The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Ang Pitong Ilaw sa Santuwaryo
8 Nagsalita(A) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.’”
3 At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4 Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan.
Paglilinis sa mga Levita
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
7 At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili.
8 Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan.
9 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel.
10 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita.
11 Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
13 Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa Panginoon.
14 “Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin.
15 Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway.
16 Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita.
17 Sapagkat(B) lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin.
18 At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita.
19 Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo.”
20 Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.
21 Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila.
22 At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila.
23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 “Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan.
25 Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod.
26 Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.”
Batas tungkol sa Paskuwa ng Panginoon
9 Sinabi(C) ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,
2 “Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.
3 Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin.”
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.
5 Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.
7 At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, “Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa Panginoon sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?”
8 Sinabi ni Moises sa kanila, “Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng Panginoon tungkol sa inyo.”
9 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang ipapangilin din ang paskuwa sa Panginoon.
11 Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.
12 Wala(D) silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa lahat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.
13 Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa Panginoon sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.
14 Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa Panginoon, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo.”
Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(E)
15 Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.
16 Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ng anyong apoy kapag gabi.
17 Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.
18 Sa utos ng Panginoon ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.
19 Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi sila naglalakbay.
20 At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng Panginoon ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila.
21 Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.
22 Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.
23 Sa utos ng Panginoon ay nagkakampo sila, at sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng Panginoon, ang utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan(A)
14 “Ngunit(B) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.
15 At(C) ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.
16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.
17 Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!
18 Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.
19 Sapagkat(D) sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong[a] makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.
21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
22 Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.
23 Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(E)
24 “Ngunit(F) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,
25 at(G) malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.
26 Pagkatapos,(H) makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
27 Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(I)
28 “Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.
29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.
30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
31 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(J)
32 “Ngunit(K) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.
33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.
34 Tulad(L) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.
35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.
36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.
37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
29 Ang daan ng Panginoon sa matuwid ay tanggulan,
ngunit kapahamakan sa mga gumagawa ng kasamaan.
30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailanman,
ngunit ang masama, sa lupain ay hindi tatahan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001