Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 2-3

Ang mga Taon sa Ilang

“Pagkatapos,(A) tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng Panginoon; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir.

At nagsalita ang Panginoon sa akin, na sinasabi,

‘Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga.

At(B) iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti.

Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian.

Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom.

Sapagkat pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.’

Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. “Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab.

At(C) sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.’

10 (Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim.

11 Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.

12 Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13 ‘Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.’ At tayo'y tumawid sa batis ng Zared.

14 Ang(D) panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng Panginoon.

15 Talagang ang Panginoon ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol.

16 “Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma,

17 ay sinabi sa akin ng Panginoon,

18 ‘Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar.

19 Kapag(E) ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.’

20 (Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita,

21 isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng Panginoon nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila.

22 Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito.

23 Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo[a] na nagmula sa Caftor,[b] lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.)

24 ‘Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan.

25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.’

Nilupig ng Israel ang Hesbon(F)

26 “Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi,

27 ‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa.

28 Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako,

29 gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.’

30 Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng Panginoon mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.

31 Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.’

32 At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz.

33 Ibinigay siya ng Panginoon nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan.

34 At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira.

35 Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop.

36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos.

37 Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Diyos.

Nilupig ng Israel si Haring Og(G)

“Pagkatapos, tayo'y pumihit at umahon sa daang patungo sa Basan, at si Og na hari ng Basan at ang kanyang buong lunsod ay lumabas upang tayo ay harapin, upang makipaglaban sa Edrei.

Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya, sapagkat ibinigay ko na siya sa iyong kamay, at ang kanyang buong bayan, at ang kanyang lupain. At gagawin mo sa kanya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon.’

Ibinigay din ng Panginoon nating Diyos sa ating kamay si Og, na hari ng Basan, at ang buong lunsod niya; at ating pinuksa siya hanggang sa walang natira sa kanya.

Ating sinakop ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon; walang lunsod na hindi natin inagaw sa kanila; animnapung lunsod ang buong lupain ng Argob na kaharian ni Og sa Basan.

Ang lahat ng mga lunsod nito'y napapaligiran ng matataas na pader, mga pintuang-lunsod at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga nayong walang pader.

Pinuksa natin silang lahat, na gaya ng ating ginawa kay Sihon na hari ng Hesbon, ating pinuksa ang bawat lunsod, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata.

Sinamsam natin ang mga hayupan at ang nasamsam sa mga lunsod ay ating dinala.

Ating sinakop ang lupaing nasa kabila ng Jordan mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo

(tinatawag ng mga taga-Sidon ang Hermon na Sirion, at ito ay tinatawag ng mga Amoreo na Senir),

10 lahat ng mga lunsod sa kapatagan, at ang buong Gilead, at ang buong Basan, hanggang Saleca at Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan.

11 (Sapagkat tanging si Og na hari ng Basan ang natira sa nalabi sa mga Refaim. Ang kanyang higaan ay higaang bakal; hindi ba't ito'y nasa Rabba sa mga anak ni Ammon? Siyam na siko ang haba at apat na siko ang luwang nito, ayon sa karaniwang siko.[c])

Mga Lipi na Nanirahan sa Silangan ng Jordan(H)

12 “Ito ang mga lupaing ating sinakop nang panahong iyon; mula sa Aroer, na nasa gilid ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Gilead, at ang mga lunsod nito, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita;

13 ang ibang bahagi ng Gilead, at ang buong Basan na kaharian ni Og, ang buong lupain ng Argob, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases. (Ang buong Basan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim.

14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob na ito ng Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Macatita; tinawag niya ang mga nayon ayon sa kanyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)

15 At aking ibinigay ang Gilead kay Makir.

16 Sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Gilead hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, bilang hangganan niyon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;

17 pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyon, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat ng Asin, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silangan.

18 “At(I) kayo'y aking inutusan nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos ang lupaing ito upang angkinin; kayong lahat na mandirigma ay daraang may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel.

19 Tanging ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop (alam ko na kayo'y mayroong maraming hayop) ang mananatili sa inyong mga lunsod na aking ibinigay sa inyo,

20 hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang angkinin din ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos sa kabila ng Jordan. Pagkatapos ay babalik ang bawat lalaki sa inyo sa kanyang pag-aari na aking ibinigay sa inyo.’

21 At aking iniutos kay Josue nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Diyos sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.

22 Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang makikipaglaban para sa inyo.’

Hindi Pinapasok si Moises sa Canaan

23 “Ako'y(J) nanalangin sa Panginoon nang panahon ding iyon, na sinasabi,

24 ‘O Panginoong Diyos, pinasimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: sino ang diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng tulad sa iyong mga gawa ng iyong kapangyarihan?

25 Hinihiling ko sa iyo, patawirin mo ako at nang aking makita ang mabuting lupaing nasa kabila ng Jordan, ang mainam na lupaing maburol at ang Lebanon.’

26 Ngunit ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako pinakinggan. At sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.

27 Umahon ka sa taluktok ng Pisga at igala mo ang iyong paningin sa dakong kanluran, sa hilaga, sa timog, at sa silangan, at masdan mo sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito.

28 Ngunit utusan mo si Josue, at palakasin mo ang kanyang loob at patatagin mo siya sapagkat siya'y tatawid na nangunguna sa bayang ito, at kanyang ipapamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.’

29 Kaya't nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Bet-peor.

Lucas 6:12-38

Hinirang ni Jesus ang Labindalawang Apostol(A)

12 Nang mga araw na iyon, siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos.

13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at siya'y pumili mula sa kanila ng labindalawa na itinalaga niyang mga apostol:

14 si Simon, na tinawag niyang Pedro, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago, si Juan, si Felipe, si Bartolome,

15 si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na Masigasig,[a]

16 at si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nanggamot(B)

17 Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit;

18 at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling.

19 Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(C)

20 Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi,

“Mapapalad kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
Mapapalad kayong tumatangis ngayon
    sapagkat kayo'y tatawa.

22 Mapapalad(D) kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao.

23 Magalak(E) kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman,
    sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom.
    “Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak.

26 “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.

Pag-ibig sa mga Kaaway(F)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,

28 pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.

29 Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika.

30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon.

31 Kung(G) ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.

32 Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.

33 At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.

34 Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga.

35 Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama.

36 Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.

Paghatol sa Iba(H)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.

38 Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.

Mga Awit 67

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.

67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
    at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
    ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!

Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
    sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
    at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.

Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
    ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
    matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!

Mga Kawikaan 11:27

27 Ang masipag na humahanap ng mabuti ay humahanap ng pagpapala,
    ngunit ang kasamaa'y dumarating sa naghahanap ng masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001