18 Ang balong hinukay ng mga pinuno,
na pinalalim ng mga maharlika ng bayan,
ng kanilang setro at mga tungkod.”

At mula sa ilang, sila'y nagpatuloy patungo sa Matana,

19 mula sa Matana patungong Nahaliel; at mula sa Nahaliel patungong Bamot;

20 mula sa Bamot patungo sa libis na nasa bukid ng Moab, sa tuktok ng Pisga, na pababa sa ilang.

Pinatay sina Sihon at Og(E)

21 Pagkatapos, ang Israel ay nagpadala ng mga sugo kay Sihon, na hari ng mga Amoreo, na sinasabi,

22 “Paraanin mo ako sa iyong lupain. Kami ay hindi liliko sa bukid o sa ubasan. Kami ay hindi iinom ng tubig mula sa mga balon; kami ay daraan sa Daan ng Hari hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.”

23 Ngunit hindi pinahintulutan ni Sihon ang Israel na dumaan sa kanyang nasasakupan. Tinipon ni Sihon ang kanyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating sa Jahaz, at nilabanan ang Israel.

24 Pinatay siya ng Israel sa talim ng tabak, at inangkin ang kanyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon; sapagkat ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.

25 At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito. Ang Israel ay nanirahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amoreo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyon.

26 Sapagkat ang Hesbon ay siyang bayan ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyon sa kanyang kamay hanggang sa Arnon.

27 Kaya't ang mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi,

“Halina kayo sa Hesbon,
    itayo at itatag ang lunsod ni Sihon.
28 Sapagkat(F) may isang apoy na lumabas sa Hesbon,
    isang liyab mula sa bayan ni Sihon.
Tinupok nito ang Ar ng Moab,
    at winasak[d] ang matataas na dako ng Arnon.
29 Kahabag-habag ka, Moab!
    Ikaw ay napahamak, O bayan ni Cemos!
Hinayaan niyang maging takas ang kanyang mga anak na lalaki,
    at ipinabihag ang kanyang mga anak na babae,
    kay Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Aming pinana sila. Ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon,
    at aming winasak hanggang Nofa, na umaabot hanggang Medeba.

31 Kaya't nanirahan ang Israel sa lupain ng mga Amoreo.

32 Si Moises ay nagsugo upang tiktikan ang Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyon at pinalayas nila ang mga Amoreo na naroroon.

33 Sila'y lumiko at umahon sa daan ng Basan. Si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipaglaban sa Edrei.

34 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag mo siyang katakutan, sapagkat ibinigay ko siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kanyang lupain, at iyong gagawin sa kanya ang gaya ng iyong ginawa kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon.”

35 Gayon nila pinatay siya at ang kanyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kanya, at kanilang inangkin ang kanyang lupain.

Nagpasugo si Balak kay Balaam

22 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan sa Jerico.

Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.

Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel.

At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, “Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang.” Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon

ay(G) nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, “May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko.

Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.”

Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak.

Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.

At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?”

10 Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi,

11 “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.”

13 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang Panginoon ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.”

14 Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.”

15 Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila.

16 Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin.

17 Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’”

18 Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit.

19 Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng Panginoon.”

20 Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.”

Lucas 1:26-56

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan,[a] sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret,

27 sa(A) isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.

28 Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[b]

29 Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito.

30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos.

31 At ngayon,(B) maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus.

32 Siya'y(C) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David.

33 Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.”

34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang[c] lalaki.”

35 At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.

36 Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.

37 Sapagkat(D) sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.”

38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Dinalaw ni Maria si Elizabeth

39 Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol.

40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth.

41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo.

42 Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!

43 Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon?

44 Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.

45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”

Umawit ng Papuri si Maria

46 Sinabi(E) ni Maria,

47 “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
    at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
48 Sapagkat(F) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
    Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
    at banal ang kanyang pangalan.
50 Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
    sa lahat ng sali't-saling lahi.
51 Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
    pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
52 Ibinaba(G) niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
    at itinaas ang mga may abang kalagayan.
53 Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
    at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
    bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Tulad(H) nang sinabi niya sa ating mga magulang,
    kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”

56 Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.

Mga Awit 57

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Mga Kawikaan 11:9-11

Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig,
ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid.
10 Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang,
    at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan.
11 Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila,
    ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001