The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Bayang Pinili ng Panginoon(A)
7 “Kapag(B) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinaroroonan upang angkinin ito, at pinalayas ang maraming bansa sa harapan mo, ang Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa iyo;
2 at kapag sila'y ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at matalo mo sila; ganap mo silang lilipulin, huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mo silang pagpakitaan ng awa.
3 Huwag kang mag-aasawa sa kanila, ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kanyang anak na lalaki, ni ang kanyang anak na babae ay kukunin mo para sa iyong mga anak na lalaki.
4 Sapagkat kanilang ilalayo ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin, upang maglingkod sa ibang mga diyos, sa gayo'y mag-aalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at mabilis ka niyang pupuksain.
5 Kundi(C) ganito ang inyong gagawin sa kanila: gigibain ninyo ang kanilang mga dambana, inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste,[a] at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.
6 “Sapagkat(D) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos; pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.
7 Kayo'y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao;
8 kundi dahil iniibig kayo ng Panginoon, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto.
9 Dahil(E) dito, kilalanin ninyo na ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi;
10 at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya.
11 Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito.
Ang mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(F)
12 “Sapagkat(G) iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno.
13 Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling,[b] ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno.
14 Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop.
15 Aalisin sa iyo ng Panginoon ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo.
16 At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo.
Ipinangako ang Tulong ng Panginoon
17 “Kapag sinabi mo sa iyong puso, ‘Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?’
18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto,
19 ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos, gayundin ang gagawin ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan.
20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo.
21 Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos.
22 At unti-unting itataboy ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo.
23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol.
24 Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila.
25 Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon.
26 Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa.
Isang Mabuting Lupain na Aangkinin
8 “Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.
2 At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.
3 Ikaw(H) ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.
4 Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon.
5 Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng Panginoon mong Diyos.
6 Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya.
7 Sapagkat dinadala ka ng Panginoon mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok,
8 lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot,
9 lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito.
10 Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo.
Babala Laban sa Paglimot sa Panginoon
11 “Mag-ingat(I) ka sa iyong sarili na baka malimutan mo ang Panginoon mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng kanyang mga utos, mga batas, at mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
12 Baka kapag ikaw ay nakakain at nabusog at nakapagtayo ng magagandang bahay, at nakatira sa mga iyon;
13 at kapag ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami na at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng nasa iyo ay dumami;
14 ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin;
15 na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na mayroong mga makamandag na ahas at mga alakdan, at tigang na lupa na walang tubig; na siyang nagbigay sa iyo ng tubig mula sa batong kiskisan;
16 na siyang nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ninuno; upang kanyang papagkumbabain at subukin ka, at gawan ka ng mabuti sa bandang huli.
17 Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.’
18 Kundi aalalahanin mo ang Panginoon mong Diyos, sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kanyang papagtibayin ang kanyang tipan na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, gaya nga sa araw na ito.
19 At kapag kinalimutan mo ang Panginoon mong Diyos, at ikaw ay sumunod sa ibang mga diyos, at paglingkuran mo sila at sinamba mo sila, ay aking tapat na binabalaan kayo sa araw na ito, na kayo'y tiyak na malilipol.
20 Tulad ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ninyo ay gayon kayo lilipulin; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[a] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37 Nang(A) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[b] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[c] at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[d] at ang isa'y limampu.
42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48 At sinabi niya sa babae,[e] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Mga Babaing Sumama kay Jesus
8 Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,
2 at(B) ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,
3 si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila[f] mula sa kanilang mga ari-arian.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
4 Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
5 O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.
6 Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
O Diyos ng Israel.
7 Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8 Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9 Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
12 Ang umiibig sa pangaral ay umiibig sa kaalaman,
ngunit ang namumuhi sa saway ay isang hangal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001