The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Ang Bilang, mga Kampo, at mga Pinuno ng Bawat Anak ni Israel
2 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Ang mga anak ni Israel ay magkakampo, bawat lalaki sa tabi ng kanyang sariling watawat, na may sagisag ng mga sambahayan ng kanyang mga ninuno; magkakampo sila na nakaharap sa toldang tipanan sa palibot nito.
3 Ang magkakampo sa silangan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay ang kabilang sa watawat ng kampo ng Juda, ayon sa kanilang mga pangkat. Ang magiging pinuno sa mga anak ni Juda ay si Naashon na anak ni Aminadab.
4 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang sa kanila ay pitumpu't apat na libo at animnaraan.
5 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Isacar; at ang magiging pinuno sa mga anak ni Isacar ay si Natanael na anak ni Suar.
6 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't apat na libo at apatnaraan.
7 Sa lipi ni Zebulon ang magiging pinuno sa mga anak ni Zebulon ay si Eliab na anak ni Helon,
8 at ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't pitong libo at apatnaraan.
9 Lahat ng nabilang sa kampo ng Juda ay isandaan at walumpu't anim na libo at apatnaraan, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang unang susulong.
10 “Sa dakong timog ay ang watawat ng kampo ng Ruben, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno ng mga anak ni Ruben ay si Elisur na anak ni Sedeur.
11 Ang kanyang pangkat ayon sa bilang ay apatnapu't anim na libo at limang daan.
12 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Simeon at ang magiging pinuno sa mga anak ni Simeon ay si Selumiel na anak ni Zurishadai.
13 Ang kanyang pangkat at ang nabilang sa kanila ay limampu't siyam na libo at tatlong daan.
14 Kasunod ang lipi ni Gad at ang magiging pinuno sa mga anak ni Gad ay si Eliasaf na anak ni Reuel:[a]
15 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo animnaraan at limampu.
16 Lahat ng nabilang sa kampo ni Ruben ay isandaan at limampu't isang libo apatnaraan at limampu, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang pangalawang susulong.
17 “Kung magkagayon, ang toldang tipanan ay susulong na kasama ng pangkat ng mga Levita sa gitna ng mga kampo, ayon sa kanilang pagkakampo ay gayon sila susulong, na bawat lalaki ay sa kanya-kanyang lugar ayon sa kanilang mga watawat.
18 “Sa dakong kanluran ay ang watawat ng kampo ng Efraim, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno sa mga anak ni Efraim ay si Elisama na anak ni Amihud.
19 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapung libo at limang daan.
20 Katabi niya ang lipi ni Manases at ang magiging pinuno sa mga anak ni Manases ay si Gamaliel na anak ni Pedasur.
21 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan.
22 Ang lipi ni Benjamin at ang magiging pinuno sa mga anak ni Benjamin ay si Abidan na anak ni Gideoni.
23 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan.
24 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Efraim ay isandaan walong libo at isandaan, ayon sa kanilang mga pangkat. At sila ang pangatlong susulong.
25 “Sa dakong hilaga ay ilalagay ang watawat ng kampo ng Dan, ayon sa kanilang mga pangkat at ang magiging pinuno sa mga anak ni Dan ay si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Ang kanilang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay animnapu't dalawang libo at pitong daan.
27 Ang magkakampo na katabi niya ay ang lipi ni Aser; ang magiging pinuno sa mga anak ni Aser ay si Fegiel na anak ni Ocran.
28 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't isang libo at limang daan.
29 Kasunod ang lipi ni Neftali at ang magiging pinuno sa mga anak ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan.
30 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay limampu't tatlong libo at apatnaraan.
31 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Dan, ay isandaan at limampu't pitong libo at animnaraan. Sila ang huling susulong, ayon sa kanilang mga watawat.”
32 Ito ang nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang lahat na nabilang sa mga kampo, ayon sa kanilang mga pangkat ay animnaraan at tatlong libo limang daan at limampu.
33 Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
34 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon sila nagkampo sa tabi ng kanilang mga watawat, at gayon sila sumulong, na bawat isa'y ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
Ang mga Pari at Levita ay Ibinukod
3 Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2 Ito(A) ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar.
3 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari.
4 Subalit(B) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng Panginoon nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pari sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya.
7 Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
8 At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
9 Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel.
10 Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin.”
11 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin.
13 Lahat(C) ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.”
Ang Bilang at Katungkulan ng mga Levita
14 Nagsalita ang Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
15 “Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo.”
16 Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kanya.
17 Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari.
18 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei.
19 Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.
20 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
21 Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita.
22 Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan.
23 Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran.
24 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael.
25 Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26 ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon.
27 Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita.
28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo.
29 Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog.
30 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel.
31 Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing—lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito.
32 Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo.
33 Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
34 Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan.
35 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga.
36 Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan—lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito;
37 gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon.
38 Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin.
39 Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo.
40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan.
41 Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.”
42 Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
43 Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo.
Pantubos sa mga Panganay
44 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
46 Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita,
47 ay kukuha ka ng limang siklo[b] para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera[c]).
48 Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang.”
49 At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita,
50 mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.
51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(A)
27 Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.
28 Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”
29 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30 Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”
31 Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
32 Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.
33 Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(B)
12 Nagsimula(C) siyang magsalita sa kanila sa mga talinghaga. “Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay ng pisaan ng ubas, nagtayo ng isang tore, pinaupahan iyon sa mga magsasaka, at nagpunta siya sa ibang lupain.
2 Nang dumating ang kapanahunan, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang kunin sa kanila ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan.
3 Ngunit siya'y kanilang sinunggaban, binugbog at pinaalis na walang dala.
4 Siya'y muling nagsugo sa kanila ng isa pang alipin at ito'y kanilang pinalo sa ulo at nilait.
5 Nagsugo siya ng isa pa at ito'y kanilang pinatay; gayundin sa marami pang iba. Binugbog ang ilan at ang iba'y pinatay.
6 Mayroon pa siyang isa, isang minamahal na anak na lalaki. Sa kahuli-hulihan siya'y kanyang isinugo sa kanila na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
7 Ngunit sinabi ng mga magsasakang iyon sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at magiging atin ang mana.’
8 At siya'y kanilang sinunggaban, pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano kaya ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.
10 Hindi(D) pa ba ninyo nababasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo ng gusali,
ay siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at ito'y kagila-gilalas sa ating mga mata?’”
12 Nang kanilang mahalata na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang hulihin siya, ngunit sila'y natakot sa maraming tao at siya'y iniwan nila at sila'y umalis.
Ang Pagbabayad ng Buwis(E)
13 Kanila namang sinugo sa kanya ang ilang Fariseo at Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita.
14 At nang sila'y lumapit ay kanilang sinabi sa kanya, “Guro, nalalaman naming ikaw ay tapat at hindi ka nangingimi kaninuman; sapagkat hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Matuwid bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?”
15 Ngunit dahil alam niya ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok? Magdala kayo rito sa akin ng isang denario upang makita ko.”
16 Nagdala nga sila ng isa at sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit?” Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.”
17 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
24 Ang kinatatakutan ng masama, sa kanya ay sasapit,
ngunit ipagkakaloob ang nasa ng matuwid.
25 Pagdaan ng unos, ang masama'y napaparam,
ngunit ang matuwid ay matatag magpakailanman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001