The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Batas tungkol sa mga Panata
30 Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang ipinag-uutos ng Panginoon.
2 Kapag(A) ang isang lalaki ay namanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panata, ay huwag niyang sisirain ang kanyang salita. Kanyang tutuparin ang ayon sa lahat ng lumabas sa kanyang bibig.
3 Kapag ang isang babae naman ay namanata ng isang panata sa Panginoon at itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa, samantalang nasa bahay ng kanyang ama, sa kanyang pagkadalaga,
4 at narinig ng kanyang ama ang kanyang panata, at ang kanyang sumpa na doon ay itinali niya ang kanyang sarili, at ang kanyang ama ay walang sinabi sa kanya, lahat nga ng kanyang panata ay magkakabisa, at bawat panata na kanyang ipinanata sa kanyang sarili ay magkakabisa.
5 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang ama sa araw na narinig niya ito, alinman sa kanyang panata o pangako na kanyang ginawa ay hindi magkakabisa, at patatawarin siya ng Panginoon sapagkat sinaway siya ng kanyang ama.
6 At kung siya'y may asawa at mamanata o magbitiw sa kanyang labi ng anumang salita na hindi pinag-isipan na doo'y itinali niya ang kanyang sarili,
7 at marinig ng kanyang asawa at walang sinabi sa kanya sa araw na marinig iyon, magkakabisa nga ang kanyang mga panata at pangako na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
8 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang asawa sa araw na marinig iyon, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang panata at ang binitiwang pangako ng kanyang mga labi na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at patatawarin siya ng Panginoon.
9 Ngunit anumang panata ng isang babaing balo, o ng isang hiniwalayan ng asawa ay magkakabisa sa bawat bagay na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
10 Kung siya'y mamanata sa bahay ng kanyang asawa, o kanyang itinali ang kanyang sarili sa isang pananagutan na kaakbay ng isang sumpa,
11 at narinig ng kanyang asawa, at walang sinabi sa kanya at hindi siya sinaway, kung gayon ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawat pananagutan na kanyang itinali sa kanyang sarili ay magkakabisa.
12 Ngunit kung ang mga iyon ay pawawalang-bisa ng kanyang asawa sa araw na marinig, hindi magkakabisa ang anumang bagay na binitiwan ng kanyang mga labi tungkol sa kanyang mga panata o tungkol sa itinali niya sa kanyang sarili. Patatawarin siya ng Panginoon.
13 Bawat panata o bawat pananagutan na pinagtibay ng sumpa, na makapagpapahirap ng sarili, ay mabibigyang bisa ng kanyang asawa, o mapawawalang bisa ng kanyang asawa.
14 Ngunit kung ang kanyang asawa ay walang sinabi sa kanya sa araw-araw, pinagtibay nga niya ang lahat niyang panata, o ang lahat ng kanyang pananagutan, sapagkat hindi siya umimik nang araw na kanyang marinig ang mga ito.
15 Ngunit kung kanyang pawawalang-bisa ito pagkatapos na kanyang marinig, tataglayin nga niya ang kasamaan ng kanyang asawa.
16 Ito ang mga tuntunin na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa mag-asawa at sa mag-ama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kanyang ama sa panahon ng kanyang kabataan.
Paghihiganti sa Midianita
31 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”
3 At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.
4 Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”
5 Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.
6 Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.
7 Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.
8 Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.
9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.
10 Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
11 Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.
12 Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.
14 Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.
15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?
16 Ang(B) mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.
17 Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
18 Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.
19 Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
20 Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.
Pagbabahagi ng Samsam at Bihag
21 Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,
23 at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.
24 Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”
25 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.
27 Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.
28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.
29 Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.
30 Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”
31 Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32 Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,
33 pitumpu't dalawang libong baka,
34 animnapu't isang libong asno,
35 at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
36 Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.
37 Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.
38 Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.
39 Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.
40 Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.
41 Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42 Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.
43 Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,
44 tatlumpu't anim na libong baka,
45 tatlumpung libo't limang daang asno,
46 at labing-anim na libong tao.
47 Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48 Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.
49 Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
50 Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”
51 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.
52 Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.
53 (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)
54 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
Tinukso si Jesus(A)
4 Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,
2 na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”
4 At(B) sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo[a] sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.
6 At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.
7 Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”
8 At(C) sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
9 Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,
10 sapagkat(D) nasusulat,
‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
na ikaw ay ingatan,’
11 at,
‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’
12 At(E) sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
13 Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.
Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(F)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na nasa kapangyarihan ng Espiritu at kumalat ang balita tungkol sa kanya sa palibot ng buong lupain.
15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at pinuri ng lahat.
Si Jesus ay Tinanggihan sa Nazaret(G)
16 Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa,
17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat,[b] at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat:
18 “Ang(H) Espiritu ng Panginoon ay nasa akin,
sapagkat ako'y hinirang[c] niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha.
Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag,
at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi,
19 upang ipahayag ang taon ng biyaya[d] mula sa Panginoon.”
20 Isinara niya ang aklat, isinauli ito sa tagapaglingkod at naupo. At ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatutok sa kanya.
21 At siya'y nagsimulang magsabi sa kanila, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.”
22 Lahat ay nagsalita ng mabuti tungkol sa kanya at namangha sa mga mapagpalang salita na lumabas sa kanyang bibig. At sinabi nila, “Hindi ba ito ay anak ni Jose?”
23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kawikaang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili.’ Ang anumang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin sa iyong lupain.”
24 Sinabi(I) niya, “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan.
25 Ngunit(J) ang totoo, maraming babaing balo sa Israel noong panahon ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan at nagkaroon ng malubhang taggutom sa buong lupain.
26 Ngunit(K) si Elias ay hindi sinugo sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang babaing balo sa Zarefta, sa lupain ng Sidon.
27 Maraming(L) ketongin sa Israel nang panahon ni propeta Eliseo, at walang sinumang nilinis sa kanila, maliban kay Naaman na taga-Siria.”
28 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, napuno ng galit ang lahat ng nasa sinagoga.
29 Sila'y tumindig, ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y ihulog nila nang patiwarik.
30 Ngunit dumaan siya sa gitna nila at siya'y umalis.
Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
6 kapag naaalala kita sa aking higaan,
ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
7 sapagkat naging katulong kita,
at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
8 Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.
9 Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.
20 Silang suwail sa puso sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang sakdal sa kanilang lakad ay kanyang kasiyahan.
21 Ang masamang tao ay tiyak na parurusahan,
ngunit ang matutuwid ay may kaligtasan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001