Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 9-10

Mga Bunga ng Pagsuway

“Pakinggan mo, O Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin at agawin ang mga bansang higit na dakila at makapangyarihan kaysa iyo, na mga bayang malaki at may pader hanggang sa langit,

isang bayang malaki at mataas, mga anak ng Anakim na iyong nakikilala at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, ‘Sinong makakatayo sa harapan ng mga anak ni Anak?’

Alamin mo sa araw na ito na ang Panginoon mong Diyos ay siyang mangunguna sa iyo na parang apoy na lumalamon. Kanyang pupuksain sila at kanyang payuyukurin sila sa harapan mo; sa gayo'y mapapalayas mo sila at mabilis mo silang malilipol na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoon.

“Huwag mong sasabihin sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, ‘Dahil sa aking pagiging matuwid ay dinala ako ng Panginoon upang angkinin ang lupaing ito.’ Sa halip ay dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon sa harapan mo.

Hindi dahil sa iyong pagiging matuwid o dahil sa katapatan ng iyong puso ay iyong pinapasok upang angkinin ang kanilang lupain, kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at upang kanyang papagtibayin ang salita na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.

“Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.

Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong ginalit mo ang Panginoon mong Diyos sa ilang; mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Ehipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapaghimagsik kayo laban sa Panginoon.

Gayundin sa Horeb na inyong ginalit ang Panginoon, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo at handa na sana siyang lipulin kayo.

Nang(A) ako'y umakyat sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.

10 Ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nasa mga iyon ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon.

11 Sa katapusan ng apatnapung araw at apatnapung gabi, ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan.

12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, bumaba ka agad mula riyan; sapagkat ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto ay nagpakasama. Sila'y mabilis na lumihis sa daang iniutos ko sa kanila; sila'y gumawa para sa kanila ng isang larawang inanyuan.’

13 “Bukod dito'y nagsalita sa akin ang Panginoon, na sinasabi, ‘Aking nakita ang bayang ito, at aking nakita na ito'y isang bayang matigas ang ulo.

14 Hayaan mong lipulin ko sila, at aking burahin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit; at gagawin kitang isang bansang higit na makapangyarihan at malaki kaysa kanila.’

15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.

16 Tumingin ako, at nakita kong kayo'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos. Kayo'y gumawa para sa inyo ng isang guyang inanyuan. Kayo'y madaling lumihis sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.

17 Kaya't aking hinawakan ang dalawang tapyas at inihagis ng aking dalawang kamay, at winasak ang mga ito sa harapan ng inyong paningin.

18 At ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon, gaya nang una, sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa lahat ng inyong kasalanan na inyong ginawa sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong ginalit.

19 Sapagkat(B) natatakot ako dahil sa galit at maalab na poot na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Ngunit pinakinggan din ako noon ng Panginoon.

20 Ang Panginoon ay galit na galit kay Aaron na siya sana'y papatayin; at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahong iyon.

21 At kinuha ko ang makasalanang bagay na inyong ginawa, ang guya, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan at dinurog na mabuti, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyon sa batis na umaagos mula sa bundok.

Ang Israel ay Naging Mapaghimagsik at si Moises ay Namagitan

22 “At(C) sa Tabera, sa Massah, sa Kibrot-hataava ay inyong ginalit ang Panginoon.

23 Nang(D) suguin kayo ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea, na sinasabi, ‘Umakyat kayo at angkinin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo;’ pagkatapos ay naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos, at hindi ninyo siya pinaniniwalaan, ni pinakinggan ang kanyang tinig.

24 Kayo'y naging mapaghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.

25 “Kaya't ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon ng apatnapung araw at apatnapung gabi, sapagkat sinabi ng Panginoon na lilipulin niya kayo.

26 At ako'y nanalangin sa Panginoon, at sinabi, ‘O Panginoong Diyos, huwag mong pupuksain ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan, na iyong inilabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, sina Abraham, Isaac, at Jacob. Huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila.

28 Baka sabihin ng mga tao sa lupaing pinaglabasan mo sa amin: “Sapagkat hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sapagkat napoot siya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.”

29 Gayunman sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.’

Ang Pangalawang mga Tapyas ng Bato(E)

10 “Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumapyas ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya nang una. Umakyat ka sa akin sa bundok at gumawa ka ng isang kaban na yari sa kahoy.

Isusulat ko sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.’

Kaya't gumawa ako ng isang kabang yari sa kahoy na akasya, at humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya nang una, at umakyat sa bundok na dala ang dalawang tapyas.

At kanyang isinulat sa mga tapyas ang ayon sa unang nasulat, ang sampung utos[a] na sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon; at ang mga iyon ay ibinigay sa akin ng Panginoon.

Ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at ang mga iyon ay naroroon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.

(At(F) ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Benyaakan hanggang sa Mosera. Doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing. Si Eleazar na kanyang anak ay nangasiwa sa katungkulang pari na kapalit niya.

Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgoda, at mula sa Gudgoda hanggang sa Jotbata, na lupain ng mga batis ng tubig.

Nang(G) panahong iyon ay ibinukod ng Panginoon ang lipi ni Levi upang magdala ng kaban ng tipan ng Panginoon, tumayo sa harapan ng Panginoon, maglingkod sa kanya, at upang magbigay ng basbas sa kanyang pangalan hanggang sa araw na ito.

Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana na kasama ng kanyang mga kapatid; ang Panginoon ay siyang kanyang mana, ayon sa sinabi ng Panginoon mong Diyos sa kanya.)

10 “Ako'y(H) namalagi sa bundok, gaya ng una, apatnapung araw at apatnapung gabi, at ako'y pinakinggan din noon ng Panginoon; ayaw ng Panginoon na puksain ka.

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, at pangunahan mo ang taong-bayan; sila'y papasok at kanilang aangkinin ang lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno upang ibigay sa kanila.’

Ang Hinihingi ng Panginoon

12 “At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Diyos? Kundi matakot ka sa Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo,

13 na tuparin ang mga utos ng Panginoon, at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti.

14 Bagaman, sa Panginoon mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon,

15 ang Panginoon ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito.

16 Tuliin ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo.

17 Sapagkat(I) ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga panginoon, siyang dakilang Diyos, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol.

18 Kanyang hinahatulan nang matuwid ang ulila at babaing balo, at iniibig ang mga nakikipamayan, na binibigyan niya ng pagkain at kasuotan.

19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan, sapagkat kayo'y naging mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.

20 Matakot ka sa Panginoon mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka.

21 Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay na nakita ng iyong mga mata.

22 Ang(J) iyong mga ninuno ay lumusong sa Ehipto na may pitumpung katao; at ngayo'y ginawa ka ng Panginoon mong Diyos na kasindami ng mga bituin sa langit.

Lucas 8:4-21

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:

“Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.

Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.

At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.

At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,

10 sinabi(C) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.

Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(D)

11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.

12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.

13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.

14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.

15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

16 “Walang(F) taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

17 Sapagkat(G) walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.

18 Kaya't(H) mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(I)

19 Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.

20 At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”

21 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”

Mga Awit 69:19-36

19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
    ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
    lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
    kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
    at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(A) nila ako ng lason bilang pagkain,
    at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(B) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
    kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.

23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;

    at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
    at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(C) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
    sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
    at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
    at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(D) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
    huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
    ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!

30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
    at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
    o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
    ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
    at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.

34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
    ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
    at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36     ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
    at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.

Mga Kawikaan 12:2-3

Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng Panginoon,
    ngunit kanyang parurusahan ang taong may masasamang layon.
Hindi tumatatag ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan,
    ngunit ang ugat ng matuwid ay hindi magagalaw.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001