The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
40 Nabalitaan(A) ng Cananeo na hari sa Arad, na naninirahan sa Negeb sa lupain ng Canaan, ang pagdating ng mga anak ni Israel.
41 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor at nagkampo sa Salmona.
42 Sila'y naglakbay mula sa Salmona at nagkampo sa Funon.
43 Sila'y naglakbay mula sa Funon at nagkampo sa Obot.
44 Sila'y naglakbay mula sa Obot at nagkampo sa Ije-abarim, sa hangganan ng Moab.
45 Sila'y naglakbay mula sa Ije-abarim at nagkampo sa Dibon-gad.
46 Sila'y naglakbay mula sa Dibon-gad at nagkampo sa Almon-diblataim.
47 Sila'y naglakbay mula sa Almon-diblataim at nagkampo sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo.
48 Sila'y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa Jerico.
49 Sila'y nagkampo sa tabi ng Jordan, mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab.
50 At nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa Jerico, na sinasabi,
51 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan,
52 inyong palalayasin ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong hinugisan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang hinulma, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang matataas na dako.
53 Angkinin ninyo ang lupain at manirahan kayo roon, sapagkat sa inyo ko ibinigay ang lupain upang angkinin.
54 Inyong(B) mamanahin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga angkan; sa malaki ay magbibigay kayo ng malaking mana, at sa maliit ay magbibigay kayo ng maliit na mana. Kung kanino matapat ang palabunutan sa bawat tao, ay iyon ang magiging kanya; ayon sa mga lipi ng inyong mga ninuno ay inyong mamanahin.
55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan sa lupain sa harap ninyo ay magiging parang mga puwing sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang guguluhin kayo sa lupaing pinaninirahan ninyo.
56 At mangyayari na gagawin ko sa inyo ang inisip kong gawin sa kanila.’”
Ang mga Hangganan ng Lupain
34 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, na ito ang lupaing magiging inyong mana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyon,
3 ang inyong lugar sa timog ay mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganan sa timog ay magiging mula sa dulo ng Dagat ng Asin sa gawing silangan.
4 Ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timog sa gulod ng Acrabim, at patuloy hanggang sa Zin, at ang mga dulo niyon ay sa dakong timog ng Kadesh-barnea; at mula rito ay patungo sa Hazar-adar, at magpapatuloy sa Azmon;
5 at ang hangganan ay paliko mula sa Azmon hanggang sa batis ng Ehipto, at matatapos iyon sa dagat.
6 “Ang inyong magiging hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat at ang baybayin niyon; ito ang magiging hangganan ninyo sa kanluran.
7 Ito ang inyong magiging hangganan sa hilaga; mula sa Malaking Dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor;
8 mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamat; at ang dulo ng hangganan ay sa Zedad;
9 ang magiging hangganan ay hanggang sa Zifron, at ang dulo nito ay ang Hazar-enan. Ito ang magiging hangganan ninyo sa hilaga.
10 Inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganan sa silangan mula sa Hazar-enan hanggang Shefam;
11 ang hangganan ay pababa mula sa Shefam hanggang sa Ribla, sa dakong silangan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cineret sa dakong silangan.
12 Ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang dulo niyon ay abot sa Dagat ng Asin. Ito ang magiging inyong lupain ayon sa mga hangganan niyon sa palibot.”
13 Iniutos(C) (D) ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng palabunutan, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;
14 sapagkat ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno ay tumanggap na, at gayundin naman ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana.
15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay tumanggap na ng kanilang mana sa kabila ng Jordan sa dakong silangan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.”
16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na magbabahagi ng lupain sa inyo bilang mana: ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun.
18 Maglalagay kayo ng isang pinuno sa bawat lipi upang maghati ng lupain bilang mana.
19 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki: sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone.
20 Sa lipi ng mga anak ni Simeon ay si Samuel na anak ni Amihud.
21 Sa lipi ni Benjamin ay si Elidad na anak ni Chislon.
22 Sa lipi ng mga anak ni Dan ay ang pinunong si Buki na anak ni Jogli.
23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases ay ang pinunong si Haniel na anak ni Efod,
24 sa lipi ng mga anak ni Efraim ay ang pinunong si Chemuel na anak ni Siftan;
25 sa lipi ng mga anak ni Zebulon ay ang pinunong si Elisafan na anak ni Farnac;
26 sa lipi ng mga anak ni Isacar ay ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan;
27 sa lipi ng mga anak ni Aser ay ang pinunong si Ahiud na anak ni Selomi;
28 at sa lipi ng mga anak ni Neftali ay ang pinunong si Pedael na anak ni Amihud.
29 Ito ang mga inutusan ng Panginoon na mamahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.”
Ang mga Lunsod para sa mga Levita
35 At(E) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na kanilang bigyan ang mga Levita mula sa mana na kanilang pag-aari, ng mga lunsod na matitirahan. Ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod na iyon ay ibibigay rin ninyo sa mga Levita.
3 Magiging kanila ang mga lunsod upang tirahan; at ang kanilang mga pastulan ay para sa kanilang mga kawan, mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.
4 Ang mga pastulan sa mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay isang libong siko sa palibot mula sa pader ng lunsod hanggang sa dakong labas.
5 Ang inyong susukatin sa labas ng lunsod sa dakong silangan ay dalawang libong siko, at sa dakong timog ay dalawang libong siko, at sa kanluran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilaga ay dalawang libong siko, na ang lunsod ay sa gitna. Ito ang magiging kanilang mga pastulan sa mga lunsod.
6 Ang mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na lunsod na kanlungan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao. Bukod pa dito ay magbibigay kayo ng apatnapu't dalawang lunsod.
7 Lahat ng mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay apatnapu't walong lunsod; kasama ang kanilang mga pastulan.
8 Tungkol sa mga lunsod na inyong ibibigay mula sa ari-arian ng mga anak ni Israel ay kukuha kayo ng marami mula sa malalaking lipi at sa maliliit na lipi ay kukuha kayo ng kaunti; bawat isa ayon sa kanyang mana na kanyang minamana ay magbibigay ng kanyang mga lunsod sa mga Levita.”
Mga Lunsod-Kanlungan(F)
9 At(G) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,
11 ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.
12 Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan.
13 Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan.
14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan.
15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.
16 Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.
17 Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.
18 O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.
19 Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin.
20 Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay;
21 o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya.
Ang mga Lunsod-Kanlungan para sa Nakamatay
22 “Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan,
23 o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama;
24 kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mga batas na ito.
25 Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis.
26 Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan,
27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo,
28 sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari.
Ang Batas tungkol sa Mamamatay-Tao
29 “Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan.
30 Kung(H) ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi.
31 Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin.
32 Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari.
33 Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon.
34 Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang Panginoon ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel.”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)
12 Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na punô ng ketong.[a] Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin.”
13 Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, “Nais ko, maging malinis ka.” At agad nawala ang kanyang ketong.
14 Ipinagbilin(B) niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. “Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila.”
15 Subalit lalo niyang ikinalat ang balita tungkol kay Jesus. Nagtipon ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit.
16 Subalit umaalis si Jesus patungo sa ilang at nananalangin.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(C)
17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.
18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[b]
19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”
21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”
22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?
23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.
26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”
Tinawag ni Jesus si Levi(D)
27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[c] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
23 Ang nasa ng matuwid ay nagwawakas lamang sa kabutihan,
ngunit ang inaasahan ng masama ay sa kapootan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001