Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 10:1-11:23

Ang mga Trumpetang Pilak

10 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.

At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.

Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.

Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.

At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.

Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.

Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.

10 Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Ang mga Anak ni Israel ay Lumakad mula sa Sinai

11 Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.

12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.

13 Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

14 At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.

15 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.

16 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.

Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Hukbo

17 Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.

18 Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.

19 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.

20 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel.

21 Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.

22 Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.

23 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur.

24 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni.

25 At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.

26 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.

27 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.

28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.

29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng Panginoon, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang Panginoon ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.”

30 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.”

31 At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.

32 At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.”

33 Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.

34 Ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.

Ang Paglabas

35 At(A) kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.”

36 At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.”

Nagreklamo ang mga Tao

11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.

Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.

Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.

At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!

Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.

Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”

Ang(B) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.

Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.

Kapag(C) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.

10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.

11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?

12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?

13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’

14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.

15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”

Ang Pitumpung Matatanda

16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.

17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.

18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.

19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;

20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”

21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’

22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”

23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”

Marcos 14:1-21

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

14 Dalawang(B) araw noon bago ang Paskuwa at ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pinag-iisipan ng mga punong pari at ng mga eskriba kung paano huhulihin siya nang patago at siya'y maipapatay.

Sapagkat sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang(D) siya'y nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, habang siya'y nakaupo sa hapag-kainan, dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na punô ng mamahaling pabangong purong nardo, binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa kanyang ulo.

Ngunit may ilan doon na pagalit na sinabi sa kanilang sarili, “Bakit sinayang nang ganito ang pabango?

Sapagkat ang pabangong ito'y maipagbibili ng higit sa tatlong daang denario, at maipamimigay sa mga dukha.” At kanilang pinagalitan ang babae.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya; bakit ninyo siya ginugulo? Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin.

Sapagkat(E) lagi ninyong kasama ang mga dukha at kung kailan ninyo nais, magagawan ninyo sila ng mabuti, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

Ginawa niya ang kanyang makakaya; nagpauna na niyang pahiran ang katawan ko para sa paglilibing.

Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin sa pag-alaala sa kanya.”

Nakipagsabwatan si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)

10 Si Judas Iscariote naman, na isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang maipagkanulo siya sa kanila.

11 Nang marinig nila ito, sila'y nagalak at nangakong siya'y bibigyan ng salapi. Kaya't naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya.

Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(G)

12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”

13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.

14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’

15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”

16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.

17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.

18 Nang(H) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”

19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.

21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Mga Awit 51

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.

51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
    ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
    at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
    at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
    at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
    at walang dungis sa iyong paghatol.
Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
    at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
    at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
    hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
    hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
    at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.

10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
    at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
    at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
    at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
    at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
    ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
    at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
    at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
    hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
    isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.

18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
    itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
    sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
    kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.

Mga Kawikaan 10:31-32

31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan,
    ngunit ang mandarayang dila ay ihihiwalay.
32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakakalugod,
    ngunit ang bibig ng masama, ang alam ay baluktot.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001