The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Tagapagmanang Babae
36 Ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay lumapit at nagsalita sa harap ni Moises at ng mga pinuno, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel.
2 Sinabi(A) nila, “Ang Panginoon ay nag-utos sa aking panginoon na ibigay sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Zelofehad na aming kapatid sa kanyang mga anak na babae.
3 Kung sila'y mag-asawa sa kaninuman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin ang mana nila na mula sa mana ng aming mga ninuno, at idaragdag sa mana ng lipi na kinabibilangan nila; sa gayo'y aalisin ito sa manang nauukol sa amin.
4 At pagdating ng jubileo ng mga anak ni Israel ay idaragdag ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinabibilangan; sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga ninuno.”
5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon, na sinasabi, “Tama ang sinasabi ng lipi ng mga anak ni Jose.”
6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad, na sinasabi, ‘Hayaan silang mag-asawa sa sinumang iniisip nila na pinakamabuti; ngunit sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama.
7 Sa gayon ay walang mana ng mga anak ni Israel ang magpapalipat-lipat sa iba't ibang lipi, sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili sa isa sa mana ng lipi ng kanyang mga ninuno.
8 Bawat anak na babae na nagmamay-ari sa anumang lipi ng mga anak ni Israel ay mag-aasawa sa isa sa mga angkan ng lipi ng kanyang ama, upang mapanatili ng bawat isa sa mga anak ni Israel ang mana ng kanyang mga ninuno.
9 Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat ang mana sa ibang lipi; sapagkat dapat manatili ang bawat lipi ng mga anak ni Israel sa kanyang sariling mana.
10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad;
11 sapagkat sina Mahla, Tirsa, Holga, Milca, at Noa, na mga anak na babae ni Zelofehad ay nagsipag-asawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
12 Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
13 Ito ang mga utos at ang mga batas, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.
1 Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.
2 Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.
3 Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya para sa kanila.
4 Ito(B) ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.
5 Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:
6 “Ang Panginoon nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.
7 Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.
8 Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’
Humirang si Moises ng mga Hukom(C)
9 “At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.
10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.
11 Ang Panginoon na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!
12 Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?
13 Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’
14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’
15 Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.
16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.
17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’
18 Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.
Nagsugo ng mga Espiya mula sa Kadesh-barnea(D)
19 “Pagkatapos, tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak ang malawak at nakakatakot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Diyos sa atin, at tayo'y dumating sa Kadesh-barnea.
20 Aking sinabi sa inyo, ‘Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Diyos.
21 Tingnan mo, ibinibigay ng Panginoon mong Diyos ang lupain sa harapan mo. Akyatin mo, angkinin mo, na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoong Diyos ng iyong mga ninuno; huwag kang matakot, o mangamba.’
22 At lahat kayo'y lumapit sa akin, bawat isa sa inyo, at nagsabi, ‘Tayo'y magsugo ng mga lalaki upang mauna sa atin, upang lihim nilang siyasatin ang lupain, at ibalita sa atin ang daang dapat nating tahakin, at ang mga lunsod na ating daratnan!’
23 Ang panukala ay minabuti ko at ako'y kumuha ng labindalawang lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi.
24 Sila'y pumihit at umahon sa lupaing maburol at dumating sa libis ng Escol, at kanilang lihim na siniyasat.
25 At sila'y kumuha ng bunga ng lupain at ibinaba iyon sa atin, at ibinalita, ‘Ang lupaing ibinibigay sa atin ng Panginoon ay mabuti.’
Hindi Nanampalataya ang Kapulungan
26 “Gayunma'y(E) hindi kayo umakyat, kundi naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos,
27 at kayo'y nagbulung-bulungan sa inyong mga tolda, at sinabi, ‘Dahil kinapootan tayo ng Panginoon, kanyang inilabas tayo sa lupain ng Ehipto upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amoreo upang tayo'y lipulin.
28 Saan tayo aahon? Pinapanghina ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, “Nakita namin doon ang mga taong malalaki at matataas kaysa atin. Ang mga bayan ay malalaki at may pader hanggang sa langit, gayundin nakita namin ang mga anak ng Anakim roon.”’
29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.
30 Ang Panginoon ninyong Diyos, na nangunguna sa inyo ay siyang makikipaglaban para sa inyo, gaya ng kanyang ginawa para sa inyo sa Ehipto sa inyong harapan,[a]
31 at(F) sa ilang, na doon ay inyong nakita kung paanong dinala kayo ng Panginoon ninyong Diyos, na gaya ng pagdadala ng tao sa kanyang anak, sa lahat ng daang inyong nilakaran hanggang sa makarating kayo sa dakong ito.’
