Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 5-6

Ang Sampung Utos(A)

Tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, “Pakinggan mo, O Israel, ang mga tuntunin at mga batas na aking binibigkas sa inyong mga pandinig sa araw na ito, at dapat ninyong matutunan ang mga ito, at maging maingat na isagawa ang mga ito.

Ang Panginoong ating Diyos ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

Ang tipang ito ay hindi ginawa ng Panginoon sa ating mga ninuno, kundi sa atin, sa ating lahat na nariritong buháy sa araw na ito.

Ang Panginoon ay nakipag-usap sa inyo nang mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy.

Ako'y tumayo sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang panahong iyon upang ipahayag sa inyo ang salita ng Panginoon; sapagkat kayo'y natakot dahil sa apoy, at hindi kayo umakyat sa bundok. Kanyang sinabi:

“‘Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

“‘Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harapan ko.[a]

“‘Huwag(B) kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anumang nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.

Huwag(C) mo silang yuyukuran o paglilingkuran man sila, sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang hanggang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin,

10 ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

11 “‘Huwag(D) mong gagamitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan; sapagkat hindi ituturing ng Panginoon na walang sala ang gumamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.

12 “‘Ipangilin(E) mo ang araw ng Sabbath, at ingatan mo itong banal, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

13 Anim(F) na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain,

14 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki o anak na babae, ni ang iyong aliping lalaki o aliping babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anuman sa iyong hayop, ni ang mga dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan, upang ang iyong aliping lalaki at aliping babae ay makapagpahingang gaya mo.

15 Aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at ikaw ay inilabas doon ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig. Kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na ipangilin mo ang araw ng Sabbath.

16 “‘Igalang(G) mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos; upang ang iyong mga araw ay humaba pa at para sa ikabubuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

17 “‘Huwag(H) kang papatay.

18 “‘Ni(I) huwag kang mangangalunya.

19 “‘Ni(J) huwag kang magnanakaw.

20 “‘Ni(K) huwag kang sasaksi sa kasinungalingan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Ni(L) huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapwa, ang kanyang bukid, ni ang kanyang aliping lalaki, o aliping babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay ng iyong kapwa.’

22 “Ang(M) mga salitang ito ay sinabi ng Panginoon sa lahat ng inyong pagtitipon sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa makapal na kadiliman, na may malakas na tinig; at hindi na niya dinagdagan pa. At kanyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay ang mga ito sa akin.

Natakot ang Bayan(N)

23 Nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy ay lumapit kayo sa akin, ang lahat ng mga pinuno sa inyong mga lipi, at ang inyong matatanda;

24 at inyong sinabi, ‘Ipinakita sa amin ng Panginoon nating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Aming narinig ang kanyang tinig mula sa gitna ng apoy; aming nakita sa araw na ito na ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao, at ang tao ay nabubuhay pa.

25 Ngayon, bakit kailangang mamamatay kami? Sapagkat tutupukin kami ng napakalaking apoy na ito; kapag aming narinig pa ang tinig ng Panginoon nating Diyos, kami ay mamamatay.

26 Sapagkat sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buháy na Diyos na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay pa?

27 Lumapit ka at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Diyos, at iyong sabihin sa amin ang lahat na sasabihin sa iyo ng Panginoon nating Diyos, at aming papakinggan, at gagawin ito.’

28 “At narinig ng Panginoon ang inyong mga salita, nang kayo'y nagsalita sa akin. Sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Aking narinig ang tinig ng bayang ito, na kanilang sinabi sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinabi.

29 Ang kanila nawang isipan ay maging laging ganito, na matakot sa akin, at kanilang tuparin ang lahat ng aking mga utos para sa ikabubuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailanman!

30 Humayo ka at sabihin mo sa kanila, “Bumalik kayo sa inyong mga tolda.”

31 Ngunit tungkol sa iyo, manatili ka rito sa akin at aking sasabihin sa iyo ang lahat ng utos, mga tuntunin at ang mga kahatulan na iyong ituturo sa kanila upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang angkinin.’

32 Inyong ingatang gawin ang gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

33 Kayo'y lalakad sa lahat ng mga daan na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos, upang kayo'y mabuhay, at upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo ay mabuhay nang mahaba sa lupain na inyong aangkinin.

Ang Dakilang Utos

“Ngayon, ito ang utos, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa akin ng Panginoon ninyong Diyos na ituro sa inyo, upang inyong magawa ang mga ito sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin,

upang ikaw ay matakot sa Panginoon mong Diyos, na iyong ingatan ang lahat niyang mga tuntunin at ang kanyang mga utos na aking iniutos sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay humaba.

Kaya't pakinggan mo, O Israel, at iyong gawin upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo'y lalo pang dumami, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno, sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

“Pakinggan(O) mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon;[b]

at(P) iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.

Ang(Q) mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso;

at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.

At iyong itatali ang mga ito bilang tanda sa iyong kamay at bilang panali sa iyong noo.

At iyong isusulat ang mga ito sa pintuan ng iyong bahay at sa mga pasukan ng inyong mga bayan.

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Kapag(R) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo,

11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinunô, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog,

12 ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

13 Matakot(S) ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan.

14 Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo;

15 sapagkat ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng Panginoon mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa.

16 “Huwag(T) ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah.

17 Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.

18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang mabuting lupain na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno,

19 upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng Panginoon.

20 “Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Diyos?’

21 Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin;

23 at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.

24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buháy, gaya sa araw na ito.

25 At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’

Lucas 7:11-35

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

11 Kinabukasan[a] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.

12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.

13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”

14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”

15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[b] sa kanyang ina.

16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”

17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.

Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(A)

18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.

19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”

20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”

21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[c] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.

22 At(B) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.

23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?

25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.

26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.

27 Ito(C) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[d]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”

29 (Nang(D) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.

30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)

31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?

32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,

‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
    tumangis kami at hindi kayo umiyak.’

33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’

34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”

Mga Awit 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon
    na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
    samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
    at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.

21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
    ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
    “Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
    upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”

24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
    sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
    ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
    ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
    ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.

28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
    ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
    ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
    ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
    pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
    magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.

32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
    narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
    na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
    at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
    ang Diyos ng Israel,
    nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.

Purihin ang Diyos!

Mga Kawikaan 11:29-31

29 Magmamana ng hangin ang gumugulo sa kanyang sariling sambahayan,
at magiging alipin naman ng marunong ang hangal.
30 Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay;
at ang humihikayat ng kaluluwa ay may karunungan.
31 Kung(A) ang matuwid sa lupa ay ginagantihan,
    gaano pa kaya ang masama at ang makasalanan!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001