Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 4-5

Ang Paglilingkod ng mga Anak ni Kohat

Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

“Kunin ninyo ang bilang ng mga anak ni Kohat, mula sa mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

Mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang, lahat ng maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa toldang tipanan.

Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Kohat sa toldang tipanan, sa mga bagay na kabanal-banalan.

Kapag ang kampo ay susulong na, papasok si Aaron sa loob at ang kanyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyon ang kaban ng patotoo.

Kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang takip na balat ng kambing at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang telang asul, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.

Sa ibabaw ng hapag ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang telang asul, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang sandok, mga mangkok, mga pitsel para sa handog na inumin; at ang palagiang tinapay ay malalagay sa ibabaw niyon.

Kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga iyon ng telang pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan.

Kukuha sila ng isang telang asul at kanilang tatakpan ang ilawan para sa ilaw, kasama ang mga ilawan, mga pamputol ng mitsa, mga lalagyan, at lahat ng sisidlan ng langis na ginagamit dito.

10 At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyon sa loob ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan.

11 Ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang telang asul, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.

12 Kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa paglilingkod na ginagamit sa santuwaryo. Ang mga ito'y kanilang ilalagay sa isang telang asul, tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at ipapatong sa patungan.

13 Kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at lalatagan ito ng isang telang kulay-ube.

14 Kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana na ginagamit sa paglilingkod doon, ang apuyan at ang mga pantusok, ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana. Kanilang lalatagan iyon ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa mga pasanan niyon.

15 Kapag tapos nang takpan ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng kasangkapan ng santuwaryo, habang sumusulong ang kampo, lalapit ang mga anak ni Kohat upang kanilang buhatin iyon. Subalit huwag nilang hihipuin ang mga banal na bagay, upang hindi sila mamatay. Ang mga bagay na ito sa toldang tipanan ang papasanin ng mga anak ni Kohat.

16 “Ang pangangasiwaan ni Eleazar na anak ng paring si Aaron ay ang langis sa ilaw, ang mabangong insenso, ang patuloy na handog na butil, ang langis na pambuhos, ang pamamahala sa buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuwaryo at ang mga sisidlan niyon.”

17 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,

18 “Huwag ninyong hayaang mamatay ang lipi ng mga angkan ng mga Kohatita sa gitna ng mga Levita,

19 ganito mo sila dapat pakitunguhan upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanal-banalang bagay. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay paroroon at ituturo sa bawat isa ang kanya-kanyang paglilingkod at ang kanya-kanyang pasanin.

20 Ngunit sila'y huwag papasok upang tingnan ang santuwaryo kahit sandali lang, upang hindi sila mamatay.”

Ang Paglilingkod ng mga Gershonita

21 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

22 “Bibilangin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ayon sa kanilang mga angkan;

23 mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang ay bibilangin mo sila; ang lahat ng karapat-dapat maglingkod sa gawain ng toldang tipanan.

24 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga dala-dalahan.

25 Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, ang toldang tipanan, ang takip niyon, ang panakip na balat ng kambing na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,

26 ang mga kurtina sa bulwagan, ang tabing sa pasukan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali ng mga iyon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod; at gagawin nila ang lahat na marapat na gawin sa mga iyon.

27 Nasa pamamahala ni Aaron at ng kanyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gershonita, ang lahat ng kanilang dadalhin at ang lahat ng kanilang gagawin; at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang dadalhin.

28 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita sa toldang tipanan at ang gawain nila ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.

Katungkulan ng mga Anak ni Merari

29 “Tungkol sa mga anak ni Merari, bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

30 Mula sa tatlumpung taong gulang pataas hanggang sa limampung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa toldang tipanan.

31 At ito ang tungkulin nilang dalhin ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan: ang mga tabla ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan.

32 Ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, at ang mga patungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ang lahat ng kasangkapan at iba pang kasamang kagamitan; at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan nilang dalhin.

33 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang Bilang ng mga Levita mula Tatlumpu Hanggang Limampu

34 At binilang nina Moises at Aaron at ng mga pinuno ng sambayanan ang mga anak ng mga Kohatita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,

35 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, ang bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.

36 Ang nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay dalawang libo pitong daan at limampu.

37 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga Kohatita, lahat ng naglilingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

38 At ang nabilang sa mga anak ni Gershon, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,

39 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.

40 Ang nabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ay dalawang libo animnaraan at tatlumpu.

41 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gershon, sa lahat ng naglingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon.

42 Ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,

43 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan,

44 ang lahat na nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay tatlong libo at dalawandaan.

45 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang nina Moises at Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

46 Ang lahat na nabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga pinuno sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan at sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,

47 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod at magdala ng mga pasan na may kinalaman sa toldang tipanan.

48 Ang nabilang sa kanila ay walong libo limang daan at walumpu.

49 Ayon sa utos ng Panginoon ay nabilang sa pamamagitan ni Moises, bawat isa ayon sa kanyang paglilingkod, at ayon sa kanyang dadalhin; ganito niya binilang sila gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Paglilinis ng Kampo

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay.

Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,

at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.

Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.

At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.

10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”

Ang Batas tungkol sa Nagtaksil na Asawa

11 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

12 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya,

13 at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto,

14 at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili,

15 dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan.

16 “At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa Panginoon.

17 Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig.

18 Pahaharapin ng pari ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa.

19 Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, ‘Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa.

20 Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,’

21 panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, ‘Gagawin ka ng Panginoon na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng Panginoon ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan.

22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.’ At ang babae ay magsasabi, ‘Amen.’

23 “Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan.

24 Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi.

25 At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng Panginoon, at dadalhin ito sa dambana.

26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig.

27 Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan.

28 Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao.

29 “Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili,

30 o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa Panginoon at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito.

31 Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan.”

Marcos 12:18-37

Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

18 Lumapit(B) sa kanya ang mga Saduceo na nagsasabi na walang muling pagkabuhay at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi.

19 “Guro,(C) isinulat para sa amin ni Moises na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay mamatay at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid ang kanyang asawa, at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.

20 May pitong lalaking magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at nang mamatay siya ay walang naiwang anak.

21 Pinakasalan ng pangalawa ang balo at namatay na walang naiwang anak at gayundin naman ang pangatlo.

22 At ang pito ay walang iniwang anak. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay.

23 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat siya'y naging asawa ng pito.”

24 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba't ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos?

25 Sapagkat sa pagkabuhay nilang muli mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin pa; kundi tulad sila ng mga anghel sa langit.

26 Ngunit(D) tungkol sa mga patay, na sila'y muling bubuhayin, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa mababang punungkahoy, kung paanong sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob?’

27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay; maling-mali kayo.”

Ang Pangunahing Utos(E)

28 Lumapit(F) ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”

29 Sumagot(G) si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.

30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’

31 Ang(H) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”

32 Sinabi(I) sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.

33 Ang(J) siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”

34 Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(K)

35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?

36 Si(L) David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’

37 Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.

Mga Awit 48

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Mga Kawikaan 10:26

26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at ang usok sa mga mata,
    gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001