32 Gayunma'y(G) sa kabila ng bagay na ito ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Diyos,
33 na nanguna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda na nasa apoy kapag gabi, at nasa ulap kapag araw, upang ituro sa inyo ang daang dapat ninyong lakaran.
Pinarusahan ng Panginoon ang Israel(H)
34 “Nang(I) marinig ng Panginoon ang inyong mga salita, siya ay nagalit at sumumpa na sinasabi,
35 ‘Wala ni isa man sa mga taong mula sa masamang salinlahing ito ang makakakita ng mabuting lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno,
36 maliban kay Caleb na anak ni Jefone. Makikita niya iyon at ibibigay ko sa kanya at sa mga anak niya ang lupain na kanyang nilakaran, sapagkat siya'y lubos na sumunod sa Panginoon.’
37 Ang Panginoon ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, ‘Ikaw man ay hindi papasok doon.
38 Si Josue na anak ni Nun, na iyong lingkod,[b] ay siyang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob, sapagkat siya ang mangunguna upang ito ay manahin ng Israel.
39 Bukod dito, ang inyong mga bata na inyong sinasabing magiging biktima, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay siyang papasok doon, at sa kanila'y aking ibibigay, at ito'y kanilang aangkinin.
40 Ngunit tungkol sa inyo, bumalik kayo at maglakbay sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.’
41 “At kayo ay sumagot at sinabi sa akin, ‘Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay aahon at lalaban, ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Diyos.’ At bawat isa sa inyo ay nagsakbat ng kanya-kanyang sandatang pandigma, at inyong inakalang madaling akyatin ang lupaing maburol.
42 Kaya't sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong umakyat, ni lumaban, sapagkat ako'y wala sa inyong kalagitnaan. Baka kayo'y matalo sa harapan ng inyong mga kaaway.’
43 Gayon ang sinabi ko sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig kundi kayo'y naghimagsik laban sa utos ng Panginoon, at naghambog at umakyat sa lupaing maburol.
44 Ang mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol na iyon ay lumabas laban sa inyo, at kayo'y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo'y tinalo sa Seir hanggang sa Horma.
45 Kayo'y bumalik at umiyak sa harapan ng Panginoon, ngunit hindi dininig ng Panginoon ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo.
46 Kaya't kayo'y nanatili nang maraming araw sa Kadesh, ayon sa mga araw na inyong inilagi roon.
29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.
30 Nagbulung-bulungan(A) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.
32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(B)
33 At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.”
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila?
35 Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma.
37 At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat.
38 Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.
39 At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(C)
6 Isang(D) araw ng Sabbath habang bumabagtas si Jesus[a] sa mga triguhan, ang mga alagad niya ay pumitas ng mga uhay at pagkatapos ligisin sa kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito.
2 Subalit sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya at ang mga kasamahan niya ay nagutom?
4 Siya'y (E) (F) pumasok sa bahay ng Diyos, kinuha at kinain ang tinapay na handog,[b] at binigyan pati ang kanyang mga kasamahan na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang?”
5 At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”
Ang Taong Tuyo ang Kamay(G)
6 Nang isa pang Sabbath, siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaki na tuyo ang kanang kamay.
7 Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay nagmamatyag sa kanya kung siya'y magpapagaling sa Sabbath upang makakita sila ng maibibintang laban sa kanya.
8 Subalit alam niya ang kanilang mga iniisip at sinabi niya sa lalaki na tuyo ang kamay, “Halika at tumayo ka sa gitna.” At siya'y tumindig at tumayo.
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, ipinahihintulot ba sa kautusan na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama kung Sabbath? Magligtas ng buhay o pumuksa nito?”
10 At matapos niyang tingnan silang lahat ay sinabi sa kanya, “Iunat mo ang iyong kamay.” Gayon nga ang ginawa niya at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
11 Subalit sila'y napuno ng matinding galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
24 May taong nagbibigay ng masagana at lalo pang yumayaman,
may nagkakait ng dapat ibigay, ngunit naghihirap lamang.
25 Ang taong mapagbigay ay payayamanin,
at siyang nagdidilig ay didiligin din.
26 Susumpain ng bayan ang nagkakait ng trigo,
ngunit ang nagbibili niyon ay may pagpapala sa kanyang ulo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